“Bakit Kailangan Ko si Jesucristo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2024.
Lakas sa Inyong Kaugnayan sa Kanya
Bakit Kailangan Ko si Jesucristo
Ang pag-unawa sa ating kaugnayan sa Tagapagligtas ay mahalaga.
“Bakit ko kailangan si Jesucristo?” Mahalagang itanong ito sa iyong sarili—nang hindi gamit ang “lahat” o “kami” bilang pamilya. Kundi, talagang, “Ako.” Ano ang sagot ko sa tanong na iyan?
Ang sagot na natagpuan ko para sa aking sarili ay dumating sa pamamagitan ng personal na pagkilos nang may pananampalataya; araw-araw na pagsisikap na tuparin ang aking mga tipan, kabilang ang aking tipan sa binyag; at pagkatutong makinig sa tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. At ang pinakamahalaga, nakasentro ito sa kaugnayan ko sa aking Tagapagligtas.
Isang Kaugnayan sa Tagapagligtas
Tiwala kong maililista ang mga dahilan kung bakit kailangan ko ang aking mga magulang o pinakamalalapit na kaibigan. Napangalagaan ko palagi ang mga relasyong iyon. Malinaw at matibay ang halaga nila sa buhay ko na tulad ng panahon at pagsisikap ko na maging malapit sa kanila sa pamamagitan ng mga simpleng bagay gaya ng regular na pakikipag-usap, pagkilala sa kanila, at pagtutulot na maimpluwensyahan ng kanilang matwid na karunungan ang aking buhay.
Maaaring sundan ng ating kaugnayan kay Jesucristo ang gayon ding huwaran. Ang pagdarasal araw-araw sa Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo ay kailangan. Gayon din ang pagkilala sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan, pagbabasa ng mga salita ng mga propeta at apostol, at pakikinig sa Espiritu. Pinatitibay ko ang kaugnayang iyan sa pagtutulot kong maimpluwensyahan ng lahat ng natututuhan ko ang aking buhay at pagkatao.
Isaalang-alang din ang plano ng kaligtasan. Ang titulong iyan, “plano ng kaligtasan,” ay nagpapahiwatig na ikaw at ako—lahat ng tao—ay kailangan ng pagliligtas at ang pagliligtas na iyan ay bahagi ng plano para sa buhay na ito. Kinailangan natin ng tulong at hindi natin kayang iligtas ang ating sarili.
Pero ipinadala tayo ng Diyos sa lupa na may walang-hanggang pangako na maglalaan Siya ng isang Tagapagligtas, si Jesucristo, na dadaig sa mga balakid na naghihiwalay sa atin sa presensya ng Diyos.1 At kapag nakikipagtipan tayo sa Diyos, nangangako Siyang gawin ang lahat ng Kanyang makakaya, nang hindi inaalis ang kakayahan nating magpasiya, para tulungan tayong tuparin ang ating mga sagradong pangako sa Kanya.2
Kinailangan Kong Malaman na Naunawaan Niya
Nabinyagan ako noong 16 anyos ako at nakatira sa New York City. Noong una pakiramdam ko ay marami akong iniuukol na oras sa pagtuklas sa pagitan ng aking bagong tuklas na pananampalataya, sa kaakibat nitong pakikipagtipan sa Diyos, at sa kaugnayan ko sa mga kaibigan.
Nag-alala ako dahil wala akong mga kaibigan sa paaralan na makakausap o makakasama ko. Pero sanay ang mga kaibigan ko sa paggawa ng mga bagay na natanto kong nagpapahamak sa aking espiritu at hindi naaayon sa pagtataglay ko sa aking sarili ng pangalan ni Jesucristo. Batid ko na nais ni Jesucristo na gumawa ako ng mas mabubuting pasiya.
Ang hindi ko alam ay kung naunawaan ba ng Tagapagligtas kung gaano katindi ang pagtatalo ng aking kalooban. Bawat araw ay naging mas mahirap dahil inanyayahan akong gawin ang mga bagay na alam kong hindi mabuti. Ikinakatwiran ko noon kung minsan na hindi naman nakakapinsala ang mga iyon, pero alam ko na ikinokompromiso ko ang mga bagay na hindi ko dapat ikompromiso.
Kinailangan kong malaman na naunawaan ng Tagapagligtas kung gaano katindi ang lungkot at pagkabagabag ng konsiyensya ko kapag iniisip ko pang ibaba ang mga pamantayan ng ebanghelyo upang madama ko na tanggap ako ng aking mga kaibigan. Para akong nalulunod. Kinailangan akong masagip. Kinailangan ko si Jesucristo.
Nang Tumibay ang Aking Kaugnayan sa Kanya
Tumibay ang kaugnayan ko kay Jesucristo nang malaman ko mismo kung bakit kinailangan ko Siya. Iyon ay nang magsimula akong kumilos mula sa pagkaalam lamang na dapat kong ipamuhay ang ebanghelyo tungo sa pag-unawa kung bakit gusto kong ipamuhay ang ebanghelyo at paghingi ng tulong na magawa ito. Lumuhod na lang ako at nagbuhos ng nilalaman ng puso ko sa Diyos, na umaasang may malasakit Siya sa akin at sa aking problema, na dinisenyo ang plano ng kaligtasan para tulungan ako, na kahit ang kaligayahan ko ay bahagi ng plano.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kapag kayo at ako ay nakipagtipan sa Diyos, nagiging mas malapit ang ating ugnayan sa Kanya kaysa noong bago tayo makipagtipan. … Dahil sa ating tipan sa Diyos, hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang mga pagsisikap na tulungan tayo, at hindi kailanman mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin.”3
Kinausap ko ang Ama sa Langit kung gaano ako nakokonsiyensya noon, kung paanong hindi ko alam ang gagawin para masunod pareho ang mga pamantayan ko at ang mga kaibigan ko. Sinabi ko sa Kanya na nalulungkot ako at kailangan ko talaga ang tulong Niya.
Nagsimula akong makadama ng kapayapaan nang lumuhod ako. Nakatulong ang payapang damdaming ito para maunawaan ko na alam nga ng Tagapagligtas ang nadarama ko at nagmamalasakit nga Siya—nang husto, sa totoo lang.
Nang lumaki na ako at mas lumawak ang aking pananaw, natanto ko na tuwing lumalapit ako sa Diyos para humingi ng tulong o tawad, parang nadadala ako talaga sa Halamanan ng Getsemani, kung saan nanginig ang ating Tagapagligtas dahil sa sakit at nagsimulang magdusa kapwa sa katawan at espiritu para sa mga pagkakamali at kasalanang naghihiwalay sa atin sa Diyos.4 Paalala iyon na nauunawaan Niya ang pinagdaraanan ko—nang higit kaysa makakaya ng sinuman.
Hindi Nag-iisa
Nang tumindig ako mula sa pagkakaluhod, tinulungan ako ng Espiritu na mahiwatigan ang ilang bagay at hinikayat akong gawin ang iba pang mga bagay. Una, naalala ko na ang isa sa mga kaibigan ko ay Muslim at hindi kailanman hinilingang ikompromiso ang kanyang mga pamantayan dahil nirespeto namin ang kanyang pananampalataya at naunawaan namin na may ilang bagay na hindi niya gagawin. Nabigyang-inspirasyon akong ibahagi ang aking bagong relihiyon sa aking mga kaibigan upang mas maunawaan din nila ang tungkol sa akin at kung bakit mahalaga sa akin ang aking mga bagong pamantayan.
Nagsimula ako sa maliit. Sinabi ko sa isang kaibigan na nahihirapan ako. Mabait siya at magalang. Tinulungan niya ako habang kausap ko ang iba ko pang mga kaibigan. Hindi lahat ay nakaunawa, pero sa paglipas ng panahon, nakita ko na gumawa sila ng mga plano para makasali ako nang hindi nilalabag ang mga pangako ko sa Diyos.
Alam ko na lahat tayo ay maaaring gumamit ng dagdag na lakas para labanan ang patuloy na impluwensya ng mundo. Nakakatulong diyan ang pagtupad sa mga tipan, at si Jesucristo ang sentro ng ating mga tipan.5 Ito ang nalaman ko mismo—kung bakit kailangan ko si Jesucristo.
Ang pag-uwi sa Diyos ay hindi isang bagay na magagawa kong mag-isa. At maraming maliliit na hakbang at karanasan sa araw-araw na gagawin ko—at nating lahat—sa paglalakbay na iyon pauwi. Pero napakapalad natin bilang mga gumagawa at tumutupad ng mga tipan na ang Diyos ay “hindi kailanman mapapagod sa Kanyang mga pagsisikap na tulungan tayo” hanggang sa makarating tayo roon.