Mga Klasikong Ebanghelyo
Nauuna ang Binyag
Paano naman ang milyun-milyong anak ng ating Ama sa Langit na, kung nabinyagan sana, ay matatanggap ang mga pagpapalang hahantong sa pagiging isang walang hanggang pamilya?
Ang manwal ng family home evening … ay may unang aralin na nagbibigay ng napakalaking inspirasyon. Ang tema ay “Ang mga Pamilya ay Walang Hanggan.” Sinabihan ang mga pamilya na maglagay ng ilang bagay sa mesa, kasama na rito ang isang katibayan ng kasal, temple recommend, isang larawan ng templo, at katibayan ng binyag. …
Alam ng mga miyembro ng Simbahan na lahat ng bagay na nasa mesa ay may kaugnayan sa kasal sa templo at sa posibilidad ng isang “walang hanggang pamilya.” … Gusto kong itampok ang isa sa mga bagay na nasa mesa—ang katibayan ng binyag.
Kailangan sa isang “walang hanggang pamilya” na ang mga mag-asawa ay may mga katibayan ng binyag, maging karapat-dapat na mga miyembro ng Simbahan para maging marapat sa mga temple recommend, at may katibayan ng kasal na nagpapahiwatig ng selestiyal na kasal. Paano naman ngayon ang milyun-milyong anak ng ating Ama sa Langit na, kung nabinyagan sana, ay matatanggap ang mga pagpapalang hahantong sa pagiging isang walang hanggang pamilya?
Ang ating mga full-time missionary ay lalong nagtatagumpay sa lahat ng panig ng mundo sa pagdadala ng mga kaluluwa sa mga tubig ng binyag. Ngunit ang kanilang tagumpay ay lalo’t higit na darami kung masigasig na tutulong sa kanila ang mga miyembro ng Simbahan. Mukha yatang karamihan sa mga miyembro ng Simbahan ay atubiling magbahagi ng ebanghelyo sa kanilang mga kaibigan at kapitbahay. Ipinagmamalaki ng marami sa atin ang pagtukoy sa pag-unlad ng Simbahan o tagumpay ng mga misyonero sa buong mundo ngunit hindi kailanman kinaibigan ang isang kakilala o kapitbahay. Kapag tinatanong ang mga pauwing mission president, “Paano sana ninyo naparami ang mga nagpabinyag sa inyong misyon?” iisa ang sagot nila sa amin: “Kung mapapatulong sana namin ang mga miyembro sa mga misyonero sa paghahanda ng kanilang mga kaibigan at kapitbahay na tanggapin ang mga elder.”
Nalimutan na ba natin ang ating obligasyon? Nalimutan na ba natin ang sinabi ng Panginoon?
“Masdan, isinugo ko kayo upang magpatotoo at balaan ang mga tao, at nababagay lamang sa bawat tao na nabigyang-babala na balaan ang kanyang kapwa. Samakatwid, sila ay naiiwang walang kadahilanan” (D at T 88:81–82). …
Ang [ating mga misyonero] ay sinanay na magturo ng ebanghelyo, na magturo sa maayos at inspiradong paraan, na inaasahang humantong sa binyag. Sa isang misyonero, bawat oras ay mahalaga at dapat magkaroon ng bunga. Alam ba ninyo na isang tao ang nabibinyagan ng mga misyonero sa bawat 1,000 tahanang kanilang matagpuan? Ang mga misyonero ding iyon ay magbibinyag ng 600 katao sa bawat 1,000 naturuan sa mga tahanan ng mga miyembro—600 ulit ang dami ng mabibinyagan kapag nakibahagi nang may katapatan ang mga miyembro.
Higit kailanman mas marami sa masisiglang batang lingkod na ito ng Panginoon ang nasa inyong mga ward at branch. Ang mga misyonero ay humahayo na mas may naturuan, mas handa, at mas mataas ang pag-asa at mithiin. Bawat pamilyang tumanggap sa ebanghelyo ay may obligasyong ibahagi ito sa kanilang kapwa. Maaakit natin ang mga tao sa ebanghelyo sa pagiging natural at tapat na pagpapakita ng ating pagmamahal sa kanila. …
Minsan habang sakay ng eroplano, kinausap ng kaibigan ko ang isang babae. Ikinuwento niya sa babae ang pagpunta niya sa Anderson, South Carolina, para dalawin ang isang pinsan dahil naghahanap siya ng impormasyon tungkol sa ilang ninuno niya. Tinanong niya ang babaeng ito na katabi niya, “Gusto mo bang malaman kung bakit ako interesado sa mga ninuno kong matagal nang yumao?”
“Oo, sige,” sagot nito.
“Sinisikap kong hanapin ang impormasyon tungkol sa mga ninuno ko para maisagawa ko ang ilang gawain sa templo para sa kanila. Alam mo ba kung saan naroon ang Tagapagligtas noong tatlong araw na nakahimlay sa libingan ang Kanyang katawan matapos ang Pagpapako sa Krus?”
“Hindi. Saan?”
Nagpatuloy siya, “Sabi ni Pedro, ang Apostol, nangaral si Cristo sa mga espiritung nasa bilangguan na suwail noong panahon ni Noe.” At sabi pa niya, “Palagay mo ba gugugol ng tatlong araw ang Tagapagligtas sa pangangaral sa gayong uri ng mga tao kung wala silang magagawa tungkol dito?”
“Palagay ko, hindi. Hindi ko naisip iyan noon,” sabi nito.
At ipinaliwanag niya ang binyag para sa mga patay at ang Pagkabuhay na Mag-uli. Binanggit niya ang sinabi ni Pablo: “Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay? Kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay, bakit nga sila’y binabautismuhan dahil sa kanila?” (I Mga Taga Corinto 15:29).
“Natatandaan mo ba ang mga katagang ‘hanggang paghiwalayin kayo ng kamatayan’ na ginamit noong ikasal kayo? Matatapos ang kontrata ng kasal ninyo pagkamatay ng isa sa inyo.”
Sagot nito, “Tama nga yata, pero hindi ko naisip iyon nang gayon.”
Patuloy pa niya, “Namatay ang asawa ko noong unang bahagi ng nakaraang buwan, pero asawa ko siya magpasawalang-hanggan. Ikinasal kami ng isang taong maytaglay ng awtoridad ng priesthood na ibuklod sa langit ang kasal na isinagawa rito sa lupa. Amin ang isa’t isa magpasawalang-hanggan; at bukod pa riyan, amin ang aming mga anak magpakailanman.”
Bago lumapag ang eroplano sinabi niya rito, “Alam mo ba kung bakit tayo nagkakilala? Para matutuhan mo rin ang ebanghelyo at mabuklod ka sa iyong asawa, mga anak, at mga ninuno sa kawalang-hanggan—para kayo maging walang hanggang pamilya.”
Di nagtagal matapos mangyari iyon, nagpadala siya ng kopya ng aklat ni Elder LeGrand Richards, A Marvelous Work and a Wonder, sa babaeng ito at sa kanyang pamilya at nag-ipit ng kard na may pangalan niya. Kalaunan ang pangalan ng babaeng ito ay napasakamay ng mga full-time missionary na naglilingkod sa kanyang lungsod sa Pennsylvania. Matapos ang unang pagdalaw ng mga misyonera sa kanya, isinulat nila, “Napakabait ng babaeng dinalaw namin. Nakita sana ninyo ang ningning sa kanyang mga mata nang makita niya kami. Naitanim [ng ginoong nakilala niya sa eroplano] ang pinakamainam na binhi dahil sa kanyang patotoo at tiwala na siya at ang kanyang mga mahal sa buhay ay magkakasama sa kabilang-buhay. Napanatag kaming mga misyonero. Nadama namin na kakasihan ng Panginoon ang aming mga pagsisikap dahil handa ang pamilyang ito.”
Ngayon sasabihin ko sa inyo, natatandaan ba ninyo ang mga kailangan sa isang “walang hanggang pamilya”: mga katibayan ng binyag, temple recommend, katibayan ng kasal? Ngunit dapat ay may katibayan muna ng binyag ang mga kaibigan at kapitbahay ninyo. …
Sabi ng Panginoon:
“Sapagkat lahat ng tao ay kailangang magsisi at magpabinyag. …
“At sa pamamagitan ng inyong mga kamay ako ay gagawa ng isang kagila-gilalas na gawain sa mga anak ng tao, sa ikamumulat ng marami sa kanilang mga kasalanan, upang sila ay magsipagsisi, at … makaparoon sa kaharian ng aking Ama” (D at T 18:42, 44).
Kung isasali ninyo ang inyong buong pamilya—manalangin bilang pamilya para magtagumpay; pumili ng isang pamilyang kakaibiganin; magtakda ng mga mithiin at petsa para isagawa ito; tapat na mangako sa sarili na gagawin ninyo ang lahat ng nararapat; at mag-ayuno at manalangin, at saka manalangin at mag-ayuno—ipinapangako ko sa inyo na maririnig ang inyong tinig ng babala. Ito ang araw na ang aanihin ay hinog na, ang [pigaan] ng alak ay puno. Pagpapalain ng Panginoon ang inyong mga pagsisikap. Sasaksihan ninyo ang paglusong ng mga kaibigan sa mga tubig ng binyag.
Maaaring malimutan ng mga buhay na inantig ninyo ang inyong sinabi, ngunit hindi nila malilimutan kailanman ang ipinadama ninyo sa kanila. Ang mga pamilya ay walang hanggan, nagpapatotoo ako sa inyo nang buong pagpapakumbaba, sa pangalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1976; pinagpare-pareho ang mga sipi, pagbabantas, pagsasaayos ng talata, at pagpapalaki ng mga letra.