“Epektibo at Simpleng Pagtulong sa Iba na Lumapit kay Cristo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Marso 2024.
Simple at Epektibong Pagtulong sa Iba na Lumapit kay Cristo
Napakarami ninyong paraan para magpakita ng pagmamahal, magbahagi ng inyong mga paniniwala, at maanyayahan ang iba na lumapit kay Jesucristo.
Isang araw noong junior high school ako, tinanong ako ng kaibigan kong si Nedra, “Russ, bakit hindi ka pumupunta sa seminary?”
Noong panahong iyon, hindi nagsisimba ang mga magulang ko. Dumadalo lang ako paminsan-minsan kasama ang mga kaibigan ko, at hindi ako nakikibahagi sa seminary. Kinabukasan, dumalo ako sa seminary nang alas-6:30 n.u. Pagkatapos niyon, araw-araw na akong nagpunta—kahit sa malamig at maniyebe na mga umaga ng taglamig.
Ang mga bagay na natutuhan ko sa seminary ay nakaantig sa puso ko. Lumakas ang aking patotoo nang mas malaman ko pa ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Inihanda ako nito na magmisyon sa England at magpatuloy sa habambuhay na paglilingkod sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan.
Ang pag-anyaya ni Nedra sa akin sa seminary ay tumutulong sa akin na makita, sa personal na paraan, na napakaraming pagkakataon para matulungan ninyo ang iba na lumapit sa Panginoong Jesucristo. Sa simple pero epektibong mga paraan, maipapakita ninyo ang inyong pagmamahal, maibabahagi ang inyong mga paniniwala, at maaanyayahan ang mga nasa paligid ninyo na maranasan ang kagalakan at kapayapaang hatid ng Tagapagligtas at ng Kanyang ebanghelyo.
Kilalanin ang Tagapagligtas
Upang tunay na matulungan ang iba na lumapit kay Cristo, kailangan muna ninyong maunawaan kung sino Siya. Si Jesucristo ang Anak ng Diyos at ang tanging maaaring maging Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan.
Siya lamang ang maaaring mamuhay nang perpekto, magbayad-sala para sa inyong mga kasalanan, dumanas ng lahat ng inyong mga “pasakit at hirap at tukso” (Alma 7:11), at pagkatapos ay mag-alay ng Kanyang buhay at bawiin ito. Dahil kay Jesucristo, lahat ng anak ng Diyos ay babangong muli at matatanggap ang Kanyang pinakasagrado at maluwalhating mga pagpapala.
Kapag naunawaan ninyo kung sino ang Tagapagligtas—at kung ano ang maaaring maging walang hanggang tadhana ninyo dahil sa Kanya—gugustuhin ninyong mamuhay sa paraang nakalulugod sa Kanya. At talagang nalulugod Siya kapag ipinapahayag ninyo ang Kanyang ebanghelyo, sa salita at gawa, sa mga taong nakakahalubilo ninyo sa bawat araw.
Tumulong nang may Pagmamahal
Kapag nakilala at minahal ninyo ang Tagapagligtas, hahangarin ninyong mas sundin Siya at ang Kanyang mga turo, kabilang na ang Kanyang utos na “magmahalan sa isa’t isa” (Juan 13:34).
Nang magpunta si Ammon sa mga Lamanita upang ipangaral ang ebanghelyo, nag-alok siya na maging tagapagsilbi ni Haring Lamoni. Nagpakita si Ammon ng tunay na pagmamahal at katapatan nang protektahan niya ang mga tupa ng hari. Ang mga ginawa ni Ammon ay nagpalambot sa puso ni Haring Lamoni. Nang ituro ni Ammon ang ebanghelyo, napuspos ng Espiritu si Haring Lamoni, at siya ay nagbalik-loob (tingnan sa Alma 17–19).
Ang ibig sabihin ng pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo ay mahalin ang inyong kapwa tulad sa inyong sarili (tingnan sa Mateo 22:36–40). Kung madarama nila na nagmamahal at nagmamalasakit kayo sa kanila, malamang na magiging mas handa silang bahaginan mo ng mga bagay na alam mong totoo.
Magkaroon ng Lakas-ng-Loob na Magbahagi
Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ipinanumbalik ng Tagapagligtas ang priesthood sa mundo kasama ang lahat ng ordenansa at tipan na kailangan para sa ating walang hanggang pag-unlad. Kapag naantig ng maluwalhating mensahe ng Panunumbalik ang inyong puso, dapat ninyong ipahayag ito nang buong sigla! Dapat kayong maging sabik sa pagbabahagi ng mahalagang kaalaman tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo sa lahat. Gustung-gusto kong gawin iyan!
Maaaring nag-aalala ang ilan na hindi magiging interesado ang iba o hindi nila tatanggapin ang ibinabahagi nila. Oo, maaaring mangyari iyan. Matapos tumakbo si Abis sa bahay-bahay na nagsasabi sa mga tao na ang kapangyarihan ng Diyos ay lumukob kay Haring Lamoni at sa kanyang sambahayan, ang ilan ay naniwala, pero marami pang iba ang piniling hindi makinig (tingnan sa Alma 19:17–31).
Tanggapin man nila ito o hindi, ang pinakadakilang regalo na maibibigay ninyo sa isang kaibigan o kapamilya—o maging sa kaaway—ay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Manalangin para sa lakas-ng-loob, at pagkatapos, kapag angkop, ibahagi ang alam ninyong totoo.
Magbigay ng Taos-pusong Paanyaya
Habang naglilingkod bilang pangulo ng Canada Toronto Mission, tinulungan ko ang ilan sa aking mga missionary sa pagtuturo sa isang prominenteng negosyante. Pagkatapos ng aming lesson, inanyayahan ko siyang manalangin at itanong sa Ama sa Langit kung totoo ang aming mensahe.
“Hindi ko alam kung paano magdasal,” sabi niya.
Sinabi ko sa kanya na ang kailangan lang niyang gawin ay lumuhod at hilingin lang sa Ama sa Langit na pagtibayin ang katotohanan sa kanya.
“Kaya mo ‘yan!” Hinikayat ko siya.
Magkasama kaming lumuhod at sinimulan ng lalaki ang kanyang panalangin. Nang matapos ako, sabi niya, “Ano’ng nangyayari? Wala pa akong nadamang katulad nito noon.”
“Iyan ang paraan ng pagsagot ng Ama sa Langit sa mga panalangin,” sabi ko. “Nagtanong ka, at sumagot Siya.”
Palagi kong itinuturo sa mga missionary at miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo na ang pagbabalik-loob ay nagsisimula sa nadarama ng mga tao. Kapag inaanyayahan ninyo ang iba na makinig sa ebanghelyo, anyayahan din silang manalangin at hilingin na madama ang katotohanan sa kanilang puso. Kung magtatanong sila sa Diyos (tingnan sa Santiago 1:5) nang may matapat na puso, na may tunay na layunin at pananampalataya kay Cristo, makatatanggap sila ng pagpapatibay sa katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo (tingnan sa Moroni 10:4–5). Kapana-panabik at masayang tulungan ang iba na matuklasan ang katotohanan para sa kanilang sarili.
Tandaan na Bawat Kaluluwa ay Mahalaga
Hindi mo alam kung ano ang mangyayari kapag tinulungan mo ang iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pagmamahal, pagbabahagi, at pag-anyaya. Ang mga Lamanita, halimbawa, ay tila mga taong malamang na hindi tatanggapin ang ebanghelyo, pero nagbalik-loob sila nang husto kaya “kailanman ay hindi [sila] nagsitalikod” (Alma 23:6–7).
Hindi ninyo dapat asahan ang resultang ito tuwing ibinabahagi ninyo ang ebanghelyo. Pero sa simple at epektibong paraan, mapapatotohanan ninyo ang katotohanan at makatutulong na maipakilala ang iba pang mga anak ng Ama sa Langit sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
Kapag natanto ninyo kung gaano kahalaga ang bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit sa Kanya, gugustuhin ninyong gawin ang lahat ng bagay para matutulungan ninyo ang iba na lumapit kay Cristo at humakbang patungo sa liwanag ng Kanyang ebanghelyo at sa landas ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.
Ano pang karanasan ninyo sa buhay ang hihigit pa riyan?