“Ang Positibong Kaibhan na Magagawa ng Biyaya ni Cristo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2024.
Lakas na Madaig ang Kasalanan
Ang Positibong Kaibhang Magagawa ng Biyaya ni Cristo
Kapag nauunawaan natin na ang biyaya ng Tagapagligtas ay hindi pinaghihirapan at laging nariyan, maaaring mangyari ang mga kamangha-manghang bagay sa ating buhay.
Noong maglingkod ako bilang bishop, kamangha-manghang makita ang ginhawang nadama ng mga kabataan nang kausapin nila ako para magtapat ng kasalanan bilang bahagi ng kanilang pagsisisi. Gayunpaman, hindi ko maiwasang mapansin ang paulit-ulit na pattern: ang mga kabataan ay magtatapat, gaganda ang pakiramdam, at pagkatapos—sa kabila ng kanilang pinakamabubuting hangarin—ay muling magkakasala. Pagkatapos ay magtatapat sila, gaganda ang pakiramdam, at muling magkakasala. Pagkaraan ng tatlo o apat na beses ng gayong pag-uulit-ulit, madalas ay sumusuko na sila.
Nagpapasalamat ako na naituro sa mga kabataang ito na si Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ay nagbibigay sa kanila ng pagkakataong magsisi at magsimulang muli. Gayunman, nag-alala ako na marahil ay hindi nila sapat na naunawaan ang tungkol sa isa pang pagpapalang alay ng Tagapagligtas: ang Kanyang biyaya—ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan1, tulong ng langit, at “pagkakaloob ng lakas na lumago mula sa pagiging mga nilalang na may kapintasan at limitado tungo sa kadakilaan.”2
Determinado akong magturo nang mas malinaw, tulad ng naituro ni Pangulong Russell M. Nelson, na “ang pagsisisi … ay isang proseso”3 na kadalasang nangangailangan ng panahon at paulit-ulit na pagsisikap.4 Nais kong malaman ng mga miyembro ng aking ward na tinatagpo tayo ng Diyos kung saan tayo naroon at nag-aalok ng biyaya para tulungan tayo sa buong proseso ng pagiging perpekto, gaano man ito katagal.
Paano Kayo Natutulungan ng Pag-unawa sa Biyaya
Ilang taon na ang nakararaan, ipinakita ng isang pag-aaral ng mahigit 600 young adult sa Brigham Young University na ang mga nakaaalam at nakauunawa sa biyaya ang nag-ulat ng mas mababang antas ng depresyon, pagkabalisa, kahihiyan, at pagnanais na maging perpekto.5 Ipinakita sa isang follow-up na pag-aaral na ang paniniwala sa biyaya ay nakaugnay sa mas matataas na antas ng pasasalamat, pagpapahalaga sa sarili, kahulugan sa buhay, kasiyahan sa buhay, at magandang pananaw.6
Sa madaling salita, hindi gaanong nakadarama ng kahihiyan ang mga tao at mas nagpapahalaga sila sa sarili kapag nauunawaan nila na naririyan ngayon ang biyaya—hindi pagkatapos nating paghirapan ito o maging karapat-dapat dito. Kapag alam natin na tinutulungan tayo ng Diyos anuman ang nagawa natin o ilang beses man nating nadarama na nabigo natin Siya, nahihikayat tayong patuloy na magsikap.7
“Binigo Ko ang Ama sa Langit”
Kamakailan ay nagkaroon ng pinsala ang isang missionary sa isang preparation-day sports activity at pinauwi para magpagaling. Mataas ang kanyang mga mithiin na makatanggap ng pisikal na tulong na kailangan niya at makabalik sa kanyang misyon pagkatapos. Gayunman, ang napakaraming oras na wala siyang ginagawa ay agad humantong sa pagbalik sa mga dating gawi.
Nagpatangay siya sa kasalanan na inakala niyang napagsisihan at natalikuran na niya bago siya nagmisyon. Pinanghinaan siya ng loob at nainis sa kawalan niya ng pagpipigil sa sarili. Nang lalo siyang nalungkot, lalo niyang hinangad na matakasan ang masasamang gawing iyon. Mabilis siyang hinatak nito pababa at wala siyang napala.
“Pakiramdam ko nabigo ko ang Ama sa Langit,” sabi ng binata sa kanyang priesthood leader. “Pinagsisihan ko na po ito dati, at pinatawad ako ng Diyos. Nangako ako na hindi ko na po ito uulitin, pero narito ako na para bang hindi ako kailanman nagsisi noon. Hindi ako karapat-dapat sa pagpapatawad o tulong ng Diyos. Hindi ngayon. Hindi kailanman.”
Sabi ng kanyang priesthood leader, “Hindi ka ba natutuwang malaman na ang biyaya ay isang kaloob? Hindi mo kailangang paghirapan ito o maging karapat-dapat dito. Kailangan mo lang piliing tanggapin ito sa pamamagitan ng kahandaan na patuloy na magsikap at huwag sumuko.”8 Pagkatapos ay ibinahagi ng lider ang mga salitang ito ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Maaari tayong magkasalang muli paminsan-minsan, pero agad at mapagpakumbaba tayong lumuhod at magdasal at sumulong na muli sa tamang direksyon.”9
Minsan pa, lumapit ang binata kay Jesucristo, at naroon ang Tagapagligtas para tumulong. Hindi lamang gumaling ang pinsala ng binata, kundi pati na ang kanyang damdamin at isipan. Paisa-isang maliit na mithiin, at sa biyayang ginawang posible ni Jesucristo, nagsimulang bumuti ang kanyang kalagayan. Hindi nagtagal ay bumalik siya sa kanyang mission na puno ng pasasalamat, pagpapahalaga sa sarili, kahulugan, kasiyahan sa buhay, at magandang pananaw. Iyan ang kaibhang magagawa ng biyaya ni Cristo.