Para sa Lakas ng mga Kabataan
Ikaw at ang Tagapagligtas Laban sa Mundo
Marso 2024


“Ikaw at ang Tagapagligtas Laban sa Mundo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2024.

Lakas na Madaig ang Mundo

Ikaw at ang Tagapagligtas Laban sa Mundo

Mga panggagambala, tukso, pag-uusig—nadaig ni Jesucristo ang mga bagay ng mundong ito at maaari ka rin Niyang palakasin para madaig ang mga ito.

babaeng pasan ang mundo sa kanyang balikat, habang nakaunat ang mga kamay ng Panginoon sa kanya

Larawang-guhit ni Alex Nabaum

Dinaig ni Jesucristo ang mundo, at inaanyayahan Niya tayong gawin din iyon. Pero ano ang “sanlibutan,” at ano ang ibig sabihin ng daigin natin ito?

Ganito ang sabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang ibig sabihin ng [daigin ang sanlibutan] ay pagdaig sa tukso na higit na pahalagahan ang mga bagay ng mundong ito kaysa sa mga bagay ng Diyos.”1

Ang “mga bagay ng mundong ito” ay maaaring kabilangan ng mga ari-arian, katanyagan, kapangyarihan, papuri, kasiyahan, o anumang iba pang bagay na tinatamasa ng likas na tao bilang bahagi ng mortalidad. Kahit hindi palaging masama ang ilan sa mga bagay na ito, kapag nawawala ang tuon natin sa Diyos dahil mas pinahahalagahan natin ang mga makamundong bagay, nagkakaroon iyan ng mga negatibong resulta sa paglipas ng panahon.

Itinuro ni Jesucristo na mahaharap tayo sa oposisyon at pag-uusig sa pagdaig natin sa sanlibutan (tingnan sa Juan 15:18–21). Pero makasusumpong pa rin tayo ng kapayapaan at “magagalak” dahil nadaig Niya muna ang sanlibutan (Juan 16:33).

Ang mga kabataang ito ay nakasumpong ng lakas kay Jesucristo na malagpasan ang mga makamundong balakid, at magagawa mo rin ito!

Mga Makamundong Panggagambala

dalagita

Gumugol ako ng maraming oras sa paglalaro ng computer games araw-araw sa loob ng maraming taon. Nagkaroon ako ng mga kaibigan, at nadama ko na mahalaga ako. Pero pagkatapos maglaro, hungkag ang pakiramdam ko, na para bang may kulang. Hindi ako ganap na masaya.

Gusto kong magtuon sa mga bagay na talagang magpapasaya sa akin at tutulong sa akin na magpakabuti. Nagsimula akong magdasal nang madalas. Nang ipahayag ko sa Ama sa Langit ang nasa puso ko, nakadama ako ng matinding pagmamahal.

Gusto kong gawin ang mga bagay na patuloy na mas maglalapit sa akin kay Cristo, kaya nagtuon ako sa mga simpleng bagay tulad ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdarasal, pag-uukol ng oras sa mga taong taglay ang Espiritu, at pagsisikap na huwag magambala ng mga bagay na magtataboy sa Espiritu Santo. Nagbago ang buhay ko. Mas masaya na iyon para sa akin.

Kapag mas napapalapit ako kay Cristo, alam ko na may mas mahahalagang bagay kaysa computer games kung gusto kong tunay na lumigaya. May mga bagay na walang hanggan.

Alina U., 18, Lithuania

Mga Makamundong Sitwasyon

dalagita

Sa eskuwela, inapi ako at kinutya dahil sa aking mga paniniwala. Dahil diyan at sa iba pang mga hamon, pakiramdam ko ay parang nakadagan sa akin ang mundo. Pero hinikayat ako ni Inay na umasa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo dahil nauunawaan Niya ang aking pasakit at kaya akong bigyan ng kapayapaan at kapanatagan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:23).

Nagpasiya akong ipangako sa Ama sa Langit na regular akong mag-aayuno. Hiniling ko sa Kanya na tulungan ako sa aking mga kahinaan at paghihirap, at tinutulungan na Niya ako simula noon.

Ang pag-aayuno ay mas naglapit sa akin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Alam ko na lagi Nila akong tinutulungan, na binibigyan ako ng lakas na madaig ang aking mga hamon at makatagpo ng tunay na kaligayahan. Pinagagaling ni Jesucristo ang aking mga sugat at tinutulungan akong makabalik sa aking Ama sa Langit.

Vera R., 17, Brasília, Brazil