Para sa Lakas ng mga Kabataan
Kailan Ako Hindi na Babagabagin ng Aking Konsiyensya at Mahihiya?
Marso 2024


“Kailan Ako Hindi na Babagabagin ng Aking Konsiyensya at Mahihiya?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2024.

Lakas na Madaig ang Kasalanan

Kailan Ako Hindi na Babagabagin ng Aking Konsiyensya at Mahihiya?

Kung minsa’y tila mas madaling madama ang kawalan ng pag-asa tungkol sa iyong sarili kaysa madama ang pagmamahal sa iyo ng Tagapagligtas—pero tulad ng alam ni Nephi, hindi iyon kailangang magkagayon.

si Nephi na nagsusulat sa mga lamina

Kapag may nagawa kang mali, maaaring pumasok sa iyong isipan na isa kang bigo. Na dapat ay alam mong nagkamali ka. Na hindi ka karapat-dapat mahalin.

Sa iyong kaibuturan, alam mo na walang totoo sa mga bagay na iyon. Nalaman mo na ang iyong kahalagahan bilang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos, at alam mo na ang pagsisisi ay tunay at posible. Pero gayon pa man, matapos kang magkasala o magkamali, maaari kang matuksong parusahan ang iyong sarili nang higit kaninuman dahil binabagabag ka ng iyong konsiyensya at nahihiya.

Ganito rin ang nadama ng ilan sa mga paborito nating tauhan sa banal na kasulatan kung minsan.

Kahit si Nephi?

Matapos magsulat tungkol sa pagpanaw ng kanyang ama, isinulat ni Nephi, “Gayunpaman, sa kabila ng dakilang kabaitan ng Panginoon, sa pagpapakita sa akin ng kanyang [mga] dakila at kagila-gilalas na gawain, ang aking puso ay napabulalas: O kahabag-habag akong tao! Oo, ang aking puso ay nalulungkot dahil sa aking laman; ang aking kaluluwa ay nagdadalamhati dahil sa aking mga kasamaan. Ako ay napipiit dahil sa mga tukso at kasalanang madaling bumibihag sa akin. At kapag nais kong magsaya, ang aking puso ay dumaraing dahil sa aking mga kasalanan” (2 Nephi 4:17–19).

Si Nephi ang pinag-uusapan natin—ang tao ring iyon na kumuha sa mga laminang tanso mula kay Laban, gumawa ng pana mula sa mga gamit sa ilang, at bumuo ng sasakyang-dagat kahit hindi pa siya nakakabuo ng ganoon dati. Mayroon siyang patotoo sa kabutihan ng Panginoon; gayon pa man, nakadama siya ng kakulangan dahil sa kanyang mga kasalanan at kahinaan.

Kaya ano ang ating gagawin? Kung nahirapan ang idolo natin sa Aklat ni Mormon sa pagkabagabag ng damdamin at kakulangan, ano ang magagawa natin kapag nadarama rin natin iyon?

Ang Susi ay Magtuon kay Jesucristo

Hindi nagtapos doon ang kuwento ni Nephi. Ang susi para kay Nephi ay ibaling ang kanyang tuon kay Jesucristo sa halip na sa kanyang sarili.

Habang nananaghoy si Nephi, sinabi niya, “Gayunpaman, alam ko kung kanino ako nagtiwala. Ang aking Diyos ang aking naging tagapagtaguyod” (2 Nephi 4:19–20).

Pagkatapos ng pagbabagong ito sa isipan, hindi na nakatuon ang ating magiting na tauhan sa banal na kasulatan sa dalamhating nadarama niya dahil sa kanyang mga pagkakamali. Sa halip, nagagalak siya sa kanyang Tagapagligtas! Sabi ni Nephi, “Magsaya, O aking puso, at magsumamo sa Panginoon, at sabihin: O Panginoon, pupurihin ko kayo magpakailanman; oo, ang aking kaluluwa ay magsasaya sa inyo, aking Diyos, at bato ng aking kaligtasan” (2 Nephi 4:30).

Tulad ni Nephi, maaari kang makasumpong ng awa, kapatawaran, at kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo. Maaaring hindi mo madama na maaari mong biyayaan ang iyong sarili, pero may Isang magbibigay niyon. Sabi ni Elder Jeffery R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang biyaya ni Cristo ay hindi lamang nag-aalok sa atin ng kaligtasan mula sa kalungkutan at kasalanan at kamatayan kundi maging ng kaligtasan mula sa ating patuloy na panlalait sa sarili.”1

Kaya kapag napakalungkot mo na wala kang nakikitang paraan para madaig ang iyong mga kasalanan at pagkakamali, dapat mong malaman na hindi tumigil kailanman ang Ama sa Langit at si Jesucristo na mahalin ka. Ituon ang iyong pansin sa iyong Tagapagligtas, at matutulungan ka Niyang daigin kapwa ang iyong mga kasalanan at pambabagabag ng iyong konsiyensya.