Institute
21 Ang Espiritu ng Diyos


“Ang Espiritu ng Diyos,” kabanata 21 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 21: “Ang Espiritu ng Diyos”

Kabanata 21

Ang Espiritu ng Diyos

Mga Pulpito ng Kirtland Temple

Magtapos makipagkasundo sa kanyang kapatid, muling tumutok si Joseph sa pagtapos ng templo. Bagama’t simple kung ihahambing sa malalawak na mga katedral ng Europa, ang templo ay mas mataas at mas maringal kaysa sa karamihan sa mga gusali sa Ohio. Ang mga manlalakbay na patungong Kirtland ay madaling makikita ang makulay na tore ng kampana at makinang na pulang bubong na sumisilip sa itaas ng mga puno. Kamagha-mangha itong tingnan dahil sa mga maningning na mga pader na estuko, matingkad na mga berdeng pintuan, at patulis na mga bintanang may disenyong Gothic.1

Sa pagtatapos ng Enero 1836, ang loob ng templo ay halos tapos na, at inihahanda ni Joseph ang mga lider ng simbahan para sa pagkakaloob ng banal na kapangyarihan ng Panginoon na ipinangakong ibibigay sa kanila. Walang tiyak na nakaaalam kung ano ang kaloob o endowment, ngunit ipinaliwanag ni Joseph na ito ay darating matapos niyang isagawa ang simbolikong paghuhugas at pagpapahid ng langis na mga ordenansa sa mga lalaking maoorden sa priesthood, tulad nang hinugasan at pinahiran ng langis ni Moises ang mga saserdote ni Aaron sa Lumang Tipan.2

Nabasa rin ng mga Banal ang mga talata sa Bagong Tipan na nagbigay ng mga pananaw tungkol sa endowment. Pagkatapos ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, ipinayo ni Jesus sa Kanyang mga apostol na huwag umalis sa Jerusalem upang ipangaral ang ebanghelyo hanggang sa sila ay “papagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan.” Kalaunan, sa araw ng Pentecostes, ang mga apostol ni Jesus ay natanggap ang kapangyarihang ito nang ang Espiritu ay bumaba sa kanila tulad ng isang humahagibis na hangin na malakas, at sila ay nagsalita ng iba’t ibang wika.3

Habang naghahanda ang mga Banal para sa kanilang endowment, inasahan nila ang isang katulad na pagbuhos ng espiritu.

Noong hapon ng Enero 21, si Joseph, ang kanyang mga tagapayo, at ang kanyang ama ay umakyat sa hagdan sa isang silid sa itaas ng tanggapan ng palimbagan sa likod ng templo. Doon ang mga lalaki ay masimbolong hinugasan ang kanilang mga sarili gamit ang malinis na tubig at binasbasan ang bawat isa sa pangalan ng Panginoon. Matapos silang malinis, nagpunta sila sa katabing templo, kung saan sumama sila sa mga bishopric ng Kirtland at Sion, pinahiran ang ulo ng bawat isa ng inilaang langis, at binasbasan ang isa’t isa.

Nang pagkakataon na ni Joseph, ang kanyang ama ay pinahiran ang kanyang ulo at binasbasan siya na pamunuan ang simbahan bilang isang Moises sa mga huling araw, ipinahahayag sa kanya ang mga pagpapala nina Abraham, Isaac, at Jacob. Pagkatapos ay ipinatong ng mga tagapayo ni Joseph ang kanilang mga kamay sa kanyang ulo at binasbasan siya.4

Nang matapos ang mga lalaki sa ordenansa, ang kalangitan ay nabuksan at nakita ni Joseph ang isang pangitain tungkol sa hinaharap. Namasdan niya ang kahariang selestiyal, ang magandang tarangkahan nito na nagliliyab sa harapan niya na tulad ng isang bilog na apoy. Nakita niya ang Diyos Ama at si Jesucristo na nakaupo sa maluwalhating mga trono. Ang mga propeta ng Lumang Tipan na sina Adan at Abraham ay naroon din, kasama ang ina at ama ni Joseph at kanyang kuya Alvin.

Napaisip si Joseph nang makita ang kanyang kapatid. Pumanaw kaagad si Alvin pagkatapos ng unang pagbisita ni Moroni, at siya ay hindi na nagkaroon ng pagkakataong mabinyagan ng wastong awtoridad. Paano siya magmamana ng kaluwalhatiang selestiyal? Ayaw maniwala ng pamilya ni Joseph na si Alvin ay nasa impiyerno, tulad ng iminungkahi ng isang mangangaral, ngunit ang kanyang walang hanggang kapalaran ay nanatiling isang hiwaga sa kanila.

Habang namamangha si Joseph sa pagkakakita sa kanyang kapatid, narinig niya ang tinig ng Panginoon na nagsabing, “Lahat ng nangamatay na walang kaalaman sa ebanghelyong ito, na kanilang tatanggapin ito kung sila lamang ay pinahintulutang manatili, ay magiging mga tagapagmana ng kahariang selestiyal ng Diyos.”

Ipinaliwanag ng Panginoon na Siya ay maghahatol sa lahat ng tao ayon sa kanilang mga gawa at hangarin ng kanilang puso. Ang mga tao sa sitwasyon ni Alvin ay hindi mapapahamak sa kawalan ng oportunidad sa lupa. Itinuro din ng Panginoon na ang maliliit na bata na namatay bago sumapit sa edad ng pananagutan, tulad ng apat na sanggol na inilibing nina Joseph at Emma, ay maliligtas sa kahariang selestiyal.5

Nang matapos ang pangitain, si Joseph at ang kanyang mga tagapayo ay hinirang ang mga miyembro ng high council ng Kirtland at Sion, na mapanalanging naghihintay sa isa pang silid. Habang tinatanggap ng mga lalaki ang ordenansa, mas maraming pangitain ng langit ang inilahad sa harapan nila. Ang ilan ay nakakita ng mga anghel, at ang ilan ay namasdan ang mukha ni Cristo.

Puspos ng Espiritu, ang mga lalaki ay nagpropesiya ng mga bagay na darating at niluwalhati ang Diyos sa kahabaan ng gabi.6


Pagkaraan ng dalawang buwan, noong umaga ng Marso 27, 1836, nagsisiksikang nakaupo si Lydia Knight kasama ang iba pang mga Banal sa ibabang patyo ng templo. Sa kanyang paligid, nagsisiksikan ang mga tao habang ang mga gabay ay nagdaragdag ng mas maraming tao sa mahahabang upuan. Halos isang libong Banal na ang nasa silid, at mas marami pa ang sumisiksik sa harap ng mga pintuan, labis na umaasa na papapasukin sila ng mga bantay sa pintuan.7

Nakabisita na si Lydia sa templo nang ilang beses mula noong siya ay ikinasal kay Newel apat na buwan na ang nakararaan. Siya at si Newel ay paminsan-minsang nagpupunta roon para makinig ng sermon o pagtuturo.8 Ngunit kaiba ang pagbisitang ito. Ngayon ang mga Banal ay nagtipon upang ilaan ang templo sa Panginoon.

Mula sa kanyang kinauupuan, napapanood ni Lydia ang mga lider ng simbahan na pumunta sa kanilang lugar sa likod ng tatlong hilera ng upuan ng mga pulpito na inukit nang magagara sa magkabilang dulo ng silid. Sa harapan niya, sa dulong kanluran ng gusali, ay mga pulpito para sa Unang Panguluhan at iba pang mga lider sa Melchizedek Priesthood. Sa likod niya, kahilera ng silangang pader, ay mga pulpito para sa mga bishopric at mga lider ng Aaronic Priesthood. Bilang miyembro ng high council ng Missouri, si Newel ay nakaupo sa isang hilera ng mga dekahong upuan sa tabi ng mga pulpitong ito.

Habang hinihintay niyang magsimula ang paglalaan, nagawa ring hangaan ni Lydia ang magandang gawang kahoy sa mga pulpito at ang hilera ng matatangkad na haligi na nakatayo sa kahabaan ng silid. Maaga pa noong umagang iyon, at bumuhos ang sikat ng araw sa patyo sa pagitan ng matataas na bintana sa may gilid na mga pader. Sa itaas ay nakasabit ang malalaking kurtina, na maaaring ibaba sa pagitan ng mahahabang bangko upang hatiin ang lugar para maging mga pansamantalang silid.9

Nang ang mga gabay ay hindi na kayang magsiksik ng mga tao sa silid, tumayo si Joseph at humingi ng paumanhin sa mga taong hindi makahanap ng lugar na mauupuan. Iminungkahi niya na magdaos ng isang overflow meeting sa kalapit na silid-aralan sa unang palapag ng palimbagan.10

Pagkaraan ng ilang minuto, matapos maayos sa kanilang mga upuan ang kongregasyon, sinimulan ni Sidney ang pulong at nagsalita nang buong puwersa nang mahigit sa dalawang oras. Pagkatapos ng isang maikling pahinga, kung saan halos lahat sa kongregasyon ay nanatiling nakaupo, tumayo si Jospeh at nag-alay ng panalangin ng paglalaan, na inihanda niya sa tulong ni Oliver at Sidney noong isang araw.11

“Aming hinihiling sa inyo, O Panginoon, na tanggapin ang bahay na ito,” sabi ni Joseph, “ang gawa ng aming mga kamay, na inyong mga tagapaglingkod, na inyong ipinag-utos na aming gawin.” Hiniling niya na ang mga missionary ay makahayo na nasasandatahan ng kapangyarihan, upang ipalaganap ang ebanghelyo sa mga dulo ng mundo. Nanalangin siya para sa biyaya sa mga Banal sa Missouri, para sa mga lider ng mga bansa sa mundo, at para sa nakakalat na Israel.12

Isinamo rin niya sa Panginoon na pagkalooban ang mga Banal ng kapangyarihan. “Ibuklod ang pagkakahirang ng inyong mga mangangaral nang may kapangyarihan mula sa itaas,” sabi niya. “Ilagay sa inyong mga tagapaglingkod ang patotoo ng tipan, upang kapag sila ay hahayo at magpapahayag ng inyong salita ay maaari nilang pagtibayin ang batas, at ihanda ang mga puso ng inyong mga banal.” Hiniling niya na puspusin ng Panginoon ang templo ng Kanyang kaluwalhatian, gaya ng isang rumaragasang malakas na hangin na naranasan ng mga sinaunang apostol.13

“O pakinggan, O pakinggan, O pakinggan kami, O Panginoon,” pagsamo niya, “at sagutin ang mga kahilingang ito, at tanggapin ang paglalaan ng bahay na ito sa inyo.”14

Pagkasambit ni Joseph ng kanyang huling “amen”, inawit ng koro ang bagong himno ni William Phelps:

Ang Espiritu ng Diyos ay nag-aalab;

Ang kal’walhatian ngayon ay nagsisimula.

Mga pangitai’t biyaya’y nagbabalik;

At ang mga anghel sa lupa ay bumababa.15

Nadama ni Lydia na napuspos ng kaluwalhatian ng Diyos ang templo. Tumayo sa kanyang mga paa kasama ang iba pang mga Banal sa silid, nakiisa ang kanyang tinig nang sumigaw sila ng, “Hosana! Hosana! Hosana sa Diyos at sa Kordero!”16


Matapos ang paglalaan ng templo, nabalot ng pagpapatunay ng Espiritu at kapangyarihan ng Panginoon ang Kirtland. Noong gabi ng paglalaan, nakipagpulong si Joseph sa mga lider ng simbahan sa loob ng templo, at ang mga lalaki ay nagsimulang magsalita sa iba’t ibang wika, tulad ng ginawa ng mga apostol ng Tagapagligtas sa Pentecostes. Ilan sa mga nasa pulong ay nakita ang makalangit na apoy na nanahan sa mga nagsalita. Ang iba ay nakakita ng mga anghel. Sa labas, nakakita ang mga Banal ng maliwanag na ulap at haligi ng apoy na nanahan sa ibabaw ng templo.17

Noong Marso 30, nagkita si Joseph at kanyang mga tagapayo sa templo upang hugasan ang mga paa ng humigit-kumulang tatlong daang lider ng simbahan, kabilang na ang Labindalawa, ang Pitumpu, at iba pang lalaking tinawag para sa gawaing misyonero, tulad ng ginawa ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo bago ang Kanyang Pagpapako sa Krus. “Ito ay isang taon ng Jubilee sa atin at isang panahon ng pagsasaya,” pahayag ni Joseph. Ang mga lalaki ay nagpupunta sa templo na nag-aayuno, at hiniling niya sa ilan sa kanila na bumili ng tinapay at alak na gagamitin maya-maya. Iniatas niya sa iba na kumuha ng ilang batya ng tubig.

Unang hinugasan ni Joseph at ng kanyang mga tagapayo ang mga paa ng Korum ng Labindalawa, at pagkatapos ay hinugasan ang mga paa ng mga miyembro ng iba pang korum, binabasbasan sila sa ngalan ng Panginoon.18 Sa paglipas ng mga oras, binasbasan ng mga lalaki ang isa’t isa, nagpropesiya, at sumigaw ng mga hosana hanggang ang tinapay at alak ay dumating bago pa lumalim ang gabi.

Nagsalita si Joseph habang ang Labindalawa ay pinipiraso ang tinapay at nagbubuhos ng alak. Sinabi niya sa kanila na hindi maglalaon ang kanilang maikling pananatili sa Kirtland ay magtatapos na. Ibinibigay sa kanila ng Panginoon ang kapangyarihan at pagkatapos ay ipapadala sila sa mga misyon. “Humayo nang buong kahinahunan, pagtitimpi, at ipangaral si Jesucristo,” sabi niya. Iniutos niya sa kanila na iwasan ang pagtatalo sa relihiyon, hinihimok sila na manatiling tapat sa kanilang sariling paniniwala .

“[Kayo ang mayhawak] ng mga susi ng kaharian sa lahat ng bansa,” sinabi niya sa mga apostol, “at magbubukas ... sa kanila, at tatawag ng mga pitumpung susunod.” Sinabi niya na ang organisasyon ng simbahan ay kumpleto na ngayon at natanggap ng mga lalaki sa silid ang lahat ng ordenansang inihanda ng Panginoon para sa kanila sa panahong iyon.

“Humayo kayo at itayo ang kaharian ng Diyos,” sabi niya.

Si Joseph at ang kanyang mga tagapayo ay umuwi na, iniwan ang Labindalawa upang mamahala sa pulong. Muling bumaba ang Espiritu sa mga lalaki sa templo, at sila ay nagsimulang magpropesiya, magsalita sa iba’t ibang wika, at pinayuhan ang isa’t isa sa ebanghelyo. Ang mga naglilingkod na anghel ay nagpakita sa ilang kalalakihan, at ang iba pa ay nagkaroon ng mga pangitain tungkol sa Tagapagligtas.

Ang pagbuhos ng Espiritu ay nagpatuloy hanggang madaling-araw. Nang umalis ang mga lalaki sa templo, ang kanilang mga kaluluwa ay lumulutang mula sa mga kababalaghan at kaluwalhatiang kararanas lamang nila. Nadama nila na pinagkalooban sila ng kapangyarihan at handang dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo.19


Isang linggo matapos ang paglalaan, sa hapon ng Linggo ng Pagkabuhay, isang libong Banal ang muling nagtungo sa templo upang sumamba. Matapos pangasiwaan ng Labindalawa ang Hapunan ng Panginoon sa kongregasyon, ibinaba nina Joseph at Oliver ang mga kurtinang katsa sa paligid ng pinakamataas na pulpito sa dakong kanluran ng mas mababang korte at lumuhod sa likod ng mga ito upang manalangin nang tahimik, na hindi nakikita ng mga Banal.20

Matapos ang kanilang mga dalangin, nagpakita ang Tagapagligtas sa harapan nila, ang Kanyang mukha ay nagniningning nang higit pa sa liwanag ng araw. Ang Kanyang mga mata ay gaya ng apoy at ang kanyang buhok ay tulad ng niyebe. Sa ilalim ng Kanyang mga paa, ang sandigan ng pulpito ay mukhang yari sa purong ginto.21

“Magsaya ang mga puso ng lahat ng aking tao, na, sa pamamagitan ng kanilang lakas, ay itinayo ang bahay na ito sa aking pangalan,” pahayag ng Tagapagligtas, ang Kanyang tinig ay tulad ng lagaslas ng tubig. “Sapagkat masdan, tinanggap ko ang bahay na ito, at ang aking pangalan ay malalagay rito; at ipakikita ko ang aking sarili sa awa sa aking mga tao.”22 Hinikayat Niya ang mga Banal na panatilihin itong sagrado at pinagtibay na natanggap nila ang kaloob na kapangyarihan.

“Ang mga puso ng libu-libo at sampu-sampung libo ay labis na magsasaya,” pahayag Niya, “bunga ng mga pagpapalang ibubuhos, at sa endowment kung saan ang aking mga tagapaglingkod ay pinagkalooban sa bahay na ito.”

Sa wakas ay ipinangako ng Panginoon, “Ang katanyagan ng bahay na ito ay lalaganap sa mga ibang lupain; at ito ang simula ng mga pagpapala na ibubuhos sa mga ulo ng aking tao.”23

Natapos ang pangitain sa paligid nina Joseph at Oliver, ngunit biglang muling nabuksan ang kalangitan. Nakita nila si Moises nakatayo sa harapan nila, at ipinagkaloob niya ang mga susi ng pagtitipon ng Israel sa kanila upang madala ng mga Banal ang ebanghelyo sa buong mundo at dalhin ang mabubuti sa Sion.

Pagkatapos ay nagpakita si Elias at ipinagkatiwala ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham sa kanila, sinasabi na ang lahat ng henerasyon ay pagpapalain sa pamamagitan nila at ang mga susunod na salinlahi sa kanila.

Matapos maglaho si Elias, sina Joseph at Oliver ay nagkaroon ng isa pang maluwalhating pangitain. Nakita nila si Elijah, ang propeta sa Lumang Tipan na umakyat sa langit sa isang karong apoy.

“Ang panahon ay ganap nang dumating, na sinabi ng bibig ni Malakias,” pahayag ni Elijah, na tumutukoy sa propesiya ng Lumang Tipan na ibabaling niya ang mga puso ng mga ama sa mga anak at mga anak sa mga ama.

“Ang mga susi ng dispensasyong ito ay ipinagkakatiwala sa inyong mga kamay,” pagpapatuloy ni Elijah, “at sa pamamagitan nito ay inyong malalaman na ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon ay nalalapit na, maging nasa mga pintuan na.”24

Natapos ang pangitain, at naiwan sina Joseph at Oliver sa kanilang sarili.25 Nasala ang sikat ng araw sa de-arkong bintana sa likod ng pulpito, ngunit ang sandigan sa harap ng mga ito ay hindi na nagniningning na tulad ng ginto. Ang makalangit na mga tinig na siyang yumanig sa kanila tulad ng kulog ay nagbigay-daan sa mga tahimik na pagpupukaw ng damdamin ng mga Banal sa kabilang panig ng kurtina.

Batid ni Joseph na ang mga mensahe ay naghatid sa kanya ng mahahalagang susi ng priesthood. Kalaunan, itinuro niya sa mga Banal na ang mga susi ng priesthood na ipinanumbalik ni Elijah ang magbubuklod sa mga pamilya nang walang hanggan, ibubuklod sa langit kung ano ang ibinuklod sa lupa, pag-uugnayin ang mga magulang sa kanilang mga anak at ang mga anak sa kanilang mga magulang.26


Sa mga sumunod na araw ng paglalaan ng templo, humayo ang mga missionary sa lahat ng direksyon upang ipangaral ang ebanghelyo, pinalakas ng kaloob na kapangyarihan. Si Bishop Partridge at ang iba pang mga Banal na dumating mula sa Missouri ay nagpuntang muli sa kanluran dala ang bagong determinasyon na itatag ang Sion.27

Nais din nina Lydia at Newel Knight na pumunta sa kanluran, ngunit kailangan nila ng pera. Ginugol ni Newel ang karamihan ng kanyang oras sa Kirtland na nagtatrabaho sa templo nang walang bayad, at ipinahiram ni Lydia ang halos lahat ng kanyang pera kay Joseph at sa simbahan nang una siyang dumating sa bayan. Kapwa hindi pinagsisihan ng dalawa ang kanilang mga sakripisyo, ngunit hindi mapigilang isipin ni Lydia na ang perang kanyang ipinahiram sa simbahan ay sosobra pa para sa gastos sa pamasahe.

Habang sila ay naguguluhan kung paano tutustusan ang kanilang paglalakbay, dumaan si Joseph upang dalawin sila. “O, Newel, paalis ka na patungo sa iyong tahanan sa kanluran,” sabi niya. “Sapat ba ang inilaan sa inyo?”

“Medyo kulang pa kami sa aming pangangailangan,” sabi ni Newel.

“Hindi ko nalilimutan kung paano bukas-palad mo akong tinulungan noong ako ay may problema,” sabi ni Joseph kay Lydia. Lumabas siya ng bahay at pagkaraan ay bumalik dala ang higit pa sa halagang ipinahiram niya sa kanya.

Sinabi niya na bumili ng mga kailangan nila upang maging komportable sa paglalakbay patungo sa kanilang bagong tahanan. Nagbigay rin si Hyrum ng mga kabayo upang ihatid sila sa Ilog Ohio, kung saan sila makasasakay sa isang bapor patungo sa Missouri.

Bago umalis ang mga Knight, dinalaw nila si Joseph Smith Sr. upang makatanggap si Lydia ng basbas mula sa kanya. Mahigit isang taon na, tinawag ng Panginoon si Joseph Sr. na maging patriyarka ng simbahan, ginawaran siya ng karapatan na magbigay sa mga Banal ng mga espesyal na basbas ng patriyarka, tulad ng ginawa nina Abraham at Jacob sa kanilang mga anak sa Biblia.

Ipinatong ang kanyang mga kamay sa ulo ni Lydia, sinambit ni Joseph Sr. ang mga salita ng basbas. “Labis kang nahirapan sa iyong nakaraan, at nasaktan ang puso mo,” sabi niya kay Lydia. “Pero ikaw ay maaaliw.”

Sinabi niya sa kanya na mahal siya ng Panginoon at ibinigay sa kanya si Newel upang aliwin siya. “Ang inyong mga kaluluwa ay pag-iisahin, at walang makapaghihiwalay sa mga ito. Ni pagdurusa o kamatayan ay hindi kayo mapaghihiwalay,” pangako niya. “Iingatan ang buhay mo at makararating nang ligtas at mabilis sa lupain ng Sion.”28

Pagkabigay ng basbas, sina Lydia at Newel ay tumulak patungong Missouri, maganda ang pananaw tungkol sa hinaharap ng simbahan at Sion. Pinagkalooban ng Panginoon ang mga Banal ng kapangyarihan, at ang Kirtland ay yumabong sa ilalim ng matatayog na tore ng templo. Ang mga pangitain at pagpapala nang panahong iyon ay nagbigay sa kanila ng paunang tikim ng langit. Tila handa nang masira ang tabing sa pagitan ng langit at lupa.29