“Hanapin ang Inyong Lakas kay Jesucristo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2024.
Hanapin ang Kanyang Lakas
Hanapin ang Inyong Lakas kay Jesucristo
Si Jesucristo ang lakas ng mga kabataan—bawat kabataan sa lupa—at siguradong kasama kayo riyan!
Natutuwa akong pasimulan ang espesyal na isyung ito ng magasing Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ang mga artikulo, aktibidad, at kuwento mula sa mga kabataan sa buong mundo ay magpapalakas sa inyong patotoo tungkol sa isang malalim na katotohanan na walang hanggan ang kahalagahan na ipinahayag ng Unang Panguluhan. Tungkol kay Jesucristo mariin nilang ipinapahayag na, “Siya ang ‘lakas ng mga kabataan.’”1 Ang ibig sabihin nito ay si Jesucristo ang inyong lakas. Dalangin ko na yakapin ninyo nang may kagalakan ang katotohanang ito sa mahalagang panahong ito sa inyong buhay, ngayon at magpakailanman.
Kailangan ng Lahat ng Lakas kay Cristo
Hindi lamang nagkataon o nagkamali ang pagparito ninyo. Pinili ninyong pumarito sa lupa para matuto, lumago, gumawa ng mga pambihirang bagay, at maging higit na katulad ng inyong Ama sa Langit. Sa paglalakbay na ito, daranas kayo ng mga panahon ng paghihirap, personal na pagsubok, panghihina-ng-loob, at kabiguan na maaaring parang mahirap makayanan. Marahil pakiramdam ninyo ay nakakulong kayo sa gayong panahon ngayon.
Sa gayong mga pagkakataon, alalahanin sana ninyo na mahal kayo ng inyong Ama sa Langit. Mahal na Niya kayo noon pa man, at lagi Niya kayong mamahalin. Dahil sa Kanyang walang-katapusan at sakdal na pagmamahal, isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo para palakasin kayo at tulungang sumulong. At naparito si Jesus dahil mahal na mahal din Niya kayo.
Ang nakakalungkot, hindi napapansin ng ilang tao ang pangangailangan nila sa isang Tagapagligtas. Hindi nila nauunawaan na sila, tulad ng lahat ng tao, ay gagawa ng mga pagkakamali na hindi nila kayang ayusin, daranas ng mga kawalan na hindi nila kayang bawiin, at haharap sa mga problema at trahedya na hindi nila kayang tiising mag-isa. Ni hindi nila madaraig ang kasalanan at kamatayan nang mag-isa. Nangangahulugan ito na kailangan nila—at ng lahat ng tao—ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, kasama ang lakas na maidudulot nito.
“Maganda iyan, Elder Holland,” maaaring iniisip ninyo, “pero paano ko magagawang maging lakas ko si Jesucristo?” Para masagot ang tanong na ito, ibabahagi ko ang ilan sa napakaraming paraan na pinalalakas kayo ni Jesucristo araw-araw.
May Kapangyarihan Siyang Palakasin Kayo
Sa Kanyang huling gabi sa mortalidad, pumasok si Jesucristo sa Halamanan ng Getsemani. Doon, lumuhod Siya sa mga punong olibo at nagsimulang pasanin sa Kanyang sarili ang mga kasalanan ng sanlibutan. Ang dakila at walang-hanggang pagdurusang ito ang “dahilan upang [siya], … ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat” (Doktrina at mga Tipan 19:18).
Pagkatapos ay dinala si Jesus sa Kalbaryo at ipinako sa krus. Doo’y natapos Niya ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Kusa Niyang ibinigay ang Kanyang buhay, at pagkatapos ay matagumpay Siyang nagbangon mula sa kamatayan. Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, nagagalak akong ipahayag na si Jesucristo ay buhay! Ipinapahayag ko rin na hindi lamang Niya inaalis ang bigat ng kasalanan kundi Siya rin ay “[nagdanas] ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso” sa paggawa nito (Alma 7:11; idinagdag ang diin).
Nadama ng Tagapagligtas ang bawat dalamhati at pighati at tiniis, sa personal na paraan, ang lahat ng pighati at pagdurusang naranasan ko, ninyo, at ng lahat ng taong nabuhay o mabubuhay. Dahil sa pisikal, mental, at espirituwal na pinagdaanan Niya para sa inyo, alam Niya kung paano kayo palalakasin.
Mahirap siguro para sa inyo na maniwala na magiging interesado si Jesus sa pagtulong sa inyo bilang isa lamang sa milyun-milyong kaedad ninyo. Kung iniisip ninyo na may mas mabubuting bagay Siyang gagawin kaysa palakasin kayo sa oras ng inyong pangangailangan, isipin Siya sa halamanang iyon, isipin Siya sa krus na iyon. “Siya’y nagdusa’t nag-alay ng buhay”2 para sa inyo dahil alam Niya na sulit iyong gawin para sa inyo. Alam pa rin Niya iyan. Siya ay lubhang interesado, handa, at may kakayahang tulungan kayo—ngayon at magpakailanman. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay upang mapalakas Niya kayo kapag tinanggap ninyo ang Kanyang paanyayang magbagong buhay: “Lumapit kayo sa akin” (Mateo 11:28).
Piliing Sumunod sa Kanya
Kayo ang nagpapasiyang sumunod kay Jesucristo at gawin Siyang lakas ninyo. “Namuno Siya at landas ay ’tinuro”3 pabalik sa Ama sa Langit. Sa katunayan, Siya nga “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6).
Matatagpuan ninyo ang daan sa pamamagitan ng pagtanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo habang sumasampalataya kayo sa Kanya at nagsisisi sa inyong mga kasalanan. Pinalalalim ninyo ang inyong kaugnayan sa Kanya kapag ipinasiya ninyong magpabinyag sa Kanyang pangalan at tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo. Pagkatapos ay magpapatuloy kayo sa Kanyang landas ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan, pagtanggap ng mga ordenansa, pagtupad sa mga tipan, at pamumuhay bilang Kanyang disipulo.
Ang mga gawaing ito ay bumubuo ng matinding koneksyon—isang koneksyon sa tipan—na ibinibigkis kayo nang mahigpit kay Cristo—at Siya sa inyo. Sa pagsunod ninyo sa Kanya, Siya at ang Ama ay nagiging pinakamalalaking pinagmumulan ng espirituwal na patnubay at lakas. Pagkatapos ay maaari kayong patuloy na sumulong nang ligtas at maligaya araw-araw, maging higit na katulad Nila, at balang-araw ay makabalik para makapiling Sila at mamuhay na tulad Nila.
Sumulong sa Kanyang Lakas
Buong puso kong pinatototohanan na si Jesus ang Cristo. Kapag nagsisikap kayong mas mapalapit sa Kanya, umaasa sa Kanya, at aanyayahan ninyo Siyang maging inyong lakas, lalapit Siya sa inyo at matatagpuan ninyo Siya.4 Wala kayong magagawang pagpapasiya na maglalagay sa inyo kahit paano sa sitwasyon na hindi Niya kayo makakayang tulungan. Buong puso akong naniniwala sa nasabi ko noon: “Hindi posibleng lumubog kayo [o ang sinuman] nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo.”5
Kung lalapit kayo kay Cristo, na laging sumusunod muna sa Kanyang mga utos nang may “buong layunin ng puso” (3 Nephi 18:32), tutulungan at palalakasin Niya kayo sa inyong pang-araw-araw na buhay. Hahawakan Niya ang inyong kamay at Siya ang magiging pag-asa ninyo. Siya ang magiging lakas ninyo. At maghahatid Siya ng walang-hanggang kaligayahan, tunay na kapayapaan, at malaking kagalakan sa inyo.
Bilang isa sa Kanyang mga natatanging saksi, pinatototohanan at ipinangangako ko na ito ay totoo.