Para sa Lakas ng mga Kabataan
Para sa Lakas ng mga Kabataan: Ang Mensahe ng Tagapagligtas sa Inyo
Marso 2024


“Para sa Lakas ng mga Kabataan: Ang Mensahe ng Tagapagligtas sa Inyo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2024.

Isang Gabay Tungo sa Kanyang Lakas

Para sa Lakas ng mga Kabataan: Ang Mensahe ng Tagapagligtas sa Inyo

Ang gabay na ito ay tumutulong sa iyo na iugnay ang iyong mga pagpili kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina.

Jesucristo

I Stand at the Door and Knock [Nakatayo Ako sa May Pintuan at Kumakatok], ni J. Kirk Richards

Kunwari ay nakatira ka sa sinaunang Galilea, 2,000 taon na ang nakararaan. Ikaw at ang iyong mga kaibigan ay inanyayahan sa isang debosyonal para sa mga kabataan sa lokal na sinagoga, na nagtatampok sa isang espesyal na panauhing tagapagsalita: si Jesus ng Nazaret. At sa isang punto sa Kanyang mensahe, inaanyayahan ni Jesus ang mga kabataan na naroon na magtanong sa Kanya.

Ano sa palagay mo ang mga tanong na maaari mong marinig?

Palagay ko may ilang tanong na kakikitaan ng kultura at mga sitwasyon sa panahong iyon. Pero naniniwala ako na talagang marami sa mga ito ang parang katulad din ng mga tanong natin ngayon.

Halimbawa, sa Bagong Tipan, nagtanong ang mga tao sa Tagapagligtas ng tulad nito:

  • Ano ang kailangan kong gawin para magkamit ng buhay na walang hanggan?1

  • Tanggap ba ako? Kabilang ba ako?2

  • Kung nagkasala ang kapatid ko laban sa akin, ilang beses ko siya dapat patawarin?3

  • Ano ang mangyayari sa mundong ito sa hinaharap? Magiging ligtas kaya ako?4

  • Mapapagaling po ba Ninyo ang aking mahal sa buhay?5

  • Ano ang katotohanan?6

  • Paano ko malalaman kung tamang landas o daan ang tinatahak ko?7

Hindi ba lahat tayo ay nagtataka paminsan-minsan? Sa paglipas ng mga siglo, hindi gaanong nagbago ang mga tanong. At hindi rin nagbago ang pagkahabag ng Tagapagligtas sa mga taong humihingi nito. Alam Niya kung paano magiging nakababagabag at nakalilito ang buhay. Alam Niya kung gaano tayo kadaling maligaw ng landas. Alam Niya na kung minsan ay nag-aalala tayo tungkol sa hinaharap. At sinasabi Niya sa inyo at sa akin, tulad ng sinabi Niya sa Kanyang mga tagasunod noon:

  • “Huwag mabagabag ang inyong puso.”8

  • “Ako ang daan [at] ang katotohanan.”9

  • “Sumunod ka sa akin.”10

Kapag may mahahalagang pagpili kayong gagawin, si Jesucristo at ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ang pinakamainam na piliin. Kapag may mga tanong kayo, si Jesucristo at ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ang pinakamainam na sagot.

Ito ang dahilan kung bakit gustung-gusto ko ang Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili. Itinuturo tayo nito kay Jesucristo upang matanggap natin ang Kanyang lakas. May kopya ako sa bulsa ko sa lahat ng oras. Kapag nakakausap ko ang mga tao sa buong mundo na gustong malaman kung bakit tayo, bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo, ay ginagawa ang ginagawa natin, ipinapakita ko ang gabay na ito sa kanila.

Ang Para sa Lakas ng mga Kabataan ay nagtuturo ng mga walang-hanggang katotohanan tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Paraan. Inaanyayahan kayo nitong pumili batay sa mga katotohanang iyon. At nagbabahagi ito ng mga ipinangakong pagpapala na ipinapaabot Niya sa mga sumusunod sa Kanya. Pakibasa, pagnilayan, at ibahagi ang gabay na ito!

Patuluyin Siya

Nais ni Jesucristo na maging bahagi ng inyong buhay—isang palagian, araw-araw na presensya, sa mabubuting panahon at sa masama. Hindi lang Siya nakatayo sa dulo ng landas, naghihintay na makasama ninyo Siya. Kasama mo Siyang maglalakad sa bawat hakbang. Siya ang Daan!

Ngunit hindi Niya ipagpipilitan ang Kanyang sarili sa inyo. Inaanyayahan ninyo Siya, sa pamamagitan ng inyong mga pagpili. Kaya nga napakahalaga ng gabay sa ginagawang pagpili, tulad ng Para sa Lakas ng mga Kabataan. Tuwing gumagawa ka ng mabuting pagpili batay sa mga walang-hanggang katotohanan ng Tagapagligtas, ipinapakita mo na gusto mo Siya sa iyong buhay. Ang mga pagpiling iyon ang nagbubukas sa mga pintuan ng langit, at ang Kanyang lakas ay bumubuhos sa inyong buhay.11

Magkaroon ng Matibay na Koneksyon

Maaari mong maalala na inihambing ng Tagapagligtas ang mga nakaririnig at ginagawa ang Kanyang mga sinabi sa matalinong lalaki na “nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng isang bato.” Ipinaliwanag Niya:

“At bumuhos ang ulan, at dumating ang baha, at umihip ang hangin, at humampas sa bahay na yaon; at iyon ay hindi bumagsak, sapagkat ito ay nakatayo sa ibabaw ng isang bato.”12

Ang isang bahay ay hindi nakaliligtas sa malakas na bagyo dahil sa matatag ang bahay. Hindi rin ito nakakaligtas dahil lang sa matatag ang bato. Nakakaligtas ang bahay sa bagyo dahil matibay itong nakakabit sa matibay na batong iyon. Ang lakas ng koneksyon sa bato ang mahalaga.

Gayundin, kapag itinatayo natin ang ating buhay, mahalagang gumawa ng mabubuting pasiya. At mahalagang maunawaan ang walang hanggang katotohanan ng Tagapagligtas. Ngunit ang lakas na kakailanganin natin para mapaglabanan ang mga unos ng buhay ay dumarating kapag iniuugnay natin ang ating mga pagpili kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina. Iyan ang tinutulungan tayong gawin ng Para sa Lakas ng mga Kabataan.

Halimbawa, maaaring alam ng mga kaibigan mo na sinisikap mong hindi gumamit ng mga salitang opensibo o nakakasakit ng damdamin. Maaari nilang makita na tinutulungan mo ang batang iyon sa paaralan na hindi pinapansin ng karamihan sa mga tao o inaapi pa nga nila. Pero alam nila na pinipili mo ang mga ito dahil itinuro ni Jesucristo na “lahat ng tao ay inyong mga kapatid—kabilang na ang … mga taong naiiba sa iyo”?13

Maaaring alam ng mga kaibigan mo na nagsisimba ka tuwing Linggo. Maaaring mapansin nila kapag itinigil mong patugtugin ang isang awitin o tinatanggihan ang isang paanyaya na panoorin ang isang pelikula. Ngunit alam ba nila na pinipili mo ang mga ito dahil ikaw ay “masayang nakikipagtipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo,” at bilang bahagi ng pangakong iyon na sundin ang Tagapagligtas, nagpapasalamat ka “na ang Banal na Espiritu ay makakasama mo sa tuwina”?14

Maaaring malaman ng mga tao na hindi ka umiinom o naninigarilyo o gumagamit ng iba pang nakapipinsalang droga. Ngunit alam ba nila na pinipili mo ang mga ito dahil itinuro ni Jesucristo na “ang inyong katawan ay sagrado,” “isang kamangha-manghang kaloob mula sa inyong Ama sa Langit,” na ginawa sa Kanyang larawan o wangis?15

Maaaring alam ng mga kaibigan mo na hindi ka mandaraya o magsisinungaling at seryoso kang mag-aaral. Pero alam ba nila na ito ay dahil sa itinuro ni Jesucristo na “ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo”?16

Higit sa lahat, alam ba ng mga kaibigan mo na kung minsan ay ginagawa mo ang hindi bantog na mga pasiyang ito para manatiling tapat sa mga pamantayan ni Cristo dahil alam mo na “si Jesucristo ang iyong lakas”?17

Siya ang Inyong Lakas

Ibinibigay ko sa inyo ang aking tiyak na patotoo na si Jesucristo ang Daan tungo sa isang maliwanag at maluwalhating hinaharap—ang inyong hinaharap. At Siya rin ang Daan patungo sa isang maliwanag at maluwalhating kasalukuyan. Lumakad sa Kanyang landas, at Siya ay lalakad na kasama ninyo. Magagawa ninyo ito!

Mahal kong mga batang kaibigan, si Jesucristo ang inyong lakas. Patuloy na lumakad na kasama Niya, at tutulungan Niya kayong makayanan ang “mga pakpak na tulad ng mga agila”18 patungo sa walang-hanggang kagalakan na inihanda Niya para sa inyo.