Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ma-access ang Kanyang Lakas—Ngayon at sa Tuwina
Marso 2024


“Ma-access ang Kanyang Lakas—Ngayon at sa Tuwina,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2024.

Lakas sa Lahat ng Oras

Ma-access ang Kanyang Lakas—Ngayon at sa Tuwina

Karapat-dapat ka sa lakas at tulong ni Jesucristo.

Larawan
binatilyong nasa matinik na palumpong

Mga larawang-guhit ni Alex Nabaum

Isipin na kunwari ay naglalakad ka sa gubat at may naraanan kang isang batang lalaki na natisod at bumagsak at napuluputan ng mga patay na sanga. Napakabigat ng isa sa mga sanga para angatin niyang mag-isa.

Tutulong ka ba? O uupo ka muna at mag-iisip kung karapat-dapat ba siya sa tulong mo?

Siyempre tutulong ka! Ang ideya na huwag kang tumulong hanggang sa maging karapat-dapat doon ang bata ay maaari pa ngang maging kakatwa sa iyong pandinig. Pero ganito ang iniisip natin tungkol sa ating sarili—kaya lang, sa sitwasyong ito, tayo ang batang nangangailangan.

Karapat-dapat Kang Iligtas

Anuman ang edad mo, isa kang bata kumpara sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. (Sa katunayan, ikaw ay literal na anak ng Ama sa Langit.) At ang iyong lakas—pisikal, emosyonal, espirituwal, o mental—ay walang-wala, kumpara sa Kanila. Nauunawaan nang sapat ng karamihan sa atin ang konseptong iyan. Pero kapag nadarapa tayo sa anumang dahilan, kadalasan pakiramdam natin ay hindi tayo makakahingi ng tulong hanggang sa maging karapat-dapat tayong tulungan. Hindi naman totoo iyan.

Minsa’y nagsalita si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, tungkol sa talinghaga ng nawawalang tupa sa Lucas 15.

“Kailangan bang matutong gumamit ng kumplikadong sextant ang tupa para makalkula ang coordinates nito?” tanong niya. “Kailangan bang gumamit pa ito ng GPS para malaman kung nasaan na siya? Kailangan ba siyang maging eksperto sa paggawa ng app para makahingi ng saklolo? Kailangan ba ng tupa na iendorso siya ng isang kilalang tao bago siya sagipin ng Mabuting Pastol?

“Hindi. Siyempre hindi! Ang tupa ay karapat-dapat na sagipin dahil lang sa mahal siya ng Mabuting Pastol.

“Para sa akin, ang talinghaga tungkol sa nawawalang tupa ay isa sa mga mensahe ng pag-asa sa buong banal na kasulatan.”1

Bawat isa sa atin ay maaaring maligaw sa maraming iba’t ibang dahilan. At para sa bawat isa sa atin, maaaring hangad na tayong tulungan ng Ama sa Langit.

Larawan
ang kamay ng Panginoon na inaabot ang kamay ng binatilyong nasa matinik na palumpong

Laging Nariyan ang Tulong

Nariyan ang tulong para sa atin hindi lamang kapag nagkakasala tayo, kundi kapag namumuhay rin tayo nang napakainam sa abot-kaya natin. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Iniisip ko kung hindi natin lubos na kinikilala ang nagpapalakas na aspetong ito ng Pagbabayad-sala sa ating buhay at nagkakamali tayo sa paniniwalang kailangan nating dalhin ang ating pasan nang mag-isa—sa pamamagitan ng determinasyon, kasigasigan, at disiplina, at sa ating malinaw na limitadong mga kakayahan.

“Mahalagang malaman na pumarito si Jesucristo sa lupa upang mamatay para sa atin. Ngunit kailangan din nating pasalamatan na hangad ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, na pasiglahin tayo—hindi lamang gabayan kundi palakasin at pagalingin din tayo.”2

Karapat-dapat ka sa tulong Niya! Anuman ang landas na natahak mo kamakailan, handa si Jesucristo na samahan kang tahakin ang susunod na daan.

Larawan
binatilyo at si Jesucristo na naglalakad palayo sa matitinik na sanga

Print