Para sa Lakas ng mga Kabataan
Maaari ba Akong Maglingkod Kung Hindi Ako Extrovert o Mahilig Makipagkaibigan?
Marso 2024


“Maaari ba Akong Maglingkod Kung Hindi Ako Extrovert o Mahilig Makipagkaibigan?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2024.

Lakas na Maglingkod

Maaari ba Akong Maglingkod Kung Hindi Ako Extrovert o Mahilig Makipagkaibigan?

Maaari tayong palakasin ng Tagapagligtas kahit nahihirapan tayong tumulong sa mga tao.

Larawan
dalagitang naglalakad sa daan

Noong nasa high school ako, akala ko hindi ako kasinghalaga ng isang disipulo ni Jesucristo dahil hirap akong makipag-usap sa mga tao. Hindi lang ako introvert o sobrang tahimik—masyado akong mahiyain! Masyado akong mahiyain kaya hirap akong makipagkaibigan at ipakita ang tunay na ugali ko kapag kasama ko ang mga kaklase ko sa paaralan at sa simbahan.

Dahil diyan, umiwas ako sa mga calling sa Young Women at nadama ko na parang hindi ko kayang maging espirituwal na kagaya ng mga kaedad ko na mas madaldal at mahusay makisama kaysa sa akin.

Kaya nang magtapos ako sa high school at magpasiyang magmisyon, takot na takot ako!

Nadama ko na gusto ng Diyos na maglingkod ako, pero ang una kong naisip ay, “Bakit gusto ng Diyos na maglingkod ang isang taong katulad ko? Hindi ko kayang makipag-usap sa mga tao!”

Pero kahit takot ako noon, nagpasiya pa rin akong magtiwala sa Diyos at magmisyon.

Pag-asa sa Lakas ni Cristo

Nang maglingkod ako, naging mahirap ang mga bagay-bagay sa simula, pero nang patuloy akong magsikap (at hinayaan kong mabigo ako), natuklasan ko na pinalakas ako ng Panginoon para gawin ang gawaing ipinagagawa Niya sa akin.

Sabi ng Panginoon sa Aklat ni Mormon: “Kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).

Sa misyon ko natanto na kayang gawin ni Jesucristo ang kahanga-hangang mga bagay sa akin hindi dahil sa aking lakas kundi dahil sa Kanyang lakas. At natanto ko rin na ang Kanyang lakas ay hindi dumating sa akin dahil lamang sa missionary ako, kundi isang bagay rin ito na maaaring naasahan ko sana noon sa high school.

Ang kahanga-hangag bagay tungkol kay Jesucristo ay na hindi natin kailangan ng mga degree o mahahabang résumé para maglingkod sa Kanyang kaharian at maging matatapat na disipulo! Kung tayo ay mapagpakumbaba at tapat sa mga hangarin nating maglingkod, aakayin tayo ni Jesucristo kahit sino man tayo, saan man tayo naroon, at bibigyan tayo ng tulong at lakas na kailangan para mapaglingkuran Siya.

Print