Sesyon sa Linggo ng Hapon
Magalak sa Kaloob na mga Susi ng Priesthood
Mga Sipi
Kung wala ang mga susi ng priesthood, wala sa atin ang magkakaroon ng access sa mahahalagang ordenansa at tipan na nagbibigkis sa atin sa ating mga mahal sa buhay magpakailanman at nagtutulot sa atin na mamuhay kasama ng Diyos kalaunan. …
Ang mga susi ng priesthood ay nagbibigay sa atin ng awtoridad na ipaabot ang lahat ng pagpapalang ipinangako kay Abraham sa bawat lalaki at babae na tumutupad sa tipan. Dahil sa gawain sa templo, ang mga natatanging pagpapalang ito ay nagiging available sa lahat ng mga anak ng Diyos, hindi alintana kung saan o kailan sila nabuhay o nabubuhay ngayon. …
Ginagawang posible ng mga susi ng priesthood na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith na matamasa ng bawat lalaki at babae na tumutupad sa tipan ang mga pambihirang personal na espirituwal na pribilehiyo. …
Mahal kong mga kapatid, ito ang aking pangako. Wala nang higit na tutulong sa inyo na kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal kaysa sa pagsamba ninyo nang regular sa templo sa abot ng inyong makakaya. Wala nang higit na poprotekta sa inyo habang nilalabanan ninyo ang abu-abo ng kadiliman ng mundo. Wala nang higit na magpapalakas sa inyong patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala o tutulong sa inyo na mas maunawaan ang dakilang plano ng Diyos. Wala nang higit na magbibigay sa inyo ng espirituwal na kapanatagan sa mga panahon ng pasakit. Wala nang higit na magbubukas ng kalangitan. Wala!
Ang templo ang daan tungo sa mga pinakadakilang pagpapala ng Diyos na nakalaan para sa bawat isa sa atin, sapagkat ang templo ang tanging lugar sa mundo kung saan maaari nating matanggap ang lahat ng mga pagpapalang ipinangako kay Abraham. …
Tayo ay magalak sa panunumbalik ng mga susi ng priesthood, na ginagawang posible para sa inyo at sa akin na matamasa ang bawat espirituwal na pagpapala na handa at karapat-dapat nating tanggapin.