Para sa Lakas ng mga Kabataan
Dalubhasa ang Tagapagligtas sa Pag-aalis ng Kahinaan
Marso 2024


“Dalubhasa ang Tagapagligtas sa Pag-aalis ng Kahinaan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2024.

Lakas sa Oras ng Kahinaan

Dalubhasa ang Tagapagligtas sa Pag-aalis ng Kahinaan

Matutulungan tayo ni Jesucristo na lumago sa kabila ng mga paghihirap, hindi lamang basta malagpasan ang mga ito.

binatilyong mukhang nanghihina

Mga larawang-guhit ni Uran Duo

Hindi ramdam ni Mason ang pagmamahal ng Diyos na gaya ng dati. Ilang taon na siyang nakikibaka sa clinical depression at hindi siya gumagaling, at nag-aalala siya na baka hindi na matupad kailanman ang kanyang mga pangarap.

Naririnig ni Anna ang iba pang mga kabataan na nagkukuwento tungkol sa mga karanasan sa paghahayag at mga himala. Kahit sinusubukan niya, pakiramdam niya ay hindi siya nakatatanggap ng mga sagot o nagkakaroon ng mga espirituwal na karanasan na tulad ng iba.

Iniisip ni Ethan kung madarama pa ba niya na malinis o karapat-dapat siyang muli. Napakaraming beses siyang nagpatangay sa ilang tukso kaya pakiramdam niya ay nawawalan siya ng kontrol at nag-iisip kung tuluyan na bang nawala ang mga ipinangakong pagpapala sa kanya. Iniisip niya kung mapapatawad pa ba siya at lalo siyang nakokonsiyensya sa simbahan.

May eating disorder si Madison. May kapansanan sa pagkatuto si Olivia. Nahihirapan si Conner sa scrupulosity (sobrang pagkakonsiyensya). Naabuso si Abigail at pakiramdam niya ay wala siyang halaga. Nasa proseso ng diborsyo ang mga magulang ni Jake, at nasasaktan siya at nalilito. May nang-abuso sa tiwala ni Jayden at parang hindi niya kayang magpatawad.

Napakaraming pakikibaka ng mga tao, pero may isang solusyon. Ang solusyong iyan ay may pangalan—Jesucristo. Nais madamang muli ng lahat ng mga taong ito na sila ay malakas, malinis, masaya, at kontento sa buhay, subalit hindi nila malulutas mag-isa ang mga problema nila. Pero nag-aalok ng tulong si Jesucristo. Sa katunayan, dalubhasa Siya sa pag-aalis ng kahinaan. Ang Kanyang tulong ay hindi karaniwang dumarating nang eksakto kung paano o kailan natin gusto, pero dumarating ito.

Narito ang ilang alituntuning tutulong sa atin na tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas na lumakad na kasama Niya (tingnan sa Moises 6:34), lalo na kapag nakikibaka sa kahinaan.

Ang Buhay ay Dapat Maging Isang Pagsubok

Mahal ka ng Diyos nang higit pa sa pagmamahal Niya sa iyong kapanatagan at katiwasayan. Ilan sa magigiting na taong hinahangaan mo ang kapanatagan at tagumpay lamang ang nararanasan? Malamang na paulit-ulit silang nagdaranas ng matinding oposisyon at hirap. Bilang bahagi ng ating pagsubok sa buhay, “minarapat ng Panginoon na pahirapan ang kanyang mga tao; oo, sinusubukan niya ang kanilang tiyaga at kanilang pananampalataya” (Mosias 23:21). Maaaring hindi natin ito gusto, pero kadalasa’y ang pinakamahihirap nating pagsubok ang nagbibigay sa atin ng mga pambihirang pagkakataon para lumago.

Ang Kahinaan ay Hindi Tanda ng Pagtutol ng Diyos

Maraming sinaunang tao noon ang naniwala na ang mga karamdaman ng katawan o isipan ay tanda ng parusa ng Diyos (tingnan sa Juan 9:2). Pero ang kahinaan ay bahagi ng buhay na dulot ng Pagkahulog. Bagama’t ang pakikibaka sa mga hamon ay normal at mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit, ang pagdanas nang mag-isa sa mga pakikibakang iyon ay hindi normal. Hindi isinugo si Jesucristo para parusahan tayo; isinugo Siya para mahalin at tulungang mabawi ang mga naliligaw, mahina, o nag-iisa—na tayong lahat (tingnan sa Juan 3:16–17; Lucas 15).

Ang Mahihinang Bagay ay Ginagawang Malakas sa Pamamagitan ni Cristo

Mahalagang ipakilala ang ating sarili ayon sa ating mga tipan kay Cristo at sa pag-asa natin sa Kanyang kasakdalan sa halip na makilala ayon sa ating kamalian. Hindi kailanman tinalikuran ni Jesucristo ang mahihina na masigasig na naghanap sa Kanya nang may pananampalataya. Nagbibigay ang Diyos ng “kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang [Kanyang] biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa [Kanyang] harapan … at magkakaroon ng pananampalataya sa [Kanya],” at kung gagawin nila ito, “gagawin [Niya] ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27). Kapag idinulog natin ang ating mga pakikibaka sa Panginoon nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu (tingnan sa 3 Nephi 9:20), maaaring hindi Niya kaagad alisin ang mga iyon, pero tutulungan at palalakasin Niya tayo.

Maging Mapagpasensya sa Iyong Sarili

Ang landas ng tipan ay isang napakahabang paglalakbay, hindi isang mabilisang pagtakbo. Tinutulutan tayo ng pagtahak sa landas na iyon na malagpasan ang maraming pasikut-sikot at pagliku-liko, pag-akyat at pagbaba, katuwaan at panganib, sikat ng araw at mga unos ng buhay. Maraming aral ang matututuhan sa bawat hakbang sa paglalakbay na iyon. Ang biyaya ni Jesucristo ay kadalasang inihahayag sa paglipas ng panahon, hindi lamang paminsan-minsan o sa mga mahimalang pangyayari.

binatilyong mukhang masigla

Kumonekta kay Cristo

Kung nanghihina ka o nahihirapan, tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas na: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan” (Mateo 11:28). Humanap ng mga paraan na tumutulong sa iyo na kumonekta sa Kanya. Kapag humingi ka ng tulong sa Kanya, makikita mo na noon ka pa Niya sinisikap na tulungan at hindi ka Niya pababayaan kailanman! Hindi magiging perpekto ang buhay, ni hindi mawawala ang kahinaan, pasakit, at hirap. Pero mas makakabuti na nasa iyong tabi ang Dalubhasang Manggagamot para itayo ka kapag ikaw ay nadapa, talian ang iyong mga sugat, at gabayan ka sa mga landasing humahantong sa walang-hanggang kagalakan.

Dalubhasa si Jesucristo sa pag-aalis ng kahinaan. Dalubhasa Siya sa pagtulong sa iyo!