Habang pinag-iisipan namin ang ilan sa inyong mga tanong, mahalagang tandaan na ako ay isang General Authority, ngunit hindi ako ginagawa nitong awtoridad sa pangkalahatan! …
Nag-aalala ako kung minsan na maraming inaasahan ang mga miyembro mula sa mga lider at guro ng Simbahan—na umaasang magiging mga eksperto sila sa mga paksang higit pa sa kanilang mga tungkulin at responsibilidad. Tinawag ng Panginoon ang mga apostol at propeta upang anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo—hindi upang magtamo ng mas mataas na antas sa sinaunang kasaysayan, pag-aaral ng Biblia, at iba pang mga larangan na maaaring makatulong sa pagsagot sa lahat ng mga tanong natin tungkol sa mga banal na kasulatan, kasaysayan, at Simbahan. Ang pangunahin nating tungkulin ay itatag ang Simbahan, ituro ang doktrina ni Cristo, at tulungan ang mga nangangailangan ng tulong. …
Wawakasan ko ito sa pamamagitan ng tatlong mungkahi tungkol sa paghahanap ng mga sagot sa mga tanong tungkol sa ebanghelyo.
Una, habang nagsasaliksik, nag-aaral, at nagdarasal para sa mga sagot, nawa’y tandaan ninyo na kailangan ninyong mamuhay nang tama upang makuha ang mga sagot na hinahanap ninyo. …
Pangalawa, mahal kong mga kaibigang kabataan, mag-ukol ng oras na “kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos” [Mga Awit 46:10]. Karamihan sa ating mga alalahanin sa buhay ay sinasagot sa mga tahimik na sandali ng pag-iisip, pagdarasal, at paglapit sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo para sa patnubay, kapayapaan, at kagalakan habang pinagsisikapan nating ipamuhay ang ebanghelyo.
At sa huli, mangyaring magtuon sa kung ano ang tunay na mahalaga. Huwag tumingin nang lampas sa tanda. Magtiwala sa Ama sa Langit. Ibinigay Niya sa atin ang Kanyang walang hanggang plano, kaya “manatili sa bangka at kumapit nang mahigpit!” [M. Russell Ballard, “Manatili sa Bangka at Kumapit nang Mahigpit!,” Liahona, Nob. 2014, 89–92]. Mahal namin kayo at kailangan namin kayo ngayon at sa darating na mga taon. (“Questions and Answers” [Brigham Young University devotional, Nob. 14, 2017], speeches.byu.edu)