“Huwag Mo Akong Itakwil,” kabanata 20 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 20: “Huwag Mo Akong Itakwil”
Kabanata 20
Huwag Mo Akong Itakwil
Noong tag-init ng 1835, habang ang mga apostol ay nagmisyon sa mga estado sa silangan at sa Canada, nagtulungan ang mga Banal na matapos ang templo at maghanda para sa pagkakaloob ng kapangyarihan. Ligtas sa karahasan at kawalan na dinanas ng mga Banal sa Missouri, ang Kirtland ay lumago at espirituwal na umunlad habang ang mga bagong binyag ay nagtipon sa bayan at tumulong sa gawain ng Panginoon.1
Noong Hulyo, isang karatula ang lumitaw na nagpapatalastas ng “Egyptian Antiquities” sa bayan. Nagkuwento ito tungkol sa pagkakatuklas sa daan-daang mummy sa isang libingan sa Egipto. Ang ilang sa mga mummy, gayundin ang ilang sinaunang papyrus scroll, ay ipinakita sa lahat ng dako ng Estados Unidos, na umaakit ng maraming taong manonood.2
Si Michael Chandler, ang lalaki na nagtatanghal ng mga artifact na ito, ay narinig ang tungkol kay Joseph, at tumungo sa Kirtland upang makita kung gusto niyang bilhin ang mga ito.3 Sinuri ni Joseph ang mga mummy, ngunit mas interesado siya sa mga scroll. Puno ang mga ito ng kakaibang mga sulatin at larawan ng mga tao, bangka, ibon, at ahas.4
Pinahintulutan ni Chandler ang propeta na iuwi mga scroll at pag-aralan ang mga ito nang buong magdamag. Alam ni Joseph na ang Egipto ay nagkaroon ng mahalagang papel sa buhay ng maraming propeta sa Biblia. Alam din niya na sina Nephi, Mormon, at iba pang mga manunulat ng Aklat ni Mormon ay itinala ang kanilang mga salita sa tinatawag ni Moroni na “binagong wikang Egipto.”5
Habang sinusuri niya ang mga nakasulat sa mga scroll, napagtanto niya na ang mga ito ay naglalaman ng mahahalagang turo mula sa mga patriyarka ng Lumang Tipan na si Abraham. Kinabukasan nang nakipagkita kay Chandler, tinanong ni Joseph kung magkano ang nais niya para sa mga scroll.6 Sinabi ni Chandler ipagbibili lamang niya nang magkasama ang mga scroll at mummy sa halagang $2,400.7
Ang presyo ay higit pa sa kaya ni Joseph. Nahihirapan pa rin ang mga Banal na tapusin ang templo sa limitadong pondo, at iilang tao sa Kirtland ang may pera para ipahiram sa kanya. Ngunit naniwala si Joseph na sulit ang presyo ng mga scroll, at siya at ang iba pa ay mabilis na tinipon ang sapat na pera upang mabili ang mga artifact.8
Lumaganap ang kasabikan sa simbahan habang si Joseph at ang kanyang mga tagasulat ay nagsimulang alamin ang kahulugan ng mga sinaunang simbolo, tiwala na agad na ipakikita ng Panginoon ang karagdagan sa mga mensahe nito sa mga Banal.9
Kapag hindi pinag-aaralan ni Joseph ang mga scroll, inilalagay niya ang mga ito at ang mga mummy sa isang pagtatanghal para sa mga bisita. Nagkaroon si Emma ng malaking interes sa mga artifact at maingat na nakinig habang ipinaliliwanag ni Joseph ang kanyang pang-unawa sa mga sulatin ni Abraham. Kapag hinihiling ng mga mausisang tao na makita ang mga mummy, madalas na siya mismo ang nagpapakita ng mga ito sa kanila, ibinabahagi ang naituro ni Joseph sa kanya.10
Ito ay isang kapana-panabik na panahon para tumira sa Kirtland. Habang ang mga kritiko ng simbahan ay tinutugis pa rin ang mga Banal, at patuloy na nililigalig ng mga utang sina Joseph at Sidney, nakikita ni Emma ang pagpapala ng Panginoon sa kanyang paligid. Natapos ng mga manggagawa sa templo ang bubong noong Hulyo at kaagad sinimulan ang pagtatayo ng isang mataas na tore.11 Sina Joseph at Sidney ay nagsimulang magdaos ng mga pulong sa Sabbath sa hindi pa natatapos na gusali, na kung minsan ay umaakit ng mga isang libong katao sa loob nito upang marinig silang mangaral.12
Nakatira na ngayon sina Emma at Joseph sa isang bahay na malapit sa templo, at mula sa kanyang bakuran ay nakikita ni Emma sina Artemus Millet at Joseph Young na tinatakpan ang panlabas na pader ng templo ng isang asul at kulay-abong estuko, na kanilang ginuguhitan upang magmukhang hiniwang bloke ng bato.13 Sa ilalim ng pamamahala ni Artemus, ang mga bata ay tumulong mangolekta ng mga piraso ng basag na salamin at mga babasagin upang durugin sa maliliit na piraso at ihalo sa estuko. Sa ilalim ng sikat ng araw, pinakikinang ng mga bubog ang templo na tulad ng mga pagkinang ng brilyante habang sinisinagan sila ng liwanag.14
Palaging abala sa bahay ni Emma. Maraming tao ang nakikitira sa mga Smith, kabilang na ang ilang mga lalaking nagpapatakbo ng bagong palimbagan ng simbahan. Bukod sa paglilimbag ng bagong pahayagan ng simbahan, ang Latter Day Saints’ Messenger and Advocate, ang mga lalaking ito ay nagtrabaho sa ilan pang mga proyekto, kabilang ang himnaryo na natipon ni Emma sa tulong ni William Phelps.15
Kasama sa aklat ni Emma ang mga bagong himno ng mga Banal at mas naunang mga gawa mula sa ibang mga simbahang Kristiyano. Isinulat ni William ang ilan sa mga bagong himno, pati na rin ni Parley Pratt at ng isang bagong binyag na si Eliza Snow. Ang pangwakas na himno ay ang himno ni William na “The Spirit of God like a Fire Is Burning [Espiritu ng Diyos],” isang awit ng pagpupuri sa Diyos para sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo.
Alam ni Emma na ang mga palimbagan ay naglalathala rin ng isang bagong koleksyon ng mga paghahayag na tinatawag na Doktrina at mga Tipan. Tinipon sa ilalim ng pamamahala nina Joseph at Oliver, ang Doktrina at mga Tipan ay isang kumbinasyon ng mga paghahayag mula sa di-nailathalang Book of Commandments at mga mas bagong paghahayag, kasama ang isang serye ng mga turo tungkol sa pananampalataya na ibinigay ng mga lider ng simbahan sa mga elder.16 Tinanggap ng mga Banal ang Doktrina at mga Tipan bilang isang gawang banal na kasulatan, na kasinghalaga ng Biblia at Aklat ni Mormon.17
Noong taglagas na iyon, habang ang mga proyektong ito ay malapit nang matapos, dumating sa Kirtland ang mga lider ng simbahan sa Missouri upang maghanda para sa paglalaan ng templo at sa pagkakaloob ng kapangyarihan. Noong Oktubre 29, sina Emma at Joseph ay nagdaos ng hapunan bilang parangal kay Edward Partridge at sa iba pang dumating. Habang lahat sila ay nagalak sa pagkakaisa na kanilang nadarama, sinabi ni Newel Whitney kay Edward na umaasa siya na makasalo ito sa susunod na taon sa Sion.
Nakatingin sa kanyang mga kaibigan, sinabi ni Emma na umaasa siya na lahat ng nasa hapag ay makasama rin nila sa lupang pangako.
“Amen,” sabi ni Joseph. “Nawa’y loobin ito ng Diyos.”18
Matapos ang hapunan, dumalo sina Joseph at Emma sa isang pulong ng high council ng Kirtland. Ang nakababatang kapatid ni Joseph na si William ay inakusahan ang isang babae sa simbahan ng pisikal na pang-aabuso sa anak na babae ng kanyang asawa sa unang asawa nito. Kabilang sa mga saksi na nagsasalita sa kaso ay si Lucy Smith, ang ina nina Joseph at William. Sa kanyang patotoo, pinatigil siya ni Joseph nang nagsimula siyang magsalita tungkol sa isang bagay na narinig at nalutas na ng council.19
Biglang napatayo, inakusahan ni William si Joseph ng pag-aalinlangan sa mga salita ng kanilang ina. Tumingin si Joseph sa kanyang kapatid at sinabi sa kanya na umupo. Hindi siya pinansin ni William at nanatiling nakatayo.
“Maupo ka,” inulit ni Joseph, sinisikap manatiling mahinahon.
Sinabi ni William na hindi siya mauupo kung hindi siya susuntukin ni Joseph.
Nababalisa, pumihit si Joseph upang umalis sa silid, ngunit pinigilan siya ng kanyang ama at hiniling sa kanya na manatili. Tinawag ni Joseph ang konseho na magsiayos at tinapos ang pagdinig. Sa pagtatapos ng pulong, napanatag siya nang sapat para magalang na makapagpaalam kay William.
Ngunit nanggagalaiti pa rin si William, naniniwala pa rin na mali si Joseph.20
Sa halos parehong oras, si Hyrum Smith at ang kanyang asawang si Jerusha, ay inupahan si Lydia Bailey, isang dalawampu’t dalawang-taong gulang na bagong binyag, na tumulong sa kanilang paupahan. Bininyagan ni Joseph si Lydia dalawang taon na ang nakararaan noong siya at si Sidney ay nasa isang maikling misyon sa Canada.21 Lumipat sa Kirtland si Lydia kalaunan, at nangako sina Hyrum at Jerusha na aalagaan siya bilang isang kapamilya.
Naging abala sa gawain si Lydia. Dahil may mga lider ng simbahan mula sa Missouri na nasa bayan na naghahanda sa paglalaan ng templo, sila ni Jerusha ay palaging nagluluto ng mga pagkain, nag-aayos ng mga kama, at naglilinis ng bahay. Halos wala siyang oras na makausap ang mga nangungupahan, subalit si Newel Knight, isang matagal nang kaibigan ng mga Smith, ay nakaakit sa kanyang pansin.22
“Si Brother Knight ay isang biyudo,” sabi sa kanya ni Jerusha isang araw habang sila ay nagtatrabaho.
“Ah,” sabi ni Lydia, nagkukunwaring hindi interesado.
“Pumanaw ang kanyang asawa noong nakaraang taglagas,” sabi ni Jerusha. “Halos nadurog ang kanyang puso.”
Ang pagkarinig ng tungkol sa kawalan ni Newel ay dahilan para maalala ni Lydia ang kanyang sariling pinagdaanan.23 Noong siya ay labing-anim na taong gulang, ikinasal siya sa isang binatang nagngangalang Calvin Bailey. Pagkatapos ng kanilang kasal, naging malakas uminom si Calvin at kung minsan ay sinasaktan siya at ang kanilang anak na babae.
Hindi nagtagal, nawala sa kanila ang kanilang bukirin dahil sa pag-inom ni Calvin, kung kaya’t napilitan silang umupa ng mas maliit na bahay. Nagsilang si Lydia doon ng isang anak na lalaki, pero ang sanggol ay nabuhay lamang ng isang araw. Kasunod nito ay iniwan ni Calvin si Lydia, at si Lydia at ang kanyang anak ay bumalik sa bahay ng kanyang mga magulang.
Tila naging mas mabuti ang buhay niya, ngunit pagkatapos ay nagkasakit ang kanyang anak. Nang mamatay ito, tila ba ang natitirang kaligayahan ni Lydia ay namatay rin. Upang tulungan siyang makayanan ang kawalan, pinapunta siya ng kanyang mga magulang sa mga kaibigan sa Canada. Doon ay narinig niya ang ebanghelyo at nabinyagan, at mula noon, naging mas masaya at mas puno ng pag-asa ang kanyang buhay. Ngunit siya ay malungkot at nananabik na may makatuwang.24
Isang araw, lumapit si Newel sa kanya sa silid sa itaas ng bahay ng mga Smith. “Palagay ko ang iyong sitwasyon, at gayundin sa akin, ay pawang malungkot,” sabi nito, sabay hawak sa kanyang kamay. “Marahil maaari nating maging katuwang ang isa’t isa.”25
Tahimik sa kanyang pagkakaupo si Lydia. “Siguro ay alam mo ang tungkol sa sitwasyon ko,” malungkot niyang sinabi. “Wala ako kahit na katiting na alam kung nasaan ang aking asawa, o kung siya man ay buhay o patay na.” Kapag walang diborsyo mula kay Calvin, hindi niya maramdaman na maaari siyang magpakasal kay Newel.
“Mas nanaisin kong isakripisyo ang bawat damdamin ko, at maging ang buhay ko,” sinabi niya rito bago siya umalis ng silid, “kaysa humakbang mula sa kabanalan o saktan ang aking Ama sa Langit.”26
Isang araw matapos makipagtalo sa kanyang kapatid, tumanggap si Joseph ng liham mula sa kanya. Nagalit si William dahil sinisi siya ng high council, at hindi si Joseph, dahil sa naging pagtatalo. Naniniwala na siya ay tama para pagalitan si Joseph sa harapan ng high council, iginiit niya na kausapin nang sarilinan si Joseph upang ipagtanggol ang kanyang mga ikinilos.27
Pumayag si Joseph na makipag-usap kay William, ipinahihiwatig na bawat isa sa kanila ay ibahagi ang kanilang bersyon ng nangyari, kilalanin ang kanilang mga kamalian, at humingi ng paumanhin para sa anumang maling nagawa. Dahil si Hyrum ay may mapanatag na impluwensya sa pamilya, inanyayahan siya ni Joseph na sumama sa kanila at gumawa ng isang makatarungang paghuhukom sa kung sino ang may kasalanan.28
Nagpunta si William sa bahay ni Joseph nang sumunod na araw, at ang magkapatid ay nagpalitan ng paliwanag tungkol sa pagtatalo. Sinabi ni Joseph na siya ay naghinanakit nang si William ay nagsalita nang wala sa lugar sa harapan ng council at hindi iginagalang ang kanyang tungkulin bilang pangulo ng simbahan. Ikinaila ni William na naging walang galang siya at iginiit na si Joseph ang mali.
Maingat na nakinig si Hyrum sa kanyang mga kapatid. Nang matapos sila, nagsimula siyang magbigay ng kanyang opinyon, ngunit sumabad si William, inaakusahan siya at si Joseph na ibinubunton ang lahat ng sisi sa kanya. Sinubukan nina Joseph at Hyrum na pakalmahin siya, ngunit dali-dali siyang lumabas ng bahay. Kalaunan sa araw ring iyon, ipinadala niya kay Joseph ang kanyang lisensya sa pangangaral.
Hindi nagtagal ay nalaman ng buong Kirtland ang tungkol sa pagtatalo. Hinati nito ang karaniwa’y buong pamilya ng Smith, nagtalu-talo ang mga kapatid ni Joseph laban sa isa’t isa. Nag-alala na gamitin ng mga bumabatikos sa kanya at sa simbahan ang alitang ito, pinili ni Joseph na lumayo kay William, umaasang huhupa ang galit ng kanyang kapatid.29
Subalit patuloy na inaaway ni William si Joseph sa mga unang linggo ng Nobyembre, at di nagtagal ilan sa mga Banal ang pumanig na rin. Kinondena ng mga apostol ang pag-uugali ni William at nagbanta na palalayasin siya mula sa Korum ng Labindalawa. Si Joseph, gayunman, ay tumanggap ng paghahayag na nananawagan sa kanila na magpasensya kay William.30
Pinanonood ang mga paghahati na nagaganap sa kanyang paligid, nagsimulang malungkot si Joseph. Noong tag-init na iyon, nagtrabaho nang magkakasama ang mga Banal nang may layunin at kabutihang-loob, at pinagpala sila ng Panginoon sa pamamagitan ng mga talaan ng Egipto at malaking pagsulong sa templo.
Ngunit ngayon, bagama’t ang pagkakaloob ng kapangyarihan ay halos abot-kamay na nila, hindi nila magawang magkaisa sa puso’t isipan.31
Sa kabuuan ng taglagas ng 1835, nanatiling determinado si Newel Knight na pakasalan si Lydia Bailey. Naniniwalang ang batas sa Ohio ay pinapayagan ang mga kababaihan na inabandona ng kanilang mga asawa na mag-asawang muli, hinikayat niya si Lydia na talikuran ang kanyang nakaraan. Ngunit maski na gusto ni Lydia na pakasalan si Newel, kailangan niyang malaman na ito ay tama sa paningin ng Diyos.
Nag-ayuno si Newel at nanalangin sa loob ng tatlong araw. Sa ikatlong araw, hiniling niya kay Hyrum na alamin mula kay Joseph kung tama lang na pakasalan si Lydia. Pumayag si Hyrum na kausapin ang kanyang kapatid, at naiwan si Newel na magtrabaho sa templo na walang laman ang tiyan.
Nagtatrabaho pa rin si Newel nang lumapit sa kanya si Hyrum kinahapunan. Sinabi sa kanya ni Hyrum na nagtanong sa Panginoon si Joseph at nakatanggap ng sagot na dapat magpakasal sina Lydia at Newel. “Mas maaga silang magpakasal, mas mabuti,” sinabi ni Joseph. “Sabihin mong walang batas na makasasakit sa kanila. Hindi nila kailangang matakot sa batas ng Diyos o kaya’y sa tao.”
Tuwang-tuwa si Newel. Ibinaba ang kanyang mga gamit, tumakbo siya sa paupahan at sinabi kay Lydia ang sinabi ni Joseph. Lubos na natuwa si Lydia, at siya at si Newel ay nagpasalamat sa Diyos dahil sa Kanyang kabutihan. Inalok siya ni Newel ng kasal, at tinanggap niya ito. Pagkatapos ay nagmadali [si Newel] sa hapag-kainan upang ihinto ang kanyang pag-aayuno.
Pumayag sina Hyrum at Jerusha na pangunahan ang pagdaos ng kasal kinabukasan. Nais nina Lydia at Newel na si Joseph ang magsagawa ng seremonya, ngunit alam nila na hindi pa siya nakakapagkasal at hindi rin nila alam kung siya ay may legal na awtoridad na gawin ito.
Kinabukasan, gayunpaman, habang inaanyayahan ni Hyrum ang mga panauhin sa seremonya, sinabi niya kay Joseph na naghahanap pa rin siya ng magkakasal sa dalawa. “Tama na!” Sigaw ni Joseph. “Ako mismo ang magkakasal sa kanila!”
Pinapayagan ng batas ng Ohio ang mga ministro ng mga pormal na inorganisang simbahan na magkasal sa dalawang tao.32 Higit sa lahat, naniwala si Joseph na ang kanyang katungkulan sa Melchizedek Priesthood ay nagbibigay sa kanya ng banal na awtoridad na magsagawa ng mga kasal. “Ang Panginoong Diyos ng Israel ay binigyan ako ng karapatan upang pag-isahin ang mga tao sa mga banal na bigkis ng kasal,” pahayag niya, “at mula sa panahong ito ay gagamitin ko ang pribilehiyong iyan.”
Malugod na tinanggap nina Hyrum at Jerusha ang mga panauhin sa kasal sa kanilang bahay sa isang napakalamig na gabi noong Nobyembre. Ang aroma ng handa sa kasal ay pinuno ang silid habang ang mga Banal ay nanalangin at umawit upang ipagdiwang ang okasyon. Tumayo si Joseph at hiniling kina Lydia at Newel na samahan siya sa harap ng silid at hawakan ang kamay ng isa’t isa. Ipinaliwanag niya na ang kasal ay pinasimulan ng Diyos sa Halamanan ng Eden at dapat isagawa sa pamamagitan ng walang hanggang priesthood.
Bumaling kina Lydia at Newel, hinayaan niya silang makipagtipan na sasamahan ang isa’t isa sa buhay na ito bilang mag-asawa. Idineklara niya na sila ay mag-asawa na at hinikayat silang magsimula ng pamilya, binasbasan sila ng mahabang buhay at kasaganaan.33
Ang kasal nina Lydia at Newel ay isang maliwanag na yugto sa isang mahirap na taglamig para kay Joseph. Mula noong magkaroon sila ng di-pagkakaunawaan ni William, hindi niya magawang tumuon sa mga scroll mula sa Egipto o sa paghahanda sa mga Banal para sa pagkakaloob ng kapangyarihan. Tinangka niyang mamuno nang masaya, sumusunod sa Espiritu ng Panginoon. Subalit ang kaguluhan sa loob ng kanyang pamilya at mga pasanin ng pamumuno sa simbahan ay lubhang nakakapagod, at kung minsan ay nakakapagsalita siya nang marahas sa tao kapag nagkakamali ang mga ito.34
Noong Disyembre, sinimulan ni William na magdaos ng isang impormal na grupo ng debate sa kanyang bahay. Umaasa na ang mga debate ay makapagbibigay ng pagkakataon para sa pagkatuto at pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu, nagpasiya si Joseph na makilahok. Maayos ang unang dalawang pulong ng grupo, ngunit sa ikatlong pagtitipon, ang kondisyon ay naging tensyonado nang ginambala ni William ang isa pang apostol sa gitna ng debate.
Ang paggambala ni William ay nagtulot sa ilang tao na magtanong kung dapat pa bang magpatuloy ang grupo. Nagalit si William at nagkaroon ng pagtatalo. Namagitan si Joseph, at hindi nagtagal siya at si William ay nagpapalitan na ng mga insulto.35 Sinikap payapain ni Joseph Sr. ang kanyang mga anak, ngunit ang hindi sumunod ang mga ito, at sinugod ni William ang kanyang kapatid.
Nagkakandahirap na ipagtanggol ang kanyang sarili, sinubukan ni Joseph na hubarin ang kanyang kapote, ngunit sumabit sa mga manggas ang kanyang mga braso. Paulit-ulit na nagpakawala ng malalakas na suntok si William, na nagpalubha ng pinsala na natanggap ni Joseph noong siya ay binuhusan ng alkitran at balahibo. Nang ang ilan sa mga lalaki ay nahilang palayo si William, nakahandusay na si Joseph sa sahig, halos hindi na makagalaw.36
Ilang araw pagkatapos, habang nagpapagaling siya mula sa labanan, nakatanggap si Joseph ng mensahe mula sa kanyang kapatid. “Pakiramdam ko ay parang isang tungkulin ang gumawa ng isang mapagpakumbabang pagtatapat,” sabi ni William. Natatakot na siya ay hindi karapat-dapat sa kanyang pagkakahirang, hiniling niya kay Joseph na alisin siya mula sa Korum ng Labindalawa.37
“Huwag mo akong itakwil dahil sa aking nagawa, subalit sikapin mong iligtas ako,” kanyang pagsusumamo. “Nagsisisi ako sa nagawa ko sa iyo.”38
Tumugon si Joseph sa liham, nagpahayag ng pag-asa na maaari silang magkasundo muli. “Nawa’y alisin ng Diyos ang poot mula sa pagitan mo at sa akin,” pahayag niya, “at nawa’y manumbalik ang lahat ng pagpapala, at malimutan ang nakaraan magpakailanman.”39
Sa unang araw ng bagong taon, humarap ang magkapatid sa kanilang Ama at kay Hyrum. Nanalangin si Joseph Sr. para sa kanyang mga anak at nagsumamo sa kanila na patawarin ang isa’t isa. Habang nagsasalita siya, nakita ni Joseph kung gaano nasaktan ang kanyang ama ng away nila ni William. Pinuno ng Espiritu ng Diyos ang silid, at lumambot ang puso ni Joseph. Mukha ring nagsisisi si William. Ipinagtapat niya ang kanyang kasalanan at huminging muli ng tawad mula kay Joseph.
Batid na siya ay may kasalanan din, humingi ng paumanhin si Joseph sa kanyang kapatid. Pagkatapos ay nakipagtipan sila na magsisikap na patatagin ang isa’t isa at lutasin sa kaamuan ang kanilang mga di-pagkakaunawaan.
Inanyayahan ni Joseph si Emma at ang kanyang ina sa silid, at inulit niya at ni William ang kanilang tipan. Dumaloy ang mga luha ng kagalakan sa kanilang mga mukha. Yumuko sila, at nanalangin si Joseph, nagpapasalamat na muling nagkaisa ang kanyang pamilya.40