“Nai-stress Ako! “Ano ang Gagawin Ko?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2024.
Lakas sa mga Oras ng Stress
Nai-stress Ako! Ano ang Gagawin Ko?
Narito ang ilang ideyang tutulong sa iyo na matanggap ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na mag-alis ng stress.
Stress. Pagkabalisa. Pagpupumilit. Panggigipit. Problema. Pag-aalala.
Anuman ang tawag mo rito, bahagi na ito ng mortalidad mula nang lisanin nina Adan at Eva ang Halamanan. Walang pormula para sa “buhay na walang stress.” Sa katunayan, hindi matutupad ang layunin ng buhay kapag ganoon! (Tingnan sa 2 Nephi 2:11–12.)
Dahil hindi natin lubusang maaalis ang stress, dapat nating pagtuunan ng pansin kung paano natin ito haharapin. Karamihan sa mga pinagmumulan ng stress ay maaaring hatiin sa dalawang kategorya:
-
Mga bagay na kaya mong kontrolin.
-
Mga bagay na hindi mo kayang kontrolin.
1. Mga Bagay na Kaya Mong Kontrolin
Sa loob ng maraming taon, nakaramdam ng kapanatagan ang maraming tao sa ibang mga relihiyon sa pagbigkas ng tinatawag na “Serenity Prayer”: “Diyos ko, bigyan po Ninyo ako ng katahimikan na tanggapin ang mga bagay na hindi ko kayang baguhin, lakas-ng-loob na baguhin ang mga bagay na kaya kong baguhin, at karunungan na malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng mga ito.”1
Ganito rin ang payong ibinigay ni Propetang Joseph Smith sa mga naunang Banal sa pagharap sa maraming hamon nila sa buhay: “Samakatwid, mga minamahal na kapatid, ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay [maihayag]” (Doktrina at mga Tipan 123:17; idinagdag ang diin).
Sa madaling salita: Gawin ang lahat ng iyong makakaya, at hayaang Diyos na ang gumawa ng iba pa. Magtuon ng pansin sa kaya mong kontrolin, tulad ng:
Ang sarili mong mga pagpili
Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayo ay “naging malaya magpakailanman, nakikilala ang mabuti sa masama; kumikilos para sa [ating] sarili at hindi pinakikilos” (2 Nephi 2:26). Dapat tayong maging “sabik [ibig sabihin, masugid] sa paggawa” ng mabubuting bagay (Doktrina at mga Tipan 58:27).
Ang iyong saloobin
Isinulat ng American poet na si Maya Angelou, “Ang dapat mong gawin kapag mayroon kang hindi gusto ay baguhin ito. Kung hindi mo ito kayang baguhin, baguhin ang paraan ng pag-iisip mo tungkol dito.”2 Hanapin ang positibo sa mga tao at sitwasyon. Gawing mga laro ang mga gawaing-bahay. Ang masyadong pagkaawa sa sarili sa kung gaano kalaki ang galit mo sa isang sitwasyon ay hindi magpapabuti rito.
Ang sagot mo sa mga bagay na hindi mo kayang kontrolin
Hindi mo kayang pigilan ang malalakas na bagyo, pero maaari kang magbigay ng oras, pera, o paggawa para tulungan ang mga naapektuhan nito. Hindi mo kayang pigilan ang isang kaibigan na talikuran ang Simbahan, pero maaari mo siyang patuloy na mahalin at pakitaan ng mabuting halimbawa. Hindi mo kayang pigilan kung may nagsabi sa iyo ng isang bagay na hindi maganda, pero maaari mong piliin kung paano tutugon dito.
At sa lahat ng ito, tandaan ang isang bagay na palagi mong magagawa: manalangin. Hilingin sa Diyos na gawin ang mga bagay na hindi mo kayang gawin—baguhin ang mga bagay na hindi mo kayang baguhin. Anuman ang mangyari, matutulungan ka ng Tagapagligtas na makadama ng kapayapaan.
2. Mga Bagay na Hindi Mo Kayang Kontrolin
Ito ang pinakamadaling pag-usapang kategorya dahil simple lang ang estratehiya:
Kung hindi mo ito kayang kontrolin, huwag mo itong alalahanin.
Sa halip, manampalataya kay Jesucristo at magtuon sa kaya mong kontrolin. Sikaping huwag mangibabaw sa iyo ang pag-aalala.
Mas madali iyang sabihin kaysa gawin, siyempre. (Hindi mo ba ipinagdarasal na sana ay mayroon kang “worry” switch na maaari mo na lang buksan at patayin?)
Pero ang pagtanggap na hindi mo kayang kontrolin ang problema ang unang hakbang para hindi ito maka-stress sa iyo. Pagkatapos ay manampalataya ka kay Jesucristo.
Ang mga bagay na hindi natin kayang kontrolin ay karaniwang pumapasok sa isa sa dalawang kategorya:
Mga likas na kababalaghan
Mga taggutom, tagtuyot, kalamidad na dulot ng kalikasan. Mga pandemya. Ilang pisikal na limitasyon at kalagayan ng kalusugan. Maaaring maapektuhan ng pag-uugali ng tao ang mga bagay na ito, at kadalasa’y may mga hakbang tayong magagawa para maging handa para sa mga ito o mabawasan ang epekto nito. Pero hindi natin kayang kontrolin ang mga ito sa araw-araw.
Mga pagpili ng ibang mga tao
Pag-uugali ng mga tao online. Manatili man o hindi ang mga kaibigan mo sa Simbahan. Ang sinasabi ng mga tao kapag nakatalikod ka. Mga desisyong ginawa ng mga hukuman at pamahalaan. Mga palabas sa TV. Presyo ng mga bagay-bagay. Maaari kang magbigay ng opinyon, pero sa huli, hindi mo kayang kontrolin ang lahat ng pagpiling ginagawa ng ibang mga tao.