“12 Talata sa Banal na Kasulatan Kapag Nadarama Mo …,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2024, pahina–pahina.
Lakas mula sa mga Banal na Kasulatan
12 Talata sa Banal na Kasulatan Kapag Nadarama Mo …
Ang mga banal na kasulatan ay puno ng inspirasyon, anuman ang ating nadarama.
Ilang taon na ang nakalilipas, nagsimulang mabalisa si Elisabeth A., 17, mula sa Arizona, USA, at lalo lang iyong lumala. “Ramdam ko iyon buong maghapon, araw-araw,” sabi niya. “Nahirapan akong tiisin iyon buong araw.”
Para mapanatag, nagpasiya si Elisabeth na magbasa ng mga banal na kasulatan gabi-gabi. Sa paglipas ng panahon, nagsimula siyang maging mas masaya.
“Alam kong hindi ako nag-iisa,” sabi niya. “Alam ko na mahal ako ng Diyos at isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo, na nadama ang ating pasakit, dalamhati, kalungkutan, at kawalan ng pag-asa. Sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, mayroon akong matibay na kaugnayan kay Cristo at napakagandang pananaw sa buhay!”
Nalaman ni Elisabeth na ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga talata at kuwento kung paano nasusumpungan ang pag-asa, kapayapaan, at lakas kay Jesucristo. Marami sa mga paborito nating magigiting na tao sa banal na kasulatan ang nakaranas ng mahihirap na sitwasyon. At sa bawat sitwasyon, nakasumpong sila ng pag-asa, kapayapaan, at lakas nang bumaling sila kay Jesucristo.
Maaaring hindi malutas ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan ang pinagdaraanan mo, pero maaaring magbigay sa iyo ng lakas at ginhawa ang mga katotohanang itinuturo sa mga banal na kasulatan. Narito ang ilang talata sa banal na kasulatan na maaari mong hanapin kung kailangan mo ng nagbibigay-inspirasyong ideya para sa iyong sarili o sa isang kaibigan. Makakahanap ka ba ng ilan para sa iyong sarili?
Para kapag ikaw ay …
Malungkot: Doktrina at mga Tipan 68:6
Kaya nga, magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at [tutulungan ko kayo].
Hindi sapat: Lucas 12:6–7
Ngunit maging ang mga buhok ng inyong ulo ay bilang na lahat. Huwag kayong matakot: higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.
Nahihiya: Isaias 54:8
Kinaawaan kita sa pamamagitan ng walang hanggang kagandahang-loob.
Nanlulumo: Alma 26:27
Batahin nang buong pagtitiyaga ang inyong mga paghihirap, at ipagkakaloob ko sa inyo ang tagumpay.
Walang Pag-asa: Moroni 7:41
Kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli.
Nanghihina: Eter 12:27
Kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.
Kinakabahan: Doktrina at mga Tipan 84:88
Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.
Nasasaktan: Mga Awit 30:2
O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo, at ako ay pinagaling mo.
Natatakot: Josue 1:9
Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti … sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay kasama mo saan ka man pumaroon.
Nag-iisa: Juan 14:18
Hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako’y darating sa inyo.
Galit: Moroni 7:48
Manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig.
Naiinip: Doktrina at mga Tipan 100:15
Samakatwid, maaliw sa inyong mga puso; sapagkat ang lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa ikabubuti nila na lumalakad nang matwid.