Para sa Lakas ng mga Kabataan
Kapag Dumaranas ng Kalungkutan
Marso 2024


“Kapag Dumaranas ng Kalungkutan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2024.

Lakas sa mga Oras ng Kalungkutan

Kapag Dumaranas ng Kalungkutan

Kapag nabibigatan kayo sa buhay, maaari kayong mapasigla ng pag-asa kay Jesucristo.

batang lalaking malungkot, na may maiitim na ulap sa ibabaw niya

Larawang-guhit ni Dean MacAdam

Maaaring medyo malayo ang marating mo sa buhay sa pamamagitan ng kasipagan at determinasyon. Maaari kang matulog nang maaga, gumising nang maaga (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:124), at punuin mo ang bawat araw ng mabubuting gawi at disiplina sa sarili.

Pero gayunpaman, may ilang araw na magiging mas mahirap kaysa sa iba.

At pagkatapos ang ilang araw naman … ay, parang napakahirap kaya maaaring isipin mo na nawala na nang tuluyan ang magagandang araw.

Ano ang gagawin mo sa mga araw na iyon? Ano ang gagawin mo kapag ginawa mo na ang lahat ng magagawa mo, pati na ang lahat ng magagawa mo para mamuhay nang matwid (magdasal, mag-ayuno, mag-aral ng mga banal na kasulatan, magsimba at dumalo sa templo, atbp.), pero tila hindi iyon sapat? Kapag nilabanan mo nang husto ang kawalan ng pag-asa, pero tila lalo ka pang nawawalan ng pag-asa?

Siyempre, babaling ka kay Jesucristo. Ang pag-asa ay isang espirituwal na kaloob (tingnan sa Moroni 8:26). At lahat ng espirituwal na kaloob ay nagmumula kay Jesucristo (tingnan sa Moroni 10:17).

Kapag nabibigatan ka sa buhay na parang may bundok na bumabagsak sa iyo mula sa langit, maaaring mapasaiyo ang espirituwal na kaloob na pag-asa kapag higit kang nagtuon kay Jesucristo.

“Pinagagaan ng Panginoon ang Aking mga Pasanin”

Mahirap ang buhay para sa maraming Venezuelan bago pa dumating ang pandemyang COVID-19 noong 2020, gayunman, naging mahirap tugunan kahit ang mga pangunahing pangangailangan lang sa buhay. Para sa 11-taong-gulang na si Sebastian at sa kanyang pamilya, kinailangan ng lakas mula kay Jesucristo para manatiling masigla at masaya sa malulungkot na oras. “Masama ang loob ko kapag hindi kami makabili ng mahahalagang produkto tulad ng pagkain, damit, at gamot,” sabi ni Sebastian. “Pero may tiwala ako na patuloy kaming pagpapalain ng Panginoon. Mapalad akong matanggap ang aking patriarchal blessing. Sinasabi sa akin doon ang mga bagay na ipinangako sa akin bago ako naparito sa mundo.”

Ang pagtutuon kay Jesucristo bilang bahagi ng tema ng mga kabataan noong nakaraang taon (“Magagawa ko ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Cristo” [Filipos 4:13]) ay napatunayang malaking tulong. “Dahil sa mga paghihirap na dinaranas ng aking bansa, ipinaalala sa akin ng tema ng mga kabataan noong nakaraang taon na tutulungan ako ni Cristo na madaig at magawa ang lahat ng bagay sa pamamagitan Niya,” sabi ni Sebastian.

Naging mahaba ang paglalakbay, pero nakita ni Sebastian at ng kanyang pamilya ang mga pagpapala at pag-asa habang daan. “Pinagagaan ng Panginoon ang aking mga pasanin,” sabi niya. “Kapag malungkot ako, nagdarasal ako, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, at nagbabasa ng aking patriarchal blessing. Dahil sa Kanya, lalong naging matagumpay ngayong taon ang aming family stationery business na sinimulan namin tatlong taon na ang nakararaan. Gusto kong sabihin sa iba pang mga kabataan na dapat ay lagi silang handang umasa kay Jesucristo. Kapag ginagawa ko iyan, nadaraig ko ang mga hamon ko sa buhay.”

Lakas sa Pamamagitan ng Higit na Pagtuon

Itinuro ng propetang si Nephi, na dumanas ng matitinding hirap sa buong buhay niya, ang magandang katotohanang ito:

“Magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20).

Ang pag-asa, na mabisang pinagmumulan ng lakas laban sa kalungkutan, ay dumarating kapag nakatuon tayo kay Jesucristo. Oras na ba para higit ka pang magtuon sa Kanya?