Institute
37 Susubukin Natin Sila


“Susubukin Natin Sila,” kabanata 37 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 37: “Susubukin Natin Sila”

Kabanata 37

Mural at Mga Halaman sa Paso

Susubukin Natin Sila

Noong Enero 5, 1842, nagbukas si Joseph ng isang tindahan sa Nauvoo at magiliw na sinalubong ang kanyang maraming mga tagatangkilik. “Ibig kong paglingkuran ang mga Banal, at maging tagapaglingkod ng lahat,” sinabi niya sa isang kaibigan sa isang sulat, “umaasa na ako ay luluwalhatiin sa takdang panahon ng Panginoon.”1

Ang doktrina ng kadakilaan ay napakabigat sa isipan ni Joseph.2 Noong Pebrero, ibinaling niya ang kanyang pansin sa mga scroll na galing Egipto na binili niya sa Kirtland at ang hindi natapos na pagsasalin ng mga isinulat ni Abraham.3 Itinuro ng bagong banal na kasulatan na isinugo ng Diyos ang Kanyang mga anak sa lupa upang subukan ang kanilang katapatan at kahandaang sumunod sa Kanyang mga utos.

“Susubukin natin sila,” wika ng Tagapagligtas bago ang paglikha sa mundo, “upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.” Ang mga taong masunurin sa Kanyang mga utos ay dadakilain sa higit na dakilang kaluwalhatian. Ang mga piniling sumuway sa Diyos ay nawala ang mga walang-hanggang pagpapalang ito.4

Nais tulungan ni Joseph ang mga Banal na matutuhan ang mga katotohanang ito para magawa nilang umunlad tungo sa kadakilaan at pumasok sa kinaroroonan ng Diyos. Sa Kirtland, pinatibay ng pagkakaloob ng kapangyarihan ang maraming tao para sa tindi ng misyon. Subalit ipinangako ng Diyos na magkakaloob ng mas dakilang espirituwal na kaloob sa Nauvoo temple. Sa paghahayag ng karagdagang mga ordenansa at kaalaman sa matatapat na kalalakihan at kababaihan ng simbahan, gagawin sila ng Panginoon bilang mga hari at reyna, mga saserdote at mga babaeng saserdote, gaya ng propesiya na ginawa ni Juan na Tagahayag sa Bagong Tipan.5

Hinimok ni Joseph ang Labindalawang at iba pang pinagkakatiwalaang mga kaibigan na sundin ang Panginoon habang inihahanda niya silang tumanggap ng mga kaloob na ito ng banal na kapangyarihan. Itinuro rin niya ang alituntunin ng maramihang pagpapaksal sa ilan pang mga Banal at nagpatotoo tungkol sa banal nitong pinagmulan. Noong nakaraang tag-init, wala pang isang linggo mula nang dumating sa Nauvoo ang mga apostol na mula sa England, kanyang itinuro sa ilan sa kanila ang alituntunin at ibinilin sa kanila na sundin ang mga ito bilang isang kautusan ng Panginoon.6 Bagamat ang maramihang pag-aasawa ay hindi kinakailangan para sa kadakilaan o ang higit na pagkakaloob ng kapangyarihan, kailangan ang pagsunod sa Panginoon at kahandaang maglaan ng buhay ng isang tao sa Kanya.

Tulad ni Joseph, nilabanan sa una ng mga apostol ang bagong alituntunin. Nakadama si Brigham ng gayon katinding pagdurusa sa desisyon na magpakasal sa ibang babae kung kaya’t inasam niya ang maagang kamatayan. Sina Heber Kimball, John Taylor, at Wilford Woodruff ay nais ipagpaliban ang pagsunod hangga’t maaari.7

Sinusunod ang utos ng Panginoon, ibinuklod din si Joseph sa ibang babae matapos ang kanyang kasal kay Louisa Beaman. Kapag nagtuturo sa isang babae tungkol sa maramihang pag-aasawa, inaatasan niya itong hanapin ang kanyang sariling espirituwal na patibay na ang pagbubuklod sa kanya ay tama. Hindi lahat ng babae ay tinanggap ang kanyang paanyaya, ngunit marami ang pumayag.8

Sa Nauvoo, ilang mga Banal ang pumasok sa maramihang pag-aasawa sa panahon at kawalang-hanggan, na nangangahulugang ang kanilang pagbubuklod ay magtatagal sa buhay na ito at sa kabilang buhay. Tulad ng mga pagpapakasal sa iisang tao, ang mga kasal na ito ay maituturing na seksuwal na relasyon at pagkakaroon ng mga anak. Ang iba pang maramihang pag-aasawa ay sa kawalang-hanggan lamang, at nauunawaan ng mga kalahok na ang kanilang pagbubuklod ay magkakabisa sa kabilang buhay.9

Sa ilang pagkakataon, ang isang babae na ikinasal sa panahon lamang sa isang Banal na napopoot sa simbahan, o sa isang lalaking hindi miyembro ng simbahan, o maging sa isang miyembro ng simbahan na may mabuting katayuan, ay maaaring mabuklod nang walang hanggan sa ibang lalaki. Matapos ang seremonya ng pagbubuklod, patuloy na mamumuhay ang babae sa piling ng kanyang kasalukuyang asawa habang hinihintay ang mga pagpapala ng kasal na walang hanggan at kadakilaan sa buhay na darating.10

Noong unang bahagi ng 1842, iminungkahi ni Joseph ang gayong pagbubuklod kay Mary Lightner, na ang asawang si Adam ay hindi miyembro ng simbahan. Sa kanilang talakayan, sinabi ni Joseph kay Mary na inatasan sila ng Panginoon na mabuklod para sa kabilang buhay.11

“Kung sinabi ito sa iyo ng Diyos,” tanong ni Mary, “bakit hindi Niya sinabi sa akin?”

“Taimtim na manalangin,” sumagot si Joseph, “sapagka’t sinabi ng anghel sa akin na dapat kang magkaroon ng patotoo.”12


Binagabag ng imbitasyon ni Joseph si Mary. Sa pagtuturo sa kanya tungkol sa maramihang pag-aasawa, inilarawan ni Joseph ang mga walang hanggang pagpapala ng walang hanggang tipan ng kasal.13 Noong pinakasalan ni Mary si Adam, bumuo sila ng mga pangako sa isa’t isa para sa buhay na ito lamang. Ngayon ay naunawaan niya na siya ay hindi makagagawa ng mga walang hanggang tipan sa kanya kung hindi muna ito papayag na mabinyagan ng wastong awtoridad.14

Nakipag-usap si Mary kay Adam tungkol sa binyag, at nagsusumamo sa kanya na sumapi sa simbahan. Sinabi sa kanya ni Adam na iginagalang niya si Joseph subalit siya ay hindi naniniwala sa ipinanumbalik na ebanghelyo at tumangging magpabinyag.15

Umaasam para sa mga pagpapala ng walang hanggang kasal, ngunit batid na hindi niya matatanggap ang mga ito kasama si Adam, inisip ni Mary kung ano ang dapat gawin. Napuno ng pag-aalinlangan ang isip niya. Sa wakas, nanalangin siya na magsusugo ang Panginoon ng anghel upang patunayan sa kanya na ang imbitasyon ni Joseph ay tama.16

Isang gabi, habang nakapisan siya sa kanyang tiyahin, nakita ni Mary na nagkaroon ng liwanag sa kanyang silid. Nakaupo sa kama, nagulat siya nang makakita siya ng anghel, na nakasuot ng puting damit, nakatayo sa tabi niya. Ang mukha ng anghel ay nagniningning at maganda, may mga matang tumatagos sa kanya na parang kidlat.

Natakot, nagtalukbong ng kumot si Mary, at umalis ang anghel.

Noong sumunod na Linggo, tinanong ni Joseph si Mary kung nakatanggap siya ng sagot.

“Hindi ako nagkaroon ng saksi, ngunit nakita ko ang isang bagay na hindi ko nakita noon,” pag-amin ni Mary. “Nakita ko ang isang anghel at halos namatay ako sa takot. Hindi ako nagsalita.”

“Iyon ay isang anghel ng Diyos na buhay,” sabi ni Joseph. “Kung ikaw ay tapat makikita mo ang mas dakilang mga bagay kaysa sa yaon.”17

Patuloy na nanalangin si Mary. Nakakita siya ng isang anghel, na nagpalakas sa kanyang pananampalataya sa mga salita ni Joseph. At tumanggap siya ng iba pang espirituwal na mga saksi sa darating na mga araw na hindi niya maitatwa o maipagwalang-bahala. Mananatili pa rin si Adam bilang kanyang asawa sa buhay na ito, ngunit nais niyang matiyak na matatanggap niya ang lahat ng pagpapalang maaaring makamtan niya sa buhay na darating.18

Hindi nagtagal ay tinanggap niya ang imbitasyon ni Joseph, at ibinuklod sila ni Brigham Young para sa kabilang buhay.19


Sa ilalim ng pamamahala ni Joseph, sina John Taylor at Wilford Woodruff ay nagsimulang ilathala ang pagsasalin ng propeta sa Aklat ni Abraham sa isyu ng Marso 1842 ng Times and Seasons. Habang binabasa ng mga Banal ang talaan, natuwa silang matuklasan ang mga bagong katotohanan tungkol sa paglikha ng mundo, layunin ng buhay, at walang hanggang tadhana ng mga anak ng Diyos. Nalaman nila na si Abraham ay nagkaroon ng Urim at Tummim at nakausap ang Panginoon nang harapan. Nabasa nila na ang mundo at lahat ng nandito ay inorganisa mula sa mga umiiral na materyal upang isakatuparan ang kadakilaan ng mga espiritung anak ng Ama.20

Sa gitna ng kasiyahan sa paglalathala ng Aklat ni Abraham at sa mga doktrina nitong nakapagpapabuti ng kaluluwa, patuloy ang mga Banal sa pagsasakripisyo upang maitayo ang kanilang bagong siyudad at magawa ang templo.

Sa panahong ito, ang Nauvoo ay may mahigit isang libong bahay na yari sa troso, at maraming frame house at bahay na yari sa purong ladrilyo na natapos na o ginagawa pa.21 Upang mas maayos ang lunsod, hinati ito ni Joseph sa apat na yunit na tinatawag na ward at nagtalaga ng mga bishop na mamumuno sa kanila. Ang bawat ward ay inaasahang tumulong sa pagtatayo ng templo sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga manggagawa na magtatrabaho sa bahay ng Panginoon sa bawat ikasampung araw.22

Si Margaret Cook, isang dalaga na tinutustusan ang kanyang sarili bilang mananahi sa Nauvoo, ay nagmasid habang umuusad ang pagtatayo sa templo. Nagtatrabaho siyang kasama si Sarah Kimball, isa sa mga pinakaunang nabinyagan sa simbahan, na ikinasal sa isang matagumpay na mangangalakal na hindi isang Banal sa mga Huling Araw.

Habang nagtatrabaho si Margaret, kung minsan ay pinag-uusapan nila ni Sarah ang mga pagsisikap na itayo ang templo. Ang mga pader ay ilang talampakan lamang ang taas, ngunit ang mga panday ay may binuong isang pansamantalang lugar sa silong ng templo at naglagay ng isang malaking bautismuhan para sa mga pagbibinyag para sa mga patay. Ang bautismuhan ay isang hugis-itlog na tangke ng ekspertong hinugis na mga tabla ng palutsina na nakapatong sa likod ng labindalawang baka na inukit ng kamay at tinapos sa mga pinong moldura. Noong nailaan ang bautismuhan, nagsimula ang mga Banal na muling magpabinyag para sa mga patay.23

Sabik na personal na makapag-ambag sa templo, napansin ni Margaret na maraming mga manggagawa ang may kakulangan sa sapat na sapatos, pantalon, at polo. Iminungkahi niya kay Sarah na magtulungan sila upang lumikha ng mga bagong polo para sa mga manggagawa. Sinabi ni Sarah na maaari siyang magbigay ng mga materyales para sa mga kamiseta kung si Margaret ang mananahi. Maaari din nilang hingin ang tulong ng iba pang mga kababaihan sa Nauvoo at magtaguyod ng samahan upang pamahalaan ang gawain.24

Pagkaraan ng maikling panahon, inanyayahan ni Sarah ang isang dosenang babae sa kanyang tahanan upang talakayin ang bagong samahan. Hiniling nila kay Eliza Snow, na kilala sa kanyang mga talento sa pagsusulat, na bumuo ng saligang batas. Agad na sinimulan ni Eliza ang dokumento at ipinakita ito sa propeta nang matapos siya.

Sinabi ni Joseph na ito ang pinakamahusay na saligang-batas sa lahat ng uri nito. “Ngunit hindi ito ang gusto ninyo,” sabi niya. “Sabihin sa mga kapatid na babae na tinatanggap ng Panginoon ang kanilang mga handog, at Siya ay may inilalaang mas mainam para sa kanila.” Hiniling niya sa samahan na makipagkita sa kanya sa kanyang tindahan sa loob ng ilang araw.

“Aking isasaayos ang kababaihan sa ilalim ng priesthood, ayon sa kaayusan ng priesthood,” wika niya.25 “Nasa akin na ngayon ang susi para magawa ito.”26


Noong sumunod na Huwebes, Marso 17, 1842, umakyat ng hagdan si Emma Smith patungo sa malaking silid sa itaas ng tindahan ni Joseph. Labingsiyam na iba pang kababaihan, kabilang na sina Margaret Cook, Sarah Kimball, at Eliza Snow, ang dumating upang itatag ang bagong samahan. Naroroon din si Joseph kasama sina Willard Richards, na nagsimulang maging tagasulat ni Joseph matapos bumalik mula sa England, at si John Taylor.27

Ang pinakabatang babaeng dumalo ay si Sophia Marks na labinlimang taong gulang. Ang pinakamatanda, si Sarah Cleveland, ay limampu‘t apat na taong gulang. Karamihan sa mga kababaihan ay kaedad ni Emma. Bukod kay Leonora Taylor, na isinilang sa England, ang mga kababaihan ay mula lahat sa silangang Estados Unidos at nagtungo sa kanluran kasama ng mga Banal. Ang ilan sa kanila, tulad ni Sarah Kimball at Sarah Cleveland, ay may kaluwagan sa buhay, samantalang ang iba ay nagmamay-ari ng hindi gaanong hihigit sa mga damit na isinuot nila.

Kilalang-kilala ng mga babae ang isa’t isa. Nakaligtas sina Philinda Merrick at Desdemona Fullmer mula sa pagsalakay sa Hawn’s Mill. Magkapatid sina Athalia Robinson at Nancy Rigdon. Sina Emma Smith at Bathsheba Smith ay magpinsan sa kasal, maging sina Eliza Snow at Sophia Packard. Sina Sarah Cleveland at Ann Whitney ay tumulong kay Emma sa mahihirap na panahon sa kanyang buhay, pinatuloy siya at ang kanyang pamilya sa kanilang tahanan nang sila’y walang ibang matutuluyan. Nangupahan si Elvira Cowles sa bahay ni Emma at tumulong sa pag-aalaga sa kanyang mga anak.28

Nagustuhan ni Emma ang ideya ng pagsisimula ng isang samahan para sa kababaihan sa Nauvoo. Nitong mga huling araw, pumasok sina Joseph at ang iba pang mga tao sa bayan sa isang napakalumang samahang pangkapatiran na tinawag na Freemasonry, matapos na ang mga matatagal nang Mason na sina Hyrum Smith at John Bennett ay tumulong na magtatag ng samahang Masonry sa lunsod. Ngunit ang mga kababaihan sa Nauvoo ay magkakaroon ng ibang uri ng samahan.29

Matapos kumanta ang lahat ng “Espiritu ng Diyos” at nag-alay si John Taylor ng panalangin, tumayo si Joseph at ipinaliwanag na ang bagong samahan ay hihikayatin ang mga kababaihan na hanapin at pangalagaan ang mga nangangailangan, magbigay ng mabuting pagtutuwid sa mga pagkakamali, at palakasin ang komunidad. Pagkatapos ay inanyayahan niya ang mga kababaihan na pumili ng pangulo, na siyang pipili ng dalawang tagapayo, tulad ng sa mga korum ng priesthood. Sa unang pagkakataon, ang mga kababaihan ay may opisyal na awtoridad at mga responsibilidad sa simbahan.30

Iminungkahi ng kaibigan ni Emma na si Ann Whitney na maging pangulo si Emma, at lahat ng babae sa silid ay sumang-ayon. Pagkatapos ay itinalaga ni Emma sina Sarah Cleveland at Ann upang maging kanyang mga tagapayo.

Binasa ni Joseph ang paghahayag na natanggap niya para kay Emma noong 1830 at binanggit na siya ay inorden o itinalaga noong panahong iyon na ipaliwanag ang mga banal na kasulatan at turuan ang kababaihan ng simbahan. Tinawag siya ng Panginoon bilang “hinirang na babae,” ipinaliwanag ni Joseph, dahil siya ay pinili upang mamuno.

Pagkatapos ay inorden ni John Taylor si Sarah at Ann bilang mga tagapayo ni Emma at kinumpirma si Emma sa kanyang bagong tungkulin, binabasbasan ng lakas na kailangan niya. Matapos magbigay ng mga karagdagang tagubilin, ibinigay ni Joseph ang oras sa kanya, at iminungkahi ni John na pagpasiyahan nila ang pangalan ng samahan.

Iminungkahi ng mga tagapayo ni Emma na tawagin nila itong Nauvoo Female Relief Society, ngunit iminungkahi sa halip ni John ang Nauvoo Female Benevolent Society, isinusunod sa mga pangalan ng ibang samahang pang-kababaihan sa buong bansa.31

Iwinika ni Emma na mas gusto niya ang “relief” kaysa sa “benevolent”, ngunit iminungkahi ni Eliza Snow na ang “relief” ay nagpapahiwatig na isang di pangkaraniwang sagot sa isang malaking kalamidad. Hindi ba mas tututok ang kanilang samahan sa mga suliranin sa pang-araw-araw na buhay?

“May gagawin tayong isang bagay na di pangkaraniwan,” iginiit ni Emma. “Kapag nasadlak ang isang bangka sa mababaw at mabatong bahagi ng ilog na sakay ang napakaraming Mormon, ituturing nating malakas na paghingi iyon ng saklolo. Umaasa tayong magkakaroon ng mga pambihirang pagkakataon at mahihirap na gawain.”

Nanahan ang kanyang mga salita sa silid. “Sumusuko ako sa punto,” sabi ni John. “Ang iyong mga argumento ay napakalakas na hindi ko ito matatapatan.”

Palagiang nagbibigay-pansin sa panitikan ng mga salita, inirerekomenda ni Eliza ang kaunting pagbabago sa pangalan. Sa halip na Nauvoo Female Relief Society, iminungkahi niya ang “the Female Relief Society of Nauvoo.” Pumayag ang lahat ng mga kababaihan.

“Ang bawat miyembro ay dapat na maging determinadong gumawa ng mabuti,” sinabi ni Emma sa kanila. Higit sa lahat, ang pag-ibig sa kapwa-tao ang dapat na magbigay ng motibasyon sa kanilang samahan. Tulad ng itinuro ni Pablo sa Bagong Tipan, ang mga mabubuting gawain ay walang pakinabang sa kanila kung ang pag-ibig sa kapwa-tao ay hindi mananagana sa kanilang mga puso.32


Madalas makipagtipon si Joseph sa Relief Society noong tagsibol na iyon. Mabilis na lumaki ang organisasyon, idinadagdag sa mga bilang nito ang matagal nang mga Banal at mga bagong binyag na nandarayuhan. Sa ikatlong pulong nito, halos wala nang puwang ang mga babae sa tindahan ni Joseph para sa lahat ng nais dumalo. Nais ni Joseph na ihanda ng Relief Society ang mga miyembro nito para sa pagkakaloob ng kapangyarihan na matatanggap nila sa loob ng templo. Itinuro niya sa mga kababaihan na dapat silang maging isang natatanging samahan, na tumatayong hiwalay sa masama at gumagana alinsunod sa mga huwaran ng sinaunang priesthood.33

Samantala, nag-alala si Joseph sa mga ulat na ang ilang lalaki sa Nauvoo ay mayroong seksuwal na relasyon sa labas ng kasal at nagsasabing ang gayong pag-uugali ay pinahihintulutan hangga’t ang mga ito ay inililihim. Ang mga pang-aakit, na dumudungis sa mga turo ng Panginoon tungkol sa kalinisang-puri, ay pinapalaganap ng mga taong walang pakialam sa mga kautusan. Kung magpapatuoy ang mga ito nang hindi naitatama, maaari silang maging isang mabigat na hadlang para sa mga Banal.

Noong Marso 31, hiniling ni Joseph kay Emma na basahin ang liham sa Relief Society, na nagpapayo sa kanila na hindi pinagtitibay ng mga awtoridad ng simbahan ang gayong hakbang. “Gusto nating itigil na ito,” sabi ng liham, “sapagkat hangad nating sundin ang mga utos ng Diyos sa lahat ng bagay.”34

Higit sa lahat, nais ni Joseph na maging karapat-dapat ang mga Banal sa mga pagpapala ng kadakilaan. “Kung gusto ninyong pumunta kung saan naroroon ang Diyos, dapat ay maging katulad ninyo ang Diyos o angkinin ng mga alituntuning taglay ng Diyos,” sinabi niya sa mga Banal noong tagsibol na iyon. “Hangga’t nagpapakasama tayo sa Diyos, tayo ay bumaba sa diyablo at nawawalan ng kaalaman, at kapag walang kaalaman ay hindi tayo maaaring maligtas.”35

Nagtiwala siya sa panguluhan ng Relief Society na aakayin nito ang mga kababaihan ng simbahan, at tutulungan silang pangalagaan ang gayong kaalaman at mga kabutihan sa kanilang sarili.

“Ang samahang ito ay kukuha ng mga tagubilin sa pamamagitan ng orden na itinatag ng Diyos—sa pamamagitan ng mga itinalagang mamuno,” pahayag niya. “Pinagkakaloob ko ngayon sa inyo ang susi sa ngalan ng Diyos at ang samahang ito ay magagalak, at ang kaalaman at katalinuhan ay dadaloy mula sa oras na ito.36


Noong Mayo 4, 1842, natagpuan nina Brigham Young, Heber Kimball, at Willard Richards ang silid sa itaas ng tindahan ni Joseph na nagbago. Sa dingding ay isang bagong gawang mural. May mga maliliit na puno at halaman, na nagpapahiwatig ng isang gayak ng hardin. Ang ibang bahagi ng kuwarto ay hinati ng isang alpombra na sinampay na parang kurtina.37

Inanyayahan ni Joseph ang tatlong apostol na pumunta sa tindahan ng umagang iyon para sa isang espesyal na pulong. Inanyayahan niya ang kanyang kapatid na si Hyrum at si William Law, kapwa mga miyembro ng Unang Panguluhan at dalawa sa kanyang pinakamalapit na tagapayo. Naroon din sina Bishop Newel Whitney at George Miller, ang pangulo ng stake ng Nauvoo na si William Marks, at lider ng simbahan na si James Adams.38

Sa kabuuan ng hapon, ipinakilala ng propeta ang isang ordenansa sa mga lalaki. Kasama sa bahagi nito ang mga paghuhugas at pagpapahid ng langis, tulad ng mga ordenansa na ibinigay sa templo ng Kirtland at sinaunang tabernakulo ng Hebreo. Ang mga lalaki ay binigyan ng isang sagradong panloob na tinatakpan ang kanilang katawan at pinaalalahanan sila ng kanilang mga tipan.39

Ang bagong ordenansa ng Diyos na inihayag kay Joseph ay nagtuturo ng mga nagpapadakilang katotohanan. Ito ay mula sa tala ng mga banal na kasulatan tungkol sa Paglikha at sa Halamanan ng Eden, kabilang na ang bagong salaysay na makikita sa pagsasalin ng Abraham, na gagabay sa mga tao sa bawat hakbang sa plano ng kaligtasan. Katulad ni Abraham at ng iba pang sinaunang propeta, nakatanggap sila ng kaalaman na makatutulong sa kanila na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos.40 Sa pagpapatuloy, nakipagtipan ang mga tao na magkaroon ng matwid at malinis na buhay at ilaan ang kanilang sarili sa paglilingkod sa Panginoon.41

Tinawag ni Joseph ang ordenansa bilang endowment at nagtiwala sa mga lalaki na huwag ihayag ang mga natatanging kaalaman na natutuhan nila noong araw na iyon. Katulad ng pagkakaloob ng kapangyarihan sa Kirtland, ang ordenansa ay sagrado at para sa espirituwal ang isipan. Ngunit higit pa ito sa pagbuhos ng mga kaloob na espirituwal at banal na kapangyarihan sa mga elder ng simbahan. Sa oras na matapos ang templo, kapwa ang mga kalalakihan at kababaihan ay maaaring tumanggap ng ordenansa, na magpapalakas ng kanilang pakikipagtipan sa Diyos, at makakahanap sila ng mas malaking kapangyarihan at proteksyon sa paglalaan ng kanilang buhay sa kaharian ng Diyos.42

Nang matapos ang seremonya, nagbigay si Joseph ng ilang mga tagubilin kay Brigham. “Hindi wasto ang pagkakaayos nito,” sabi niya sa apostol, “ngunit ginawa natin ang lahat ng makakaya natin sa sitwasyon na kung saan tayo ay inilagay at ninanais ko na iorganisa at ayusin mo ang lahat ng mga seremonyang ito.”43

Nang nilisan nila ang tindahan nang araw na iyon, ang mga lalaki ay namamangha sa mga katotohanang natutuhan nila mula sa endowment. Ilan sa mga aspeto ng ordenansa ay nagpapaalala kay Heber Kimball ng mga seremonyang Mason. Sa mga pulong sa Free Masonry, inaakto ng mga lalaki ang isang alegorikong kuwento tungkol sa arkitekto ng templo ni Solomon. Nag-aaral ang mga Mason ng mga galaw at salita na kanilang ipinangako na pananatilihing lihim, lahat ng ito ay sumasagisag na sila ay bumubuo ng isang matibay na pundasyon at nagdaragdag ng liwanag at kaalaman dito nang paunti-unti.44

Subalit ang endowment ay isang ordenansa ng priesthood para sa mga kalalakihan at kababaihan, at itinuro nito ang mga banal na katotohanan na hindi nakapaloob sa mga Mason, na sabik si Heber na matutuhan ng iba.

“Tinanggap natin ang ilang mahahalagang bagay sa pamamagitan ng propeta tungkol sa priesthood na magiging dahilan upang magbunyi ang iyong kaluluwa,” isinulat ni Heber kina Parley at Mary Ann Pratt sa England. “Hindi ko maibibigay ito sa iyo sa papel, sapagkat hindi ito maaaring isulat, kaya kailangan mong pumunta at kunin ang mga ito para sa iyong sarili.”45