Institute
Microtraining 6: Paano Ituturo nang Simple at Malinaw ang Katotohanan


“Microtraining 6: Paano Ituturo nang Simple at Malinaw ang Katotohanan,” Materyal ng Titser para sa Pagsagot sa Aking mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo (2022)

“Paano Ituturo nang Simple at Malinaw ang Katotohanan,” Pagsagot sa Aking mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo

Microtraining 6

Paano Ituturo nang Simple at Malinaw ang Katotohanan

Ipaliwanag

Ipaliwanag na ang pagtuturo ng katotohanan nang simple at malinaw ay mabisang paraan upang sagutin ang mga tanong at matugunan ang mga alalahanin. Idispley at basahin ang mga sumusunod na pahayag ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol at ni Pangulong John Taylor:

Pangulong M. Russell Ballard

Ang pinakamadalas nating marinig na kahilingan ay napakasimpleng tanong na tulad nito: “Magkuwento ka nga nang bahagya tungkol sa inyong Simbahan.” Ang tatandaan dito ay ang salitang “bahagya.” Hindi nila sinasabing, “Sabihin mo nga sa akin ang lahat ng nalalaman mo pagkatapos ay papuntahin mo pa ang iba para sabihin sa akin ang lahat ng iba pa.” …

… May malaking pangangailangan para sa malinaw at simpleng mga pahayag na naglalahad ng mga pangunahing alituntunin ng Simbahan sa ngayon sa mga nag-uusisa. (M. Russell Ballard, “Pananampalataya, Pamilya, mga Katotohanan, at mga Bunga,” Liahona, Nob. 2007, 25)

Pangulong John Taylor

Isang tunay na katalinuhan para sa isang tao ang pag-aralan ang isang paksang mahiwaga at dakila, at pagkatapos ay ipaliwanag at simplihan ito para maunawaan ng isang bata. (John Taylor, “Discourse,” Deseret News, Set. 30, 1857, 238)

Ipakita

Ibahagi sa mga estudyante ang mga sumusunod na halimbawa ng mga simple at malinaw na pahayag na ibinigay ni Pangulong Ballard (tingnan sa “Pananampalataya, Pamilya, mga Katotohanan, at mga Bunga,” 26):

  • Pagpapanumbalik: “Tayo ay naniniwala na ang orihinal na simbahan na itinatag ni Jesus ay nawala at naipanumbalik na muli sa ating panahon. Ang priesthood, ang awtoridad na ibinigay sa tao upang kumilos sa pangalan ng Diyos, na may mga apostol at isang propeta para mamuno sa atin, ay naipanumbalik na gayundin ang lahat ng kailangang ordenansa ng kaligtasan.”

  • Banal na Kasulatan: “Tayo ay naniniwala sa Aklat ni Mormon at iba pang mga aklat ng kasulatan na sumusuporta at nagpapatunay sa Biblia at nagpapatotoo sa ministeryo at kabanalan ni Cristo at sa patuloy na paghahayag ng Diyos sa tao. Tunay nga, ang Aklat ni Mormon ay ‘Isa Pang Tipan ni Jesucristo.’”

1:40
  • Ano ang pinaka-napansin ninyo sa mga halimbawang ito ng mga simple at malinaw na pahayag?

  • Paano ninyo mapagpapala ang iba sa pamamagitan ng pagpapahusay ng kakayahan ninyong magbahagi ng mga simple at malinaw na pahayag?

Isagawa

Ipakita ang mga sumusunod na tanong. Sabihin sa mga estudyante na makipagtulungan sa isang kapartner at magsalitan sa pagsagot sa mga tanong na ito. Hikayatin silang sagutin ang bawat tanong sa loob ng 30–60 segundo.

  • Naniniwala ba ang mga Banal sa mga Huling Araw kay Jesus?

  • Bakit kailangan ko pa ang Aklat ni Mormon kung mayroon na akong Biblia?

  • Nagsasagawa ba ng maramihang pag-aasawa ang mga miyembro ng inyong Simbahan?

  • Bakit kailangan ko ang organisadong relihiyon?

Para wakasan ang pagsasanay, anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa karanasang ito.