“Ang Himalang Kailangan Natin Araw-araw,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2024.
Lakas na Madaig ang Kasalanan
Ang Himalang Kailangan Natin Araw-araw
Kung mahal tayo ng Diyos, bakit Niya tayo hinihilingang magbago at magsisi? Narito ang ilang katotohanan tungkol sa kasalanan at sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.
Paano kung masaksihan mo ang mga himalang ginawa ni Jesucristo noong nabubuhay Siya sa lupa? Mamasdan mo Siyang pagalingin ang maysakit at ibangon ang patay? Kahit hindi tayo maaaring bumalik sa nakaraan para makita ang mga himalang iyon, may isa sa mga himala ni Jesucristo na maaari nating makita araw-araw. At isa ito sa pinakamahalaga sa lahat: Nadaig Niya ang kasalanan.
Ang Katotohanan tungkol sa Kasalanan
Maaaring magtaka ang ilan kung bakit napakalaking bagay niyon. Tutal naman, kahit nagkakamali tayo paminsan-minsan, mahal pa rin tayo ng Diyos, hindi ba? Oo, mahal na mahal tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Pero dahil mahal na mahal Nila tayo, may iba pang dapat pag-usapan tungkol sa paksang ito.
Nang bisitahin Niya ang mga Nephita, itinuro sa atin ng Tagapagligtas kung bakit napakahalagang madaig ang kasalanan: “Walang maruming bagay ang makapapasok sa [kaharian ng Diyos]” (3 Nephi 27:19).
Hindi Niya sinabi na “walang maruming bagay maliban sa ilang maliliit na pagkakamali.” Itinuro Niya na anumang uri ng kasalanan (sadyang pagsuway sa mga utos ng Diyos) ay humahadlang sa atin na makapiling Siyang muli.
Problema iyan. Hindi pa natin lubos na masusunod ang mga utos ng Diyos. Totoo ito para sa lahat ng tao—sa pinakamabuting propeta, sa pinakamasamang makasalanan, at sa lahat ng nasa pagitan nila. Dahil hindi natin mabuburang mag-isa ang ating mga pagkakamali, ang kasalanan ang hahadlang sa atin na makapasok sa kaharian ng Diyos.
Ang Himala ng Pagbabayad-sala ni Cristo
Mabuti na lang, alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na kailangan natin ng tulong. Sa Halamanan ng Getsemani at sa krus, inako ni Jesucristo ang lahat ng ating pasakit, karamdaman, hirap, kahinaan, at kasalanan (tingnan sa Alma 7:11–13). Dahil Siya ang kapwa perpektong Anak ng Diyos at mortal na anak ni Maria, kaya Niyang bayaran ang halaga ng kasalanan na hindi kayang bayaran ng iba.
Kaya nga masasabi Niya sa mga Nephita, “Anupa’t walang makapapasok sa [kapahingahan ng Diyos] maliban sa mga yaong nahugasan ang kanilang mga kasuotan ng aking dugo, dahil sa kanilang pananampalataya, at sa pagsisisi [sa] lahat ng kanilang mga kasalanan, at sa kanilang katapatan hanggang wakas” (3 Nephi 27:19).
Napakalaking himala na dahil kay Jesucristo, malilinis tayo sa ating mga kasalanan! Kapag natanto natin na kailangan natin ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, makakaasa tayo sa Kanyang lakas kapag sumampalataya tayo sa Kanya, nagsisi sa ating mga kasalanan, at patuloy na sumunod sa Kanya nang may katapatan hanggang wakas. Ito ay isang himala na maaaring mangyari araw-araw kapag nagtiwala kayo sa Kanyang kapangyarihan at kumilos nang may pananampalataya!