“Pinagtipon,” kabanata 10 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 10: “Pinagtipon”
Kabanata 10
Pinagtipon
Noong taglagas ng 1830, hindi kalayuan mula sa Kirtland, tinapos ng labinlimang taong gulang na si Lucy Morley ang kanyang karaniwang mga gawaing-bahay at umupo sa tabi ng kanyang amo, si Abigail Daniels. Habang ginagamit ni Abigail ang kanyang habihan, tinutulak paroo’t parito ang panghabi sa magkakrus na mga sinulid, inilalagay naman ni Lucy ang sinulid sa maninipis na lalagyan nito. Ang telang kanilang hinahabi ay mapupunta sa ina ni Lucy bilang kapalit ng serbisyo ni Lucy sa bahay ng mga Daniels. Dahil sa maraming bata sa kanyang tahanan, at walang tinedyer na mga anak na babae, umaasa si Abigail kay Lucy para mapanatiling malinis at napakain ang kanyang pamilya.
Habang magkatabing nagtutulungan ang dalawa, nakarinig sila ng katok sa pinto. “Pasok,” sigaw ni Abigail.
Sumusulyap mula sa kanyang ginawa, nakita ni Lucy ang tatlong lalaki na pumasok sa silid. Sila ay mga dayuhan, ngunit sila ay magagarang manamit at mukhang mababait. Lahat silang tatlo ay tila mas bata ng ilang taon kay Abigail, na nasa early thirties.
Tumayo si Lucy at nagdala pa ng mga upuan sa silid. Habang nagsisiupo ang mga lalaki, kinuha niya ang kanilang mga sumbrero at bumalik sa kanyang upuan. Ang mga lalaki ay nagpakilala bilang sina Oliver Cowdery, Parley Pratt, at Ziba Peterson, mga mangangaral mula sa New York na dumaan sa bayan sa kanilang paglalakbay patungong Kanluran. Sinabi nila na ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang totoong ebanghelyo sa kanilang kaibigan, isang propeta na nagngangalang Joseph Smith.
Habang nagsasalita sila, tahimik na bumalik si Lucy sa kanyang gawain. Nagsalita ang mga lalaki tungkol sa mga anghel at isang set ng mga laminang ginto na isinalin ng propeta sa pamamagitan ng paghahayag. Nagpatotoo sila na isinugo sila ng Diyos sa kanilang misyon upang ipangaral ang ebanghelyo sa huling pagkakataon bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Nang matapos nila ang kanilang mensahe, tumigil ang maindayog na kalatok ng habihan ni Abigail, at pumihit ang babae sa kanyang upuan. “Ayoko na alinman sa inyong masamang doktrina ay ituro sa aking bahay,” sabi niya, galit na iwinawagayway ang panghabi sa kanilang mga mukha.
Sinubukan ng mga lalaki na hikayatin siya, nagpapatotoo na ang kanilang mensahe ay tunay. Ngunit inutusan sila ni Abigail na umalis, nagsasabing ayaw niyang dungisan nila ang kanyang mga anak ng maling doktrina. Itinanong ng mga lalaki na kung maaari man lang na pakainin sila nito. Nagugutom sila at buong maghapong hindi kumakain.
“Wala kayong makakaing anuman sa bahay ko,” singhal ni Abigail. “Hindi ako nagpapakain ng mga impostor.”
Biglang nagsalita si Lucy, nasindak sa pabalang na pagsasalita ni Abigail sa mga lingkod ng Diyos. “Ang tatay ko ay naninirahan isang milya ang layo mula rito,” sabi niya. “Hindi siya nagpapaalis sa pintuan niya ng kahit sinong gutom. Pumunta kayo roon at pakakainin kayo at aalagaan.”
Pagkakuha ng kanilang mga sumbrero, sumunod si Lucy sa mga missionary sa labas at itinuro sa kanila kung paano pumunta sa bahay ng kanyang mga magulang. Pinasalamatan siya ng mga lalaki at binagtas ang kalsada.
“Pagpalain ka ng Diyos,” sabi nila.
Nang hindi na nakikita ang mga lalaki, bumalik si Lucy sa bahay. Nasa kanyang habihan muli si Abigail, pinapagana paroo’t parito ang panghabi. “Umaasa ako na mas maayos na ang pakiramdam mo ngayon,” sabi niya kay Lucy, malinaw na naiinis.
“Oo, naman,” sagot ni Lucy.1
Tulad ng ipinangako ni Lucy, nabusog ang tatlong missionary sa tahanan ng mga Morley. Ang kanyang mga magulang, sina Isaac at Lucy, ay mga miyembro ng kongregasyon ni Sidney Rigdon, at naniniwala sila na dapat magbahagi ang mga tagasunod ni Cristo ng kanilang kabuhayan at pag-aari sa isa’t-isa na tulad ng isang malaking pamilya. Sumusunod sa halimbawa ng mga banal sa Bagong Tipan na nagsumikap na “lahat ng bagay ay pagsasaluhan,” binuksan nila ang kanilang malaking sakahan sa iba pang mga pamilya na nais mamuhay nang magkakasama at ipamuhay ang kanilang paniniwala na hiwalay sa nagpapataasan at kadalasang makasariling mundo.2
Nang gabing iyon, nagturo ang mga missionary sa mga Morley at sa kanilang mga kaibigan. Tumugon ang mga pamilya sa mensahe ng mga missionary sa paghahanda para sa pagbabalik ng Tagapagligtas at paghahari sa loob ng milenyo, at bandang hatinggabi, labimpitong katao ang nabinyagan.
Sa mga sumunod na araw, mahigit limampung katao sa paligid ng Kirtland ang nagsipunta sa mga pulong ng mga missionary at hiniling na sumapi sa simbahan.3 Marami sa kanila ay nakatira sa bukirin ng mga Morley, kabilang na si Pete, isang pinalayang alipin na ang ina ay nagmula sa Kanlurang Africa.4 Maging si Abigail Daniels, na mabilis na tinanggihan noon ang mga missionary, ay tinanggap ang kanilang mensahe matapos mapakinggan niya at ng kanyang asawa ang kanilang pangangaral.5
Sa paglago ng simbahan sa Ohio, lalo na sa mga tagasunod ni Sidney, iniulat ni Oliver ang magandang balita kay Joseph. Araw-araw ay dumarami ang mga tao na humihiling na marinig ang kanilang mensahe. “May malaking pangangailangan dito para sa mga aklat,” isinulat niya, “at nais ko sanang magpadala ka ng limang daan.”6
Bagama’t nalulugod siya sa kanilang tagumpay sa Ohio, batid ni Oliver na tinawag sila ng Panginoon na mangaral sa mga American Indian na nakatira sa kanlurang hangganan ng Estados Unidos. Siya at ang iba pang missionary ay kaagad ding nilisan ang Kirtland, kasama ang isang bagong binyag na nagngangalang Frederick Williams. Si Frederick ay isang doktor, at sa edad na apatnapu’t tatlo, siya ang pinakamatandang lalaki sa pangkat.7
Patungo sa kanluran sa huling bahagi ng taglagas ng 1830, binagtas nila ang maniyebeng kapatagan at mga burol. Tumigil sila saglit upang mangaral sa mga Wyandot Indian sa gitnang Ohio bago nagpareserba ng tiket sa bapor patungo sa Missouri, ang pinaka-kanlurang estado sa bansa.
Ang mga missionary ay patuloy na umusad sa ilog hanggang hinarangan ng yelo ang kanilang landas. Hindi natinag, bumaba sila at naglakad ng daan-daang milya sa nagyeyelong pampang. Nang mga panahong iyon, makapal at malalim na ang niyebe, na siyang nagpahirap sa paglalakbay nila sa malalawak na parang. Kung minsan ang hangin na humahampas sa tanawin ay tila matalim na kayang balatan ang kanilang mga mukha.8
Habang ang mga missionary ay naglakbay pa-kanluran, naglalakbay naman pa-silangan si Sidney kasama ang kanyang kaibigan na si Edward Partridge, isang tatlumpu’ pitong taong gulang na tagagawa ng sumbrero na mula sa kanyang kongregasyon. Ang dalawang lalaki ay patungong Manchester, halos tatlong daang milya ang layo mula sa Kirtland, upang makilala si Joseph. Sumapi na sa simbahan si Sidney, ngunit nais ni Edward na makilala muna ang propeta bago magpasiya kung dapat din siyang sumapi.9
Nang dumating sila, ang magkaibigan ay unang tumungo sa sakahan ng mga magulang ni Joseph, upang malaman lamang na lumipat ang mga Smith sa mas malapit sa Fayette. Subalit bago maglakbay ng karagdagang dalawampu’t anim na milya papunta sa tahanan ng mga Smith, nais makita ni Edward ang ari-arian nila, iniisip na ang mga gawain ng mga Smith ay magpapakita ng mga bagay tungkol sa kanilang pagkatao. Nakita nila ni Sidney ang kanilang maaayos na mga taniman, kanilang mga tahanan at kamalig, at ang mababang pader na bato na kanilang itinayo. Bawat isa ay nagpatotoo sa kaayusan at kasipagan ng mag-anak.10
Bumalik sina Edward at Sidney sa kalsada at naglakad buong araw, dumating sa tahanan ng mga Smith nang gabing iyon. Nang dumating sila roon, isang pulong sa simbahan ang nagaganap. Pumasok sila sa bahay at sumama sa isang maliit na kongregasyon na nakikinig kay Joseph na mangaral. Nang matapos ang propeta, sinabi niya na sinuman sa silid ay maaaring tumayo at magsalita kung nakararamdam siya ng inspirasyon.
Tumayo si Edward at sinabi sa mga Banal ang nakita at nadama niya sa kanyang paglalakbay. Pagkatapos ay sinabi niya, “Ako ay handa nang magpabinyag, Brother Joseph. Maaari mo ba akong binyagan?”
“Malayo ang iyong nilakbay,” sabi ni Joseph. “Palagay ko ay mainam na magpahinga ka muna at kumain at bukas ng umaga binyagan.”
“Kung ano sa tingin mo ang nararapat,” sagot ni Edward. “Ako ay handa anumang oras.”11
Bago naganap ang binyag, tumanggap si Joseph ng isang paghahayag na humihirang kay Edward na mangaral at maghanda para sa araw na paroroon si Cristo sa Kanyang templo.12 Nabinyagan si Edward at agad na umalis upang ibahagi ang ebanghelyo sa kanyang mga magulang at kamag-anak.13 Samantala, nanatili sa Fayette si Sidney upang magsilbing tagasulat ni Joseph, at di naglaon ay tinutulungan na niya ito sa isang bagong proyekto.14
Ilang buwan ang nakaraan, sinimulan nina Joseph at Oliver ang inspiradong pagsasalin ng Biblia. Mula sa Aklat ni Mormon, nabatid nila na ang mahahalagang katotohanan ay nadungisan sa pagdaan ng panahon at inalis mula sa Luma at Bagong Tipan. Gamit ang Biblia na binili ni Oliver mula sa tindahan ng mga aklat ni Grandin, nagsimula silang pag-aralan ang aklat ng Genesis, naghahangad ng inspirasyon tungkol sa mga talata na tila hindi kumpleto o hindi malinaw.15
Hindi nagtagal, inihayag ng Panginoon kay Joseph ang isang pangitain na unang natanggap ni Moises, na wala sa Lumang Tipan. Sa kapapanumbalik na banal na kasulatan, ipinakita ng Diyos kay Moises ang “mga daigdig na di mabilang,” sinabi sa kanya na espirituwal na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay bago Niya pisikal na nilikha ang mga ito, at itinuro na ang layunin ng maluwalhating paglikhang ito ay upang tulungan ang mga lalaki at babae na matanggap ang buhay na walang hanggan.16
Pagkaalis ni Oliver para sa kanyang misyon sa Kanluran, patuloy na nagsalin si Joseph kasama sina John Whitmer at Emma bilang mga tagasulat hanggang sa dumating si Sidney. Nitong huli, sinimulan ng Panginoon na maghayag pa ng marami tungkol sa kasaysayan ng propetang si Enoc, na ang buhay at ministeryo ay maikling binanggit sa Genesis.17
Habang isinusulat ni Sidney ang idinidikta ni Joseph, natutuhan nila na si Enoc ay isang propeta na nagawang tipunin ang mga masunurin at mapapalad na tao. Tulad ng mga Nephita at Lamanita na bumuo ng isang mabuting lipunan matapos ang pagbisita ng Tagapagligtas sa Amerika, ang mga tao ni Enoc ay natutong mamuhay nang payapa sa piling ng bawa’t isa. “Sila ay may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan,” ayon sa tala ng banal na kasulatan, “at walang maralita sa kanila.”18
Sa ilalim ng pamumuno ni Enoc, nagtayo ang mga tao ng banal na lunsod na tinawag na Sion, na kalaunan ay tinanggap ng Diyos sa Kanyang presensya. Doon ay nakipag-usap si Enoc sa Diyos habang sila ay nakatingin sa mundo, at tumangis ang Diyos dahil sa kasamaan at pagdurusa ng Kanyang mga anak. Darating ang araw, sinabi Niya kay Enoc, ang katotohanan ay lilitaw mula sa lupa at ang Kanyang mga tao ay magtatayo ng isa pang lunsod ng Sion para sa mga matwid.19
Habang pinagninilayan nina Sidney at Joseph ang paghahayag, alam nila na dumating na ang araw na muling itatatag ng Panginoon ang Sion sa lupa. Tulad ng mga tao ni Enoc, kailangan ng mga Banal na ihanda ang kanilang mga sarili, pag-isahin ang puso at isipan, nang sa gayon ay maging handa sila sa pagtayo ng banal na lunsod at ng templo nito sa oras na ihayag ng Panginoon ang lokasyon nito.
Sa pagtatapos ng Disyembre, inutusan ng Panginoon sina Joseph at Sidney na tumigil sa kanilang gawain ng pagsasalin. “Isang kautusang ibinibigay ko sa simbahan,” pahayag Niya, “na dapat sila ay sama-samang magtipun-tipon sa Ohio.” Magtipon sila kasama ang mga bagong kasapi sa lugar ng Kirtland at hintayin ang mga missionary na bumalik mula sa Kanluran.
“Narito ang karunungan,” sinabi ng Panginoon, “at hayaang ang bawat tao ay pumili para sa kanyang sarili hanggang sa Ako ay pumarito.”20
Ang tawag na lumipat sa Ohio ay tila nagdala sa mga Banal palapit sa katuparan ng sinaunang propesiya tungkol sa pagtitipon ng mga tao ng Diyos. Ang Biblia at Aklat ni Mormon ay kapwa nangako na titipunin ng Panginoon ang Kanyang mga pinagtipanang tao upang pangalagaan sila laban sa mga panganib sa mga huling araw. Sa isang bagong paghahayag, sinabi ng Panginoon kay Joseph na ang pagtitipong ito ay magsisimula sa lalong madaling panahon.21
Ngunit ang tawag ay ikinagulat pa rin. Sa ikatlong kumperensya ng simbahan, na ginanap sa tahanan ng mga Whitmer pagkatapos ng bagong taon, marami sa mga Banal ay balisa, ang kanilang isipan ay puno ng mga tanong tungkol sa kautusan.22 Kakaunti lamang ang mga naninirahan sa Ohio at daan-daang milya ang layo nito. Karamihan ng miyembro ng simbahan ay kakaunti lamang ang alam tungkol dito.
Marami rin sa kanila ang masigasig na nagtrabaho upang mapalawig ang kanilang ari-arian at malinang ang mauunlad na bukirin sa New York. Kung lilipat sila bilang isang grupo sa Ohio, kailangan nilang agarang maipagbili ang kanilang mga ari-arian at maaaring malugi. Maaari pang tuluyang masira ang pananalapi ng ilan, lalo na kung ang lupain sa Ohio ay mapatutunayang hindi ganoon kayaman at mataba kaysa sa kanilang lupain sa New York.
Umaasang maibsan ang mga alalahanin tungkol sa pagtitipon, nakipagpulong si Joseph sa mga Banal at tumanggap ng paghahayag.23 “Ako ay magkakaloob at mamarapatin na bigyan kayo ng higit na kayamanan, maging isang lupang pangako,” pahayag ng Panginoon, “at Aking ibibigay ito sa inyo bilang lupain na inyong mana, kung hahangarin ninyo ito nang buo ninyong puso.” Sa magkakasamang pagtitipon, ang mga Banal ay maaaring umunlad bilang mga matwid na tao at mapoprotektahan mula sa masasama.
Nangako rin ang Panginoon ng dalawang karagdagang pagpapala sa mga taong magtitipon sa Ohio. “Doon bibigyan kita ng aking batas,” sabi Niya, “at doon ikaw ay papagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan.”24
Ang paghahayag ay nagpakalma sa isipan ng karamihan sa mga Banal na nasa silid, bagama’t ilang tao ang ayaw maniwala na nagmula ito sa Diyos. Ang pamilya ni Joseph, ang mga Whitmer at ang mga Knight ay kabilang sa mga naniwala at piniling sundin ito.25
Bilang pinuno ng branch sa Colesville ng simbahan, umuwi si Newel Knight at nagsimulang ibenta ng kanyang makakaya. Ginugol din niya ang marami sa kanyang oras sa pagbisita sa mga miyembro ng simbahan. Sinusunod ang halimbawa ng mga tao ni Enoc, siya at ang iba pang mga Banal sa Colesville ay nagtulungan at nagsakripisyo upang matiyak na ang mga maralita ay makapaglalakbay bago sumapit ang tagsibol.26
Samantala, nadama ni Joseph ang pangangailangan na agarang makarating sa Kirtland at kilalanin ang mga bagong miyembro. Bagama’t nagdadalantao ng kambal si Emma at nagpapagaling pa mula sa isang matagal na pakikipaglaban sa karamdaman, sumakay siya sa paragos, desididong sumama sa kanya.27
Sa Ohio, nahihirapan ang simbahan. Matapos umalis ang mga missionary pa-Kanluran, ang bilang ng mga nagbalik-loob sa Kirtland ay patuloy na lumago, ngunit marami sa mga Banal ay hindi sigurado kung paano ipamumuhay ang kanilang bagong relihiyon. Karamihan ay bumaling sa Bagong Tipan para sa patnubay tulad ng nakagawian nila bago sumapi sa simbahan, ngunit kung wala ang payo ng propeta tila maraming paraan upang bigyang-kahulugan ang Bagong Tipan tulad ng dami ng mga Banal sa Kirtland.28
Si Elizabeth Ann Whitney ay isa mga yaong gustong maranasan ang mga espirituwal na kaloob ng sinaunang Kristiyanong simbahan. Bago dumating ang mga missionary sa Kirtland, si Ann at ang kanyang asawang si Newel ay maraming beses nang nagdasal upang malaman kung paano sila makatatanggap ng kaloob na Espiritu Santo.
Isang gabi, habang nagdarasal para sa banal na patnubay, sila ay nakakita ng pangitain ng isang ulap na humimpil sa kanilang bahay. Napuspos sila ng Espiritu, at naglaho ang kanilang bahay habang nabalot sila ng ulap. Nakarinig sila ng isang tinig mula sa langit: “Maghandang tanggapin ang salita ng Panginoon, sapagka’t ito ay paparating.”29
Hindi lumaki si Ann sa isang relihiyosong tahanan, at kahit sino sa kanyang mga magulang ay hindi nagsisimba. Hindi gusto ng kanyang ama ang mga pari o pastor, at ang kanyang ina ay laging abala sa mga gawaing-bahay o inaalagaan ang mga nakababatang kapatid ni Ann. Kapwa nila hinikayat si Ann na magsaya sa buhay sa halip na hanapin ang Diyos.30
Ngunit palaging naaakit si Ann sa mga espirituwal na bagay, at noong pinakasalan niya si Newel, ipinahiwatig niya ang isang pagnanais na humanap ng simbahan. Sa kanyang pamimilit, sumapi sila sa kongregasyon ni Sidney Rigdon dahil naniniwala siya na ang mga alituntunin nito ay pinakamalapit sa mga natagpuan niya sa banal na kasulatan. Kalaunan, nang una niyang marinig si Parley Pratt at mga kasama niyang ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo, batid niyang ang itinuturo nila ay totoo.31
Sumapi si Ann sa simbahan at nagalak sa kanyang bagong pananampalataya, ngunit nalito siya sa iba’t-ibang pamamaraan kung paano isinasabuhay ito ng mga tao. Ang mga kaibigan niyang sina Isaac at Lucy Morley ay patuloy na nag-anyaya ng mga tao na manirahan sa kanilang bukirin at ibinabahagi ang kanilang mga yaman.32 Si Leman Copley, na may-ari ng isang malaking sakahan sa silangan ng Kirtland, ay patuloy na naniniwala sa ilang turo mula sa kanyang pananatili sa mga Shaker, isang pangrelihiyong komunidad na may pamayanan sa di-kalayuan.33
Ilan sa mga Banal sa Kirtland ay ipinamumuhay ang kanilang mga paniniwala nang sobra-sobra, nagsasaya sa mga bagay na sa tingin nila ay mga kaloob ng Espiritu. Ilang tao ang nagsabi na nagkaroon sila ng mga pangitain na hindi nila maipaliwanag. Ang iba naman ay naniwala na hinimok sila ng Espiritu Santo na magpadalusdos o magpadulas sa lupa.34 Isang lalaki ang tumatalon sa mga silid o bumibitin mula sa mga suleras ng kisame tuwing sa tingin niya ay nadarama niya ang Espiritu. Ang isa naman ay kumilos tulad ng isang unggoy na malaki.35
Nang makita nila ang pag-uugaling ito, ilan sa mga nagbalik-loob ay pinanghinaan ng loob at sinukuan ang bagong simbahan. Patuloy na nanalangin sina Ann at Newel, tiwala na ipakikita sa kanila ng Panginoon ang landas na tatahakin.36
Noong Pebrero 4, 1831, isang paragos ang dumating sa tindahang pag-aari at pinatatakbo ni Newel sa Kirtland. Lumabas ang isang lalaking dalawampu’t limang-taong gulang, pumasok sa loob, at inabot ang kanyang kamay sa kabilang counter. “Newel K. Whitney!” bulalas niya. “Ikaw ang taong hinahanap ko!”
Kinamayan siya ni Newel. “Nakalalamang ka sa akin,” sabi niya. “Hindi kita matawag sa iyong pangalan, gaya ng pagtawag mo sa akin.”
“Ako si Joseph, ang propeta,” sabi ng lalaki. “Nanalangin kang pumarito ako; ngayon, ano ang kailangan mo sa akin?”37