Bahagi 135
Ang pagkakamartir ni Joseph Smith, ang Propeta, at ng kanyang kapatid, si Hyrum Smith, ang Patriyarka, sa Carthage, Illinois, ika-27 ng Hunyo, 1844 (History of the Church, 6:629–631). Ang kasulatang ito ay isinulat ni Elder John Taylor ng Kapulungan ng Labindalawa, na naging saksi sa mga pangyayari.
1–2, Sina Joseph at Hyrum ay naging martir sa Piitan ng Carthage; 3, Ang nakatataas na kalagayan ng Propeta ay ipinagbunyi; 4–7, Ang kanilang walang salang dugo ay nagpatotoo sa katotohanan at kabanalan ng gawain.
1 Upang tatakan ang patotoo ng aklat na ito at ng Aklat ni Mormon, aming ipinaaalam ang pagkakamartir nina Joseph Smith, ang Propeta, at Hyrum Smith, ang Patriyarka. Sila ay binaril sa piitan ng Carthage noong ika-27 ng Hunyo, 1844, mga ikalima ng gabi, ng mga armadong mandurumog—na napipinturahang itim—na mga 150 hanggang 200 katao. Si Hyrum ang nabaril na una at bumagsak nang mahinahon, napabulalas: Ako ay isa nang patay na tao! Si Joseph ay lumundag mula sa bintana, at nabaril sa kanyang pagtatangka, napabulalas: O Panginoon kong Diyos! Sila ay kapwa binaril pagkatapos na sila ay mamatay, sa isang malupit na pamamaraan, at kapwa nakatanggap ng apat na bala.
2 Sina John Taylor at Willard Richards, dalawa sa Labindalawa, ay siyang mga tao lamang na nasa loob ng silid nang oras na yaon; ang una ay nasugatan sa malupit na pamamaraan sa pamamagitan ng apat na bala, subalit kalaunan ay gumaling; ang ikalawa, sa awa at tulong ng Diyos, ay nakatakas, na wala kahit isang butas sa kanyang bata.
3 Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito. Sa maikling panahon ng dalawampung taon, kanyang inilabas ang Aklat ni Mormon, na kanyang isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, at siya ring naging daan ng pagkakalathala nito sa dalawang lupalop; ipinadala ang kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo, na nilalaman nito, sa apat na sulok ng mundo; inilabas ang mga paghahayag at kautusang bumubuo sa aklat na ito ng Doktrina at mga Tipan, at marami pang ibang magagaling na kasulatan at mga tagubilin para sa kapakinabangan ng mga anak ng tao; tinipon ang maraming libu-libong Banal sa mga Huling Araw, nagtayo ng isang malaking lunsod, at nag-iwan ng katanyagan at pangalan na hindi maaaring mapatay. Siya ay nabuhay na dakila, at siya ay namatay na dakila sa paningin ng Diyos at ng kanyang mga tao; at gaya ng karamihan sa hinirang ng Panginoon noong mga sinaunang panahon, ay tinatakan ang kanyang misyon at kanyang mga gawain ng kanyang sariling dugo; at gayon din ang kanyang kapatid na si Hyrum. Sa buhay sila ay hindi nagkalayo, at sa kamatayan sila ay hindi pinaghiwalay!
4 Nang si Joseph ay magtungo sa Carthage upang isuko ang kanyang sarili sa mga pakunwaring hinihingi ng batas, dalawa o tatlong araw bago ang pagpatay sa kanya, sinabi niya: “Ako ay patutungong gaya ng isang kordero sa katayan; subalit ako ay mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw; ako ay may budhi na walang kasalanan sa harapan ng Diyos, at sa lahat ng tao. Ako ay mamamatay na walang kasalanan, at ito ang masasabi tungkol sa akin—siya ay pinaslang nang walang habag.”—Sa umaga ring yaon, pagkatapos makapaghandang umalis si Hyrum—masasabi bang sa katayan? oo, sapagkat gayon na nga ito—binasa niya ang sumusunod na talata, sa bandang katapusan ng ikalabindalawang kabanata ng Eter, sa Aklat ni Mormon, at binuklat ang dahon sa ibabaw nito:
5 At ito ay nangyari na, na ako ay nanalangin sa Panginoon na biyayaan niya ang mga Gentil, upang sila ay magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao. At ito ay nangyari na, na sinabi sa akin ng Panginoon: Kung wala silang pag-ibig sa kapwa-tao ay hindi na ito mahalaga sa iyo, ikaw ay naging matapat; kaya nga ang iyong mga kasuotan ay gagawing malinis. At dahil sa kinilala mo ang iyong kahinaan, ikaw ay gagawing malakas, maging hanggang sa pag-upo sa lugar na inihanda ko sa mga mansiyon ng aking Ama. At ngayon ako…ay nagpapaalam na sa mga Gentil; oo, at gayon din sa aking mga kapatid na minamahal ko, hanggang sa muli tayong magkita sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo, kung saan malalaman ng lahat ng tao na hindi nabahiran ng inyong dugo ang aking mga kasuotan. Ang mga saksi ay patay na ngayon, at ang kanilang patotoo ay may bisa.
6 Si Hyrum Smith ay apatnapu at apat na taong gulang noong Pebrero, 1844, at si Joseph Smith ay tatlumpu at walo noong Disyembre, 1843; at mula ngayon ang kanilang mga pangalan ay mabibilang sa mga martir ng relihiyon; at ang mga mambabasa sa lahat ng bansa ay mapaaalalahanan na ang Aklat ni Mormon, at ang aklat na ito ng Doktrina at mga Tipan ng simbahan, ay binayaran ng pinakamahusay na dugo ng ikalabingsiyam na siglo upang ilabas ang mga ito para sa kaligtasan ng isang nawasak na daigdig; at kung ang apoy ay makatutupok ng isang luntiang puno para sa kaluwalhatian ng Diyos, gaano kadali nitong susunugin ang mga tuyong puno upang padalisayin ang ubasan ng kabulukan. Sila ay nabuhay para sa kaluwalhatian; sila ay namatay para sa kaluwalhatian; at kaluwalhatian ang kanilang walang hanggang gantimpala. Sa pana-panahon ang kanilang mga pangalan ay maipapasa sa mga angkang susunod gaya ng mga hiyas para sa mga pinabanal.
7 Sila ay walang sala na anumang krimen, gaya ng madalas na mapatunayan nila noon pa, at nakukulong lamang sa piitan dahil sa pagsasabwatan ng mga taksil at masasamang tao; at ang kanilang walang salang dugo sa sahig ng piitan ng Carthage ay isang malaking tatak na nakakapit sa “Mormonism” na hindi maaaring itatwa ng anumang hukuman sa mundo, at ang kanilang walang salang dugo sa kalasag ng Estado ng Illinois, lakip ang nasirang tiwala ng Estado gaya ng ipinangako ng gobernador, ay isang pagpapatunay sa katotohanan ng walang hanggang ebanghelyo na hindi mauusig ng buong sanlibutan; at ang kanilang walang salang dugo sa bandila ng kalayaan, at sa magna carta ng Estados Unidos, ay isang sugo para sa relihiyon ni Jesucristo, na aantig sa mga puso ng matatapat na tao sa lahat ng bansa; at ang kanilang walang salang dugo kasama ang mga walang salang dugo ng lahat ng martir sa ilalim ng dambanang nakita ni Juan, ay magsusumamo sa Panginoon ng mga Hukbo hanggang sa kanyang maipaghiganti ang dugong yaon sa mundo. Amen.