“Ang Inyong Pastol sa mga Oras ng Takot,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2024.
Lakas Laban sa Pagkabalisa at Takot
Ang Inyong Pastol sa mga Oras ng Takot
Sa mga sandali ng pagkabalisa, maaari nating pakinggan ang tinig ng ating Pastol.
Ang isa sa mga pinakakilalang kabanata sa banal na kasulatan ay ang Mga Awit 23. Ang matatapat na tao sa buong mundo mula sa maraming relihiyon ay patuloy na nakadarama ng kapanatagan sa mga talatang ito na isinulat napakaraming taon na ang nakararaan.
Ang Panginoon ay aking pastol; hindi ako magkukulang.
Pinahihiga niya ako sa luntiang pastulan: inaakay niya ako sa tabi ng mga tubig na pahingahan.
Pinanunumbalik niya ang aking kaluluwa: inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran alang-alang sa kanyang pangalan
Bagaman ako’y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan; sapagkat ikaw ay kasama ko, ang iyong pamalo at ang iyong tungkod, inaaliw ako ng mga ito.
Ipinaghahanda mo ako ng hapag sa harapan ng aking mga kaaway; iyong binuhusan ng langis ang aking ulo, umaapaw ang aking saro.
Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga araw ng aking buhay; at ako’y maninirahan sa bahay ng Panginoon magpakailanman.
Nakasama mo na ba ang mga tupa? Medyo magugulatin sila at nagsisimulang tumakbo kapag nakarinig ng malalakas na ingay o galaw. Matatakutin sila talaga! At siguro isang bagay iyan na matututuhan natin mula sa metaporang ito—alam ng Panginoon na bawat isa sa atin ay matatakot kung minsan. Wala namang dapat ikahiya tungkol diyan! Bahagi ito ng hamon ng mortalidad. Sa mga sandaling iyon ng pagkabalisa, maaari nating pakinggan ang tinig ng ating Pastol. Sinisikap Niya tayong gabayan tungo sa “mga luntiang pastulan” ng kapayapaan at kaligtasan sa huli. Narito ang ilan sa mga paraan na magiliw Niya tayong inaanyayahang sumunod sa Kanya.
-
Pag-aralan ang mga salita ng ating Pastol—tulad ng Kanyang mga turo sa Bagong Tipan, sa 3 Nephi, o sa Doktrina at mga Tipan. Kapag ginawa natin ito, espirituwal tayong mabubusog at mas makikilala natin ang Kanyang tinig sa hinaharap.
-
Manalangin sa Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo anumang oras para humiling ng kapanatagan at kapayapaan sa iyong buhay.
-
Tanggapin na maraming anyo ang tulong ng Tagapagligtas, kabilang na ang mga magulang, lider ng Simbahan, kaibigan, at maging ang mga doktor at iba pang mga propesyonal.
-
Makitipon sa iba pa na nagmamahal sa Tagapagligtas, tulad sa simbahan o seminary. Maiuugnay tayo nito sa isang mapagmahal na komunidad ng mga Banal na nagtutulungan para masunod ang Tagapagligtas at madaig ang nakakatakot na mga problema sa tulong Niya.
Kung minsan ang pagdaig sa takot ay isang paglalakbay, gaya ng paglalakbay sa isang madilim na lambak, tulad ng binabanggit sa Mga Awit 23. Mapapatotohanan ni Nicolas F., mula sa Brazil, na kung patuloy kang susulong, darating ang paggaling. Matagal siyang nakibaka sa damdamin ng kabiguan at takot.
“Nagdasal ako nang husto, na hinihiling sa Diyos na alisin ang masasamang ideya sa aking isipan, na hinihiling sa Kanya na alisin ang sama-ng-loob,” sabi niya. Nagdaan siya sa mga oras ng pagkalito at natuon sa mga pagkakamaling kanyang nagawa.
“Sinikap kong matagpuan ang kapangyarihan ng Diyos, pero hindi ko pa nadama ang Kanyang pagpapagaling,” sabi ni Nicolas. Nagsaliksik siya ng mga talata sa mga banal na kasulatan tungkol sa pagdaig sa takot at nakasumpong ng lakas sa mga salitang iyon. Nakatanggap siya ng suporta mula sa kanyang ina at sa iba pa.
Kalaunan, isang hapon, nakadama siya ng katiwasayan at pasasalamat. Natanto niya na malayo na ang narating niya.
“Dati-rati pakiramdam ko ay nasa bilangguan ako,” sabi niya. “Pero ngayon pakiramdam ko ay kaya kong manalo sa mga digmaan. Kapag humihingi ako ng tulong sa Panginoon, nakadarama ako ng pag-asa.”
Maganda man o hindi ang pakiramdam ninyo sa buhay ngayon, kasama ninyo ang Mabuting Pastol, at tutulungan Niya kayo. Mahal Niya kayo! Tutulungan Niya kayong malagpasan ito. Manatiling malapit sa Kanya, at aakayin Niya kayo tungo sa kapayapaan.