“Mga Banal na Lugar,” kabanata 15 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 15: “Mga Banal na Lugar”
Kabanata 15
Mga Banal na Lugar
Noong Agosto 1832, nagmamalaking pinanood ni Phebe Peck ang tatlo sa kanyang mga anak na mabinyagan malapit sa kanilang tahanan sa Missouri. Sila ay kabilang sa labing-isang bata na bininyagan sa Sion noong araw na iyon. Kasama ang mga anak nina Lydia at Edward Partridge at Sally at William Phelps, kabilang sila sa unang henerasyon ng mga kabataang Banal na lumaki sa isang lupaing itinakda ng Panginoon na maging banal.
Si Phebe at ang kanyang mga anak ay lumipat sa Sion kasama ng mga Banal ng Colesville noong nakaraang taon. Ang yumaong asawa ni Phebe, si Benjamin, ay kapatid ni Polly Knight, kung kaya nagkaroon ng lugar si Phebe sa mga kamag-anak ng pamilya Knight. Ngunit kinasasabikan pa rin niyang makita ang sarili niyang pamilya at mga kaibigan sa New York na hindi sumapi sa simbahan.
Pagkatapos ng binyag ng kanyang mga anak, sumulat siya sa dalawa sa kanyang mga dating kaibigan tungkol sa Sion. “Hindi ninyo iisipin na mahirap pumunta rito,” sinabi niya sa kanyang kaibigang si Anna, “sapagkat inihahayag ng Panginoon ang mga hiwaga ng kaharian ng langit sa Kanyang mga anak.”1
Kamakailan lamang, inilathala ni William Phelps ang pangitain ng langit nina Joseph at Sidney sa The Evening and the Morning Star, at ibinahagi ni Phebe kay Anna ang pangako nito na ang mga taong nabinyagan at mananatiling matatag sa patotoo kay Cristo ay matatamasa ang pinakamataas na antas ng kaluwalhatian at ang kabuuan ng mga pagpapala ng Diyos.
Nang may gayong pangako sa kanyang isipan, hinimok ni Phebe ang isa pang kaibigan, si Patty, na makinig sa mensahe ng ebanghelyo. “Kung makikita at maniniwala lamang kayo na gaya ko,” isinulat niya, “ang daan ay mabubuksan at pupunta ka sa lupaing ito, at magkikita tayo at magagalak sa mga bagay ng Diyos.”
Pinatotohanan ni Phebe ang kamakailan lamang na inihayag na pangitain ng propeta at ang kapayapaang inihatid nito sa kanya, hinihikayat si Patty na basahin ang mga salita nito kung magkakaroon siya ng pagkakataon.
“Umaasa ako na magbabasa ka na may maingat at madasaling puso,” sinabi niya sa kanyang kaibigan, “sapagkat ang mga bagay na ito ay karapat-dapat na bigyang pansin, at hinihiling ko na siyasatin mo ang mga ito.”2
Noong taglagas na iyon, si Joseph ay naglakbay kasama ni Newel Whitney sa Lunsod ng New York upang ipangaral ang ebanghelyo at gumawa ng mga pagbili para sa United Firm. Tinawag ng Panginoon si Newel na balaan ang mga tao sa malalaking lunsod sa mga kalamidad na darating sa mga huling araw. Sinamahan siya ni Joseph para makatulong na maisakatuparan ang utos ng Panginoon.3
Nitong mga huling araw, nadama ng propeta ang lumalaking pangangailangan na ipangaral ang ebanghelyo at itayo ang lugar ng pagtitipon ng mga Banal. Bago niya nilisan ang Kirtland, tumanggap siya ng paghahayag na ang mga mayhawak ng priesthood ay may responsibilidad na ipangaral ang ebanghelyo at akayin ang mga tapat para sa kaligtasan ng Sion at ng templo, kung saan nangako ang Panginoon na dadalawin sila ng Kanyang kaluwalhatian.
Kung gayon, kasama sa tungkulin ng priesthood ang pangangasiwa sa mga ordenansa para sa mga tumanggap kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo. Itinuro ng Panginoon na sa pamamagitan lamang ng mga ordenansang ito magiging handa ang Kanyang mga anak na tanggapin ang Kanyang kapangyarihan at makabalik sa Kanyang piling.4
Gayunman, sa kanyang pag-alis upang maglakbay, may dahilan si Joseph na mag-alala tungkol sa mga pagsisikap na itayo ang Sion sa Missouri. Lumalago ang simbahan sa Ohio, sa kabila ng oposisyon mula sa mga dating miyembro ng simbahan, ngunit ang simbahan sa Missouri ay nahihirapang mapanatili ang kaayusan habang mas maraming tao ang lumilipat sa lugar nang walang pahintulot. Ang tensyon sa pagitan niya at ng ilang lider ng Sion ay hindi pa rin nalulutas, isang bagay na dapat gawin upang pagkaisahin ang simbahan.
Pagdating sa New York City, nagulat si Joseph sa laki nito. Katabi ng matataas na gusali ang mga makitid na daan na umaabot ng ilang milya. Kahit saan siya tumingin ay may mga tindahan ng mamahaling kalakal, malalaking bahay at gusali ng opisina, at mga bangko kung saan ang mayayamang tao ay nakikipagkalakalan ng negosyo. Ang mga tao ng maraming etniko, mga trabaho, at antas sa buhay ang nagmamadaling dumaraan sa harapan niya, tila walang pakialam sa iba pang tao sa paligid nila.5
Sila ni Newel ay tumuloy sa isang hotel na may apat na palapag malapit sa mga bodega kung saan inaasahang gawin ni Newel ang kanyang mga pagbili para sa United Firm. Natanto ni Joseph na ang gawain ng pagpili ng mga kalakal ay nakakapagod at pinanghinaan siya ng loob sa kapalaluan at kasamaan na kanyang nakita sa lunsod, kaya madalas siyang bumalik sa hotel upang magbasa, magnilay-nilay, at manalangin. Hindi nagtagal ay nangungulila siya sa kanyang tahanan. Malapit nang magwakas ang isa pang mahirap na pagbubuntis ni Emma, at nais niyang makasama ito at ang kanilang anak na babae.
“Ang mga alaala ng tahanan, nina Emma at Julia, ay bumubugso sa aking isipan tulad ng isang baha,” isinulat niya, “at humihiling ako na makasama sila kahit ilang sandali lamang.”
Kung minsan ay umaalis si Joseph sa hotel upang makilala ang lugar at mangaral. Ang Lunsod ng New York ay may kabuuang populasyon na mahigit dalawang daang libo, at nadama ni Joseph na ang Panginoon ay nalulugod sa magagandang arkitektura at pambihirang imbensyon ng mga mamamayan nito. Subalit parang walang nagluluwalhati sa Diyos para sa mga kagila-gilalas na bagay sa kanilang paligid o nagkakaroon ng interes sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Hindi pinanghihinaan ng loob, patuloy na ibinahagi ni Joseph ang kanyang mensahe. “Determinado akong itaas ang aking tinig,” sulat niya kay Emma, “at ipaubaya ang mangyayari sa Diyos, na may hawak ng lahat ng bagay sa Kanyang mga kamay.”6
Pagkaraan ng isang buwan, matapos makabalik sina Joseph at Newel sa Ohio, ang tatlumpu’t isang taong gulang na si Brigham Young ay dumating sa Kirtland kasama ang kanyang nakatatandang kapatid na si Joseph at ang kanyang pinakamatalik na kaibigan, si Heber Kimball. Sila ay mga bagong miyembro mula sa sentro ng New York, hindi malayo sa lugar kung saan lumaki si Joseph Smith. Nais ni Brigham na makilala ang propeta mula nang una niyang nalaman ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Ngayong siya ay nasa Kirtland, nagplano siyang kamayan si Joseph, titigan siya sa kanyang mga mata, at kilalanin ang kanyang puso. Si Brigham ay nangangaral mula sa Aklat ni Mormon mula nang mabinyagan siya, ngunit kakaunti lamang ang alam niya tungkol sa taong nagsalin nito.
Sina Joseph at Emma ay nakatira na ngayon sa silid sa itaas ng tindahan ng mga Whitney sa Kirtland, ngunit nang magsadya roon ang tatlong lalaki, ang propeta ay nasa labas at nagsisibak ng kahoy na panggatong sa isang gubat mga isang milya ang layo. Kaagad silang tumulak patungo sa lugar, hindi nakakasiguro kung ano ang kanilang madaratnan pagdating nila roon.
Naglalakad papasok sa kakahuyan, sina Brigham at ang iba ay dumating sa isang kapatagan kung saan si Joseph ay nagsisibak ng mga troso. Mas matangkad siya kay Brigham at nakasuot ng simpleng damit na pangtrabaho. Mula sa mahusay na paraan ng paggamit ni Joseph ng kanyang palakol, nakita ni Brigham na ito ay sanay sa mabibigat na trabaho.
Lumapit sa kanya si Brigham at ipinakilala ang sarili. Inilapag ang kanyang palakol, kinamayan ni Joseph si Brigham. “Natutuwa akong makita ka,” sabi niya.
Habang nag-uusap sila, nag-alok si Brigham na magsibak ng kahoy habang ang kanyang kapatid at si Heber ay tutulong na ilagay ang mga ito sa isang bagon. Ang propeta ay tila masayahin, masipag at palakaibigan. Tulad ni Brigham, siya ay galing sa abang pinagmulan, ngunit siya ay hindi magaspang tulad ng ilang manggagawa. Alam kaagad ni Brigham na siya ay propeta ng Diyos.7
Hindi nagtagal, inanyayahan ni Joseph ang mga lalaki pabalik sa kanyang bahay upang kumain. Nang dumating sila, ipinakilala niya ang mga ito kay Emma, na nakahiga sa kama, dinuduyan ang isang malusog na sanggol na lalaki. Ang sanggol ay isinilang ilang araw ang nakakaraan, ilang oras lamang bago dumating sina Joseph at Newel mula sa New York. Pinangalanan siya nina Emma at Joseph na Joseph Smith III.8
Pagkatapos kumain, nagsagawa ng maliit na pulong si Joseph at inanyayahan si Brigham na manalangin. Nang yumuko siya, nadama ni Brigham ang Espiritu na hinimok siyang magsalita sa isang di-kilalang wika. Ang mga tao sa silid ay nagulat. Sa loob ng nakaraang taon, nakita nila ang maraming tao na ginagaya ang kaloob ng Espiritu gamit ang mabangis na pag-uugali. Ang ginawa ni Brigham ay iba.
“Mga kapatid, hindi ako sasalungat sa anumang nagmumula sa Panginoon,” sabi ni Joseph, na nadama ang kanilang pagkabalisa. “Ang dilang iyon ay mula sa Diyos.”
Pagdaka’y nagsalita si Joseph sa parehong wika, ipinahahayag na ito ang wikang gamit ni Adan sa Halamanan ng Eden at hinihikayat ang mga Banal na hangarin ang kaloob na mga wika, tulad ng ginawa ni Pablo sa Bagong Tipan, para sa kapakinabangan ng mga anak ng Diyos.9
Lumisan si Brigham nang sumunod na linggo habang ang isang mapayapang taglamig ay nanahan sa munting nayon. Gayunman, ilang araw bago sumapit ang Pasko, isang lokal na pahayagan ang naglathala ng mga ulat na ang mga pinuno ng pamahalaan sa estado ng South Carolina ay nilalabanan ang buwis sa mga inaangkat na kalakal at nagbabanta na hihiwalay mula sa Estados Unidos. Ang ilang tao ay nanawagan para sa digmaan.10
Habang binabasa ni Joseph ang ulat tungkol sa krisis, napagnilayan niya ang kasamaan at kapahamakan na sinabi ng Biblia na magaganap bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.11 Kamakailan ay sinabi ng Panginoon sa kanya na ang buong mundo ay dumaraing sa pagkaalipin ng kasalanan, at hindi magtatagal ay dadalawin ng Diyos ang mga masasama ng Kanyang poot, winawasak ang mga kaharian ng daigdig at magdudulot ng mga pagyanig sa kalangitan.12
Matapos manalangin upang higit pang magkaroon ng kaalaman tungkol sa mga kalamidad, tumanggap si Joseph ng isang paghahayag noong Araw ng Pasko. Sinabi sa kanya ng Panginoon na darating ang panahon kung kailan ang South Carolina at iba pang mga estado sa timog ay maghihimagsik laban sa buong bansa. Ang mga rebeldeng estado ay hihingi ng tulong sa iba pang bansa, at ang mga inaliping mamamayan ay maghihimagsik laban sa kanilang mga panginoon. Ang digmaan at kapinsalaang dulot ng kalikasan ay bubuhos sa lahat ng bansa, maglalaganap ng pagdurusa at kamatayan sa buong mundo.
Ang paghahayag na ito ay isang mapanglaw na paalala na ang mga Banal ay hindi na dapat iantala ang pagtatayo ng Sion at ng templo. Kailangan na nilang maghanda ngayon kung umaasa silang maiwasan ang darating na pagkawasak.
“Tumayo kayo sa mga banal na lugar,” himok ng Panginoon. “at huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating.”13
Dalawang araw pagkatapos matanggap ang paghahayag tungkol sa digmaan, nakipagpulong si Joseph sa mga lider ng simbahan sa tindahan ni Newel Whitney. Naniniwala siya na ang mga Banal sa Missouri ay mas nagiging mapamintas sa kanyang pamumuno. Kung hindi sila magsisisi at ibabalik ang kaayusan sa simbahan, natatakot siya, na maaaring mawala sa kanila ang kanilang mga mana sa Sion at mawala ang kanilang pagkakataong itayo ang templo.14
Matapos ang pulong, hiniling ni Joseph sa mga lider ng simbahan na manalangin upang malaman ang kalooban ng Diyos para sa pagtatayo ng Sion. Yumuko ang mga lalaki at nagdasal, bawat isa ay nagpapahayag ng kanyang kagustuhang sundin ang mga utos ng Diyos. Pagkatapos ay tumanggap si Joseph ng paghahayag habang si Frederick Williams, ang kanyang bagong tagasulat, ay isinulat ito.15
Ito ay isang mensahe ng kapayapaan para sa mga Banal, na hinihimok silang maging banal. “Pabanalin ang inyong sarili,” utos ng Panginoon, “upang ang inyong mga isipan ay matuon sa Diyos.” Sa kanilang pagkamangha, inatasan Niya sila na magtayo ng templo sa Kirtland at maghandang tanggapin ang Kanyang kaluwalhatian.
“Isaayos ang inyong sarili,” sabi ng Panginoon. “Ihanda ang bawat kinakailangang bagay; at magtayo ng isang bahay, maging isang bahay ng panalanginan, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng pagkakatuto, isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos.”
Pinayuhan din sila ng Panginoon na magbukas ng isang paaralan. “At yayamang lahat ay walang pananampalataya,” pahayag Niya, “masigasig na maghanap at turuan ang bawat isa ng mga salita ng karunungan; oo, maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.”16
Nagpadala si Joseph ng isang sipi ng paghahayag kay William Phelps sa Missouri, na tinatawag itong “dahon ng olibo” at “ang mensahe ng Panginoon ng kapayapaan” sa mga Banal sa Kirtland. Nagbabala siya sa mga Banal sa Sion na kung hindi nila pababanalin ang kanilang sarili ayon sa utos ng Panginoon, pipili Siya ng iba na magtatayo ng Kanyang templo.
“Pakinggan ang tinig ng babala ng Diyos, at kung hindi ay magugunaw ang Sion,” pagsumamo ni Joseph. “Ang mga kapatid sa Kirtland ay nagdarasal para sa inyo nang walang humpay, batid ang nakatatakot na galit ng Panginoon, sila ay labis na natatakot para sa inyo.”17
Noong Enero 22, 1833, binuksan ni Joseph at ng mga Banal sa Kirtland ang Paaralan ng mga Propeta sa tindahan ng mga Whitney. Isa sa mga clerk ni Joseph, si Orson Hyde, ay itinalagang magturo sa klase. Katulad ni Joseph at ng maraming pang mag-aaral, ginugol ni Orson ang kanyang pagkabata sa pagtatrabaho kaysa pagpasok sa paaralan. Isa siyang ulila, at ang kanyang tagapag-alaga ay pinayagan lang siya na makapag-aral tuwing taglamig, matapos ang anihan at bago ang susunod na pagtatanim. Gayunman, si Orson ay may matalas na memorya at mabilis matuto, at dumalo siya sa isang kalapit na akademya sa kanyang pagtanda.18
Sa Paaralan ng mga Propeta, tinuruan ni Orson ang mga lalaki ng mga espirituwal na aralin bukod pa sa kasaysayan, gramatika, at matematika, tulad ng iniutos ng Panginoon.19 Ang mga dumalo sa kanyang klase ay hindi lamang mga mag-aaral. Tinawag nila ang isa’t isa na kapatid at nangagpanata sa isang tipan ng pakikisama.20 Sama-sama silang nag-aral, nagtalakayan, at nanalangin bilang isang grupo.21
Isang araw, inanyayahan ni Joseph si Orson at iba pa sa klase na alisin ang kanilang sapatos. Sumusunod sa halimbawa ni Cristo, lumuhod si Joseph sa harapan ng bawat isa sa kanila at hinugasan ang kanilang mga paa.
Nang matapos siya, sinabi niya, “Tulad ng ginawa ko, gayon ang gawin ninyo.” Hiniling niya sa kanila na paglingkuran ang isa’t isa at panatilihing malinis ang kanilang mga sarili mula sa mga kasalanan ng sanlibutan.22
Habang nagsesesyon ang Paaralan ng mga Propeta, pinanood ni Emma ang mga mag-aaral na dumating at umakyat sa hagdan patungo sa maliit at siksikang silid kung saan sila nagtitipon. Ang ilang kalalakihan ay dumarating sa paaralan na bagong ligo at maayos ang bihis bilang paggalang sa banal na katangian ng paaralan. Ilan din sa kanila ang hindi kumain ng almusal upang makapunta sa pulong na nag-aayuno.23
Nang matapos ang klase at lumisan ang mga lalaki para sa araw na iyon, si Emma at ilang kabataang babae na inupahan ay nililinis ang silid-aralan. Dahil sa gumagamit ang mga lalaki ng mga pipa at ngumunguya ng tabako tuwing may klase, ang silid ay mausok at ang sahig ay puno ng dura mula sa tabako kapag umaalis na sila. Buong-lakas na magkukuskos si Emma, ngunit nanatili pa rin ang mga dungis ng tabako sa sahig.24
Nagreklamo siya kay Joseph tungkol sa duming ito. Hindi karaniwang gumagamit ng tabako si Joseph, pero hinahayaan lamang niya iyon kapag ginagamit ng ibang mga lalaki. Ang mga reklamo ni Emma, gayunman, ay dahilan upang kanyang itanong kung ang paggamit ng tabako ay tama ba sa paningin ng Diyos.
Hindi nag-iisa si Emma sa kanyang mga pag-aalala. Ang mga reformer sa Estados Unidos at sa ibang mga bansa sa buong mundo ay itinuturing ang paninilgarilyo at pagnguya ng tabako, maging ang pag-inom ng alak, na maruruming gawi. Ngunit naniniwala ang ilang doktor na ang tabako ay maaaring makagamot ng mga karamdaman. Ang mga katulad na pahayag ay ibinigay tungkol sa pag-inom ng alak at maiinit na inumin tulad ng kape at tsaa, na saganang iniinom ng mga tao.25
Nang idinulog ni Joseph sa Panginoon ang bagay na ito, tumanggap siya ng paghahayag—isang “salita ng karunungan para sa kapakinabangan ng mga Banal sa mga huling araw.”26 Dito, nagbabala ang Panginoon laban sa pag-inom ng alak, ipinapahayag na ang dalisay na alak ay para sa paghuhugas ng kanilang mga katawan habang ang alak naman ay para sa mga okasyon tulad ng sakramento. Binalaan din Niya sila laban sa tabako at maiinit na inumin.
Binigyang-diin ng Panginoon ang malusog na pagkain, hinihikayat ang mga Banal na kumain ng mga butil, gulay at prutas at kaunting karne lamang ang kakainin. Nangako siya ng mga pagpapala ng kalusugan, kaalaman at lakas sa mga taong pumiling sumunod.27
Ang paghahayag ay ibinigay hindi bilang utos kundi isang babala. Maraming tao ang mahihirapang talikuran ang paggamit ng matatapang na sangkap na ito, at hindi ipinilit ni Joseph ang mahigpit na pagsunod. Patuloy siyang umiinom ng alak paminsan-minsan, at siya at si Emma ay minsanang umiinom ng kape at tsaa.28
Gayunpaman, matapos basahin ni Joseph ang mga salita sa Paaralan ng mga Propeta, ang mga kalalakihan sa silid ay inihagis sa apoy ang kanilang mga pipa at mga tabako upang ipakita ang kanilang kahandaang sundin ang payo ng Panginoon.29
Ang unang sesyon ng Paaralan ng mga Propeta ay nagtapos noong Marso, at ang mga miyembro nito ay nagsikalat upang maglingkod sa mga misyon o iba pang mga tungkulin.30 Samantala, nagsikap ang mga lider ng simbahan sa Kirtland na bumili ng pagawaan ng ladrilyo at mangalap ng pondo sa pagtatayo ng templo.31
Sa panahong ito, tumanggap ng liham si Joseph mula sa Missouri. Matapos basahin ang paghahayag natinatawag na “dahon ng olibo,” si Edward at ang iba pa ay hinikayat ang mga Banal na magsisi at makipag-ayos sa simbahan sa Kirtland. Nagbunga ang kanilang mga pagsisikap, at ngayon ay hiniling nila kay Joseph na patawarin sila.32
Handang talikuran ang mga hindi pagkakaunawaan, naghanap ng mga paraan si Joseph upang matupad ang mga utos ng Panginoon para sa Sion. Noong Hunyo, nagdasal siya kasama sina Sidney Rigdon at Frederick Williams upang matutong magtayo ng templo. Habang sila ay nagdarasal, nakakita sila ng isang pangitain ng templo at sinuri ang labas nito, binibigyang-pansin ang istruktura ng mga bintana, bubong, at tore nito. Ang templo ay tila gumagalaw sa ibabaw nila, at nakita nila ang kanilang sarili na nasa loob nito, sinisiyasat ang mga panloob na bulwagan nito.33
Matapos ang kanilang pangitain, iginuhit ng mga lalaki ang plano para sa mga templo sa Kirtland at Independence. Sa labas, ang mga gusali ay magmumukhang malalaking simbahan, ngunit sa loob ay mayroon silang dalawang maluluwang na silid para sa mga pagpupulong, ang isa sa itaas na palapag at ang isa sa ibaba, kung saan ang mga Banal ay maaaring magpulong at matuto.34
Pagkatapos ay nagtuon si Joseph sa pagtulong sa mga Banal sa Sion na gumawa ng isang lunsod sa kanilang pamayanan, na dumoble ang laki mula nang huli siyang bumisita sa kanila.35 Sa tulong nina Frederick at Sidney, bumuo siya ng mga plano para sa isang lunsod na may sukat na isang milya kuwadrado. Mahaba at tuwid ang mga lansangan na isinaayos na parang isang malaking grid sa mapa, na may mga bahay na yari sa ladrilyo at bato na itinakda sa malalawak na lote na may mga kakahuyan sa harapan at may espasyo para sa hardin sa likuran.
Ang lupain ay hahatiin sa mga lote na may laking kalahating acre ang bawat isa, para sa kapwa mayayaman at mahihirap. Ang mga magsasaka ay maninirahan sa lunsod at magtatrabaho sa mga bukirin sa labas ng bayan. At sa gitna ng lunsod ay ang templo at iba pang mga sagradong gusali na inilaan para sa pagsamba, edukasyon, administrasyon, at pangangalaga sa mga maralita. Ang bawat pampublikong gusali ay uukitan ng mga salitang “Kabanalan sa Panginoon.”36
May puwang sa lunsod para sa labinlimang libong tao, kung saan ito ay higit na mas maliit kaysa sa Lunsod ng New York, ngunit isa pa rin sa pinakamalalaking lunsod sa bansa. Kapag napuno ang buong lunsod, maaari nang kopyahin nang paulit-ulit ang plano, hanggang sa lahat ng Banal ay magkaroon ng mana sa Sion. “Itulad ang iba sa gayunding paraan,” iniatas ni Joseph, “at sa gayon pupunuin ang mundo sa mga huling araw.”37
Noong Hunyo 1833, ipinadala nina Joseph, Sidney, at Frederick ang plano para sa lunsod mula sa Kirtland patungo sa Independence, kasama ang detalyadong mga tagubilin kung paano itatayo ang templo.
“Nagsimula tayong magtayo ng Bahay ng Panginoon sa lugar na ito, at ito ay mabilis na magpapatuloy,” ulat nila sa liham na nakalakip sa mga plano. “Araw at gabi, magdarasal tayo para sa kaligtasan ng Sion.”38