Sa isang General Authority training meeting, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) tungkol sa pagtuturo ng doktrina ng Simbahan: “Kailangang maging maingat na maingat tayo. Kailangan tayong mag-ingat na hindi tayo malihis [ng landas]“ [General Authority training meeting, Salt Lake City, Set. 29, 1992]. …
Sa pagsulong ng edukasyon sa Simbahan sa ika-21 siglo, kailangang isipin ng ating mga tagapagturo ang anumang mga pagbabagong dapat nilang gawin sa paraan ng paghahanda nilang magturo, kung paano sila nagtuturo, at kung ano ang kanilang itinuturo kung nais nilang magtatag ng matibay na pananampalataya sa buhay ng mahal nating mga kabataan.
Lipas na ang panahon na tapat na nagtatanong ang estudyante at sumasagot ang guro ng, “Huwag mong alalahanin iyan!” … Lipas na ang panahon na protektado ang mga estudyante mula sa mga taong bumabatikos sa Simbahan.
Mabuti na lang at ibinigay ng Panginoon ang napapanahon at walang-kamatayang payo na ito sa mga guro: “At yayamang lahat ay walang pananampalataya, masigasig na maghanap at turuan ang bawat isa ng mga salita ng karunungan; oo, maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” [Doktrina at mga Tipan 88:118].
Angkop ito lalo na ngayon dahil hindi lahat ng estudyante natin ay may pananampalatayang kailangan sa pagharap sa darating na mga hamon at dahil marami sa kanila ang lantad na, sa pamamagitan ng internet, sa nakasisirang mga puwersa ng napaka-sekular na mundo na kumakalaban sa pananampalataya, pamilya, at mga pamantayan ng ebanghelyo. Lumalaganap ang impluwensya ng Internet sa buong mundo sa halos lahat ng tahanan at napupunta sa mga kamay at pumapasok sa isipan ng ating mga estudyante. …
Napansin ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973):
“Ipinapaalala namin sa inyo na ang pagtatamo ng kaalaman sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi madaling paraan para matuto. Kailangan ng matinding pagsisikap at patuloy na pagsisikap nang may pananampalataya” [Harold B. Lee, sa Clyde J. Williams, pat., The Teachings of Harold B. Lee (1996), 331]. …
Ang kaalaman sa pamamagitan ng pananampalataya ay magbubunga ng dalisay na patotoo, at ang dalisay na patotoo ay may kapangyarihang baguhin ang buhay, tulad ng inilarawan sa sumusunod na maiikling kuwento. (“Sa Pamamagitan ng Pag-aaral at sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Dis. 2016, 22–23)