2009
Ang Mahabang Salaysay ng Paghahayag: Ang Paglalahad ng Papel na Ginagampanan ng Pitumpu
Setyembre 2009


Ang Mahabang Salaysay ng Paghahayag: Ang Paglalahad ng Papel ng Pitumpu

Bakit mahalaga ngayon na maunawaan ang kasaysayan ng Pitumpu? Dahil nagpapakita ito ng huwaran kung paano inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban para sa Kanyang Simbahan—at para sa buhay ng bawat isa sa atin.

Elder Earl C. Tingey

Noong Pebrero 8, 1835, ipinaalam ni Joseph Smith kina Brigham at Joseph Young na bubuuin niya ang Labindalawang Apostol at Pitumpu alinsunod sa natanggap niyang pangitain (tingnan sa D at T 107).

At saka sinabi ng Propeta: “‘Nais kong ipaalam ninyo sa lahat ng kapatid na nasa mga branch, na di kalayuan sa lugar na ito, na magtipon sa pangkalahatang kumperensya sa susunod na Sabado. Sa sandaling iyon at doon mismo ay hihirang ako ng labindalawang Natatanging Saksi, na maghahatid ng Ebanghelyo sa mga bansang dayuhan, at ikaw,’ sabi niya (kay Brother Brigham), ‘ay isa sa kanila.’ … At bumaling siya kay Elder Joseph Young nang may pananabik, na para bang lumawak pa ang pangitain sa kanyang isipan, at sinabi ritong, ‘Brother Joseph, ikaw ang ginawa ng Panginoon na Pangulo ng mga Pitumpu.’”

Kahit alam ng mga Young na may ganitong mga katungkulan ng priesthood sa Biblia, “namangha [pa rin] ang mga kapatid na ito” sa mga sinabi ng Propeta.1

Nang sumunod na Sabado, Pebrero 14, hinirang at inorden ang mga miyembro ng Labindalawa, at makalipas ang dalawang linggo hinirang at inorden din ang mga miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu.

Ang dalawang bagay na nakapagkit sa isipan ko na talagang mahalaga sa kasaysayan ng Pitumpu ay kitang-kita sa unang pagtawag na ito ng Pitumpu sa ating dispensasyon: (1) ang katungkulan ng Pitumpu ay batay sa doktrinang nasa mga banal na kasulatan at (2) ang papel ng Pitumpu ay talagang may kaugnayan sa misyon ng Labindalawa. Sa pag-aaral natin ng dalawang mahahalagang puntong ito, ang ikatlo—na singhalaga kung hindi man mas mahalaga rito—ay kitang-kita: inihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban nang taludtod sa taludtod, kaya naging huwaran ang kasaysayan ng Pitumpu sa mga huling araw sa paghahayag sa Simbahan at sa mga tao.

1. Ang Katungkulan ng Pitumpu ay Batay sa Doktrina sa mga Banal na Kasulatan

Ang unang pagbanggit sa Pitumpu ay ang tagubilin sa Lumang Tipan kay Moises at sa “pitong pu ng mga matanda sa Israel”(Exodo 24:1).

Sinabi ng Panginoon kay Moises na gamitin ang Pitumpu upang hindi niya mag-isang dalhin ang kanyang mga pasanin: “Pisanin mo sa akin ang pitong pung lalake sa mga matanda sa Israel … upang sila’y makatayo roon na kasama mo” (Mga Bilang 11:16).

Upang angkop na mabigyan ng kapangyarihan ang Pitumpu, kinuha ng Panginoon ang “espiritu” na taglay ni Moises at ibinigay rin ito sa Pitumpu. “Nang sumakanila ang espiritu, ay nanganghula, nguni’t hindi na sila umulit” (Mga Bilang 11:25).

Kasama rin sa Simbahan ng Bagong Tipan ang katungkulan ng Pitumpu. Tinawag at pinagbilinan mismo ng Tagapagligtas ang Pitumpu (tingnan sa Lucas 10) na katulad ng mga tagubiling ibinigay Niya sa Labindalawa (tingnan sa Mateo 10). Isinugo Niya ang Pitumpu, at ipinaliwanag na “ang nakikinig sa inyo, ay sa akin nakikinig” (Lucas 10:16; tingnan din sa mga talata 1–15).

Ang bisa ng Pitumpu ay nakita nang mag-ulat sila tungkol sa kanilang tungkulin, “na nangagsasabi, Panginoon, pati ang mga demonio ay nagsisisuko sa amin sa iyong pangalan” (Lucas 10:17).

2. Ang Papel ng Pitumpu ay May Kaugnayan sa Misyon ng Labindalawa

Ang papel ng mga Pitumpu na may kaugnayan sa Labindalawa ay lalong nakita matapos Mabuhay na Mag-uli ang Tagapagligtas. Lumago na ang Simbahan kaya’t hindi na kaya ng Labindalawa na tugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga tao. Nang magreklamo na ang ilan na nakakaligtaan na ang mga balo sa pang-araw-araw na paglilingkod, tinugunan ng pagtawag sa mga Pitumpu ang mga hamon ng pag-unlad. Binalikat ng Pitumpu ang ilang pasanin upang hindi makaligtaan ng Labindalawa ang mga gawaing sila lamang ang maaaring gumanap:

“Magsihanap nga kayo, mga kapatid, sa inyo, ng pitong lalake na may mabuting katunayan, puspos ng Espiritu at ng karunungan, na ating mailalagay sa gawaing ito.

“Datapuwa’t magsisipanatili kaming [ang Labindalawa] matibay sa pananalangin, at sa ministerio ng salita” (Mga Gawa 6:3–4).

Ang huwarang ito ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, at ang katungkulan ng Pitumpu kaugnay ng katungkulan ng Labindalawa ay malinaw na isinaad sa makabagong paghahayag:

  • “Ang Pitumpu ay tinawag din na mangaral ng ebanghelyo, at na maging mga natatanging saksi sa mga Gentil at sa buong daigdig” (D at T 107:25).

  • “Ang Pitumpu ay kikilos sa pangalan ng Panginoon, sa ilalim ng tagubilin ng Labindalawa o ng naglalakbay na mataas na kapulungan, sa pagtatayo ng simbahan at pamamahala sa lahat ng gawain ng nabanggit sa lahat ng bansa” (D at T 107:34).

  • Ang Labindalawa ay “[ta]tawagin ang Pitumpu, kung kinakailangan nila ng tulong, na punan ang iba’t ibang tungkulin upang ipangaral at pangasiwaan ang ebanghelyo, sa halip ng iba pa” (D at T 107:38).

  • Ang Pitumpu ay “itinatag para sa mga naglalakbay na elder upang magpatotoo sa aking pangalan sa buong sanlibutan, kung saan man ang naglalakbay na mataas na kapulungan, ang aking mga apostol, ay isusugo sila upang ihanda ang daan sa aking harapan” (D at T 124:139).

Tiwala ako na itinuturing ng bawat Pitumpu ngayon na malaking pribilehiyo ang suportahan ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. At muli ang mga Pitumpu ay tumutulong na masagot ang mga hamon ng paglago ng Simbahan. Samantalang karaniwan ay 3 lamang ang miyembro ng Unang Panguluhan at 12 ang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, maaaring magbago ang mga ranggo at bilang ng Pitumpu.

3. Inihahayag ng Panginoon ang Kanyang Kalooban nang Taludtod sa Taludtod

Nang marating nila ang Salt Lake Valley, ang mga Banal noon, kabilang na ang mga Pitumpu, ay isinugo sa iba’t ibang pamayanan. Ang mga Pitumpu ay inorganisa sa tinatayang 30 korum. Dahil magkakalayo naging mahirap, kung hindi man imposible, na magpulong ang mga miyembro at lider ng Pitumpu sa kanilang mga orihinal na korum.

Dahil dito, noong 1883 mapanalanging inihanda ng Unang Panguluhan ang isang nakasulat na rekomendasyon kung paano at sa anong paraan dapat iorganisa ang Pitumpu.

Noong Abril 14, 1883, tinanggap ng Panginoon ang rekomendasyon at inihayag: “Ang isinulat ninyo ay aking kalooban, at katanggap-tanggap ito sa akin: at bukod pa rito … huwag hayaang mabagabag ang inyong mga puso, ni mabahala tungkol sa pangangasiwa at organisasyon ng aking Simbahan at Priesthood at pagsasakatuparan ng aking gawain. Matakot sa akin at sundin ang aking mga batas at ihahayag ko sa inyo, sa pana-panahon, sa pamamagitan ng aking mga hinirang, ang lahat ng kailangan para umunlad at maging sakdal ang aking Simbahan, para maisaayos at mapalaganap ang aking kaharian, at maitayo at maitatag ang aking Sion.”2

Ang huwarang ito ng paghahayag “sa pana-panahon” ay makikita sa pag-aaral ng kasaysayan ng Pitumpu—isang pag-aaral na nagpapamalas kung paano nabuo nang taludtod sa taludtod ang mga katungkulan, tungkulin, at responsibilidad ng Pitumpu alinsunod sa saligang doktrina ng mga banal na kasulatan. Sabi ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang mga kaganapang naglalahad sa organisasyon ng Pitumpu “ay magpapatunay na pagpapala ito ng Diyos at huwaran ng paghahayag mismo.”3

Repasuhin natin ang ilan sa malalaking pag-unlad sa kasaysayang ito upang ilarawan ang huwarang ito nang taludtod sa taludtod.

Organisasyon ng Pitumpu. Noong Pebrero 1835, nang tawagin ni Propetang Joseph ang unang mga Pitumpu ng dispensasyong ito, lahat sila noon ay miyembro ng Kampo ng Sion, ang grupong naglakad mula Ohio hanggang Missouri noong 1834 para tulungan ang mga Banal.

Binigyang-diin ni Elder B. H. Roberts (1842–1933) ng Pitumpu na ipinahihiwatig ng serbisyong ito “na ang kalalakihang nararapat sa mataas na katungkulang ito sa Priesthood ng Diyos ay yaong nagsakripisyo para sa gawain ng Diyos, o talagang handang magsakripisyo nang gayon, kahit ibuwis nila ang kanilang buhay para dito.”4

Pag-unlad sa Nauvoo. Habang nakatira ang mga Banal sa Nauvoo, “lubhang dumami ang Pitumpu. … Pagsapit ng unang araw ng Enero, 1845, naging labing-apat na ang mga korum.” Pagkaraan ng isang taon umabot na sa 30 ang mga korum.5

Paghihiwa-hiwalay sa Utah. Ang paghihiwa-hiwalay ng mga Pitumpu nang makarating ang mga Banal sa Utah ang naging dahilan para irekomenda ng Unang Panguluhan noong 1883, na makihalubilo ang mga miyembro ng Pitumpu sa isang korum sa lugar na tinitirhan nila.

Tulad ng nabanggit, tinanggap ng Panginoon ang rekomendasyon ng Unang Panguluhan at nangako na sa pana-panahon, patuloy Siyang maghahayag ng mga kailangang pagbabago. Mukhang nagsisimula pa lang ang mahabang salaysay ng paghahayag!

Mga Korum ng mga Pitumpu sa mga Stake at Misyon. Noong Abril 1953, nang halos 500 na ang mga korum, ipinaalam ng Unang Panguluhan, na nababahala sa ilang Pitumpu na hindi kasapi sa isang korum, na isang korum ng Pitumpu, na pamumunuan ng pitong pangulo, ang dapat buuin sa bawat stake o misyon kung saan may 36 o higit pang mga Pitumpu.6

Sa bawat stake o misyon na wala pang 36 ang mga Pitumpu, isang unit, sa halip na isang korum, ang pamumunuan ng isang pangulo at dalawang tagapayo. Sa gayon ay inorganisa ang mga unit at korum sa magkakasunod na bilang para hindi sila malito. Noong 1974 itinigil ang mga unit ng mga Pitumpu, at bawat stake ay dapat magkaroon ng isang korum. Mga panguluhan ng mga stake quorum ang nagsilbing stake mission presidency.7

Dati-rati, noong Marso 1936, ang gawaing misyonero ay inorganisa na may isang misyon sa bawat stake. Ang mga stake mission ay pinamahalaan ng Unang Konseho ng Pitumpu, sa pamamagitan ng mga stake president.8

Muling Pagbubuo ng Unang Korum ng Pitumpu. Ang pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1975 ay naghatid ng isang makasaysayang pangyayari sa patuloy na mahabang salaysay ng paghahayag. Ipinaalam ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na muling bubuuin ang Unang Korum ng Pitumpu. Ang korum na ito ng mga General Authority ay unti-unting ioorganisa na may 70 miyembro at Pitong Pangulo.9

Makalipas ang isang taon, sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1976, pinalawak ang Unang Korum ng Pitumpu sa pagdaragdag ng Unang Konseho ng Pitumpu at mga Assistant sa Labindalawa. Lahat ng miyembro ng Unang Korum ay inorden sa katungkulan ng high priest at maging sa katungkulan ng Pitumpu.

Ipinaliwanag ni Pangulong Kimball: “Sa hakbang na ito, ang tatlong namumunong korum ng Simbahan na inilarawan sa mga paghahayag—ang Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, at Unang Korum ng Pitumpu—ay nailugar ayon sa pahayag ng Panginoon. Dahil dito, posibleng maasikasong mabuti ang mabigat na gawain ngayon at mapaghandaan ang paglawak at mabilis na pagsasagawa ng gawain, na inaasam ang araw ng pagbalik ng Panginoon upang pamahalaan mismo ang Kanyang simbahan at kaharian.”10

Pagtitigil ng mga Stake Quorum. Noong Oktubre 4, 1986, lahat ng stake quorum ng Pitumpu ay itinigil, at ang mga Pitumpu na nasa stake ay naging miyembro ng mga elders quorum o inorden sa katungkulan ng high priest. Sa gayon ay nakareserba ang katungkulan ng Pitumpu sa mga General Authority ng Simbahan.11

Pagbubuo ng Pangalawang Korum. Noong Abril 1, 1989, nilikha ang Pangalawang Korum ng Pitumpu.12 Sinimulan nito ang pagsasaayos ng dalawang Korum ng Pitumpu: ang Una bilang mga General Authority na magiging mga emeritus sa edad na 70 at ang Pangalawa bilang mga General Authority sa loob ng limang taon.

Pagtawag ng mga Area Authority. Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1995, lahat ng regional representative ng Labindalawa ay ini-release simula Agosto ng taong iyon, at ipinaalam ang katungkulan ng Area Authority. (Ang regional representative ay isang katungkulan sa Simbahan na pinasimulan noong 1967 upang mag-train sa mga lider ng stake at ward.)

Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) tungkol sa mga Area Authority: “Sila ay mga high priest na pipiliin mula sa mga dati at kasalukuyang bihasang mga lider ng Simbahan. Magpapatuloy sila sa kasalukuyan nilang trabaho, titira sa sarili nilang tahanan, at maglilingkod sa Simbahan. Ang tagal ng kanilang panunungkulan ay karaniwang pabagu-bago sa loob ng halos anim na taon. Makikipag-ugnayan silang mabuti sa mga area presidency.”13

Tungkulin ng mga Area Seventy. Pagkaraan ng dalawang taon, noong Abril 1997, ipinaalam ni Pangulong Hinckley na ang mga Area Authority ay ioorden na mga Pitumpu at makikilala bilang mga Area Authority Seventy (na tinatawag ngayong mga Area Seventy). Ito ang simula ng makabuluhang pagdami ng mga Pitumpu at ng kanilang mga responsibilidad.

Ipinaliwanag ni Pangulong Hinckley, “Bilang mga Pitumpu tinawag sila upang ipangaral ang ebanghelyo at maging natatanging mga saksi ng Panginoong Jesucristo ayon sa nakalahad sa mga paghahayag.”14

Ipinaliwanag ni Pangulong Hinckley na ang mga Kapatid na ito ay makikipag-ugnayan sa korum. Binuo niya ang Pangatlo, Pang-apat, at Panlimang Korum ng Pitumpu ayon sa kani-kanilang lugar.

Mula noon, namuno na ang mga Area Seventy sa mga member-missionary coordinating council (na binubuo ng mission president at lahat ng stake president sa misyon). Kalaunan tinawag nang coordinating council meeting ang miting na ito, at pinalawak ang agenda para maisali ang karamihan sa mga programa ng Simbahan at iba’t ibang alalahanin ng mga stake.

Pinalawak na mga Tungkulin ng Panguluhan ng Pitumpu. Noong Abril 2004 ini-release ang mga miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu bilang mga Executive Director ng mga pangunahing departamento sa headquarters, at inatasan ang ibang mga Pitumpu sa mga posisyong ito. Pagkaraan ng ilang buwan, noong Agosto 2004, pinamahalaan na ng Panguluhan ng Pitumpu ang lahat ng 11 area ng Simbahan sa North America at tinulungan ang Labindalawa sa pangangasiwa sa lahat ng area sa buong mundo.

Nagsimulang makipagpulong ang Panguluhan ng Pitumpu sa Labindalawa tuwing Martes. Nakakaasa ang Labindalawa sa Panguluhan ng Pitumpu dahil ang panguluhan ay “pipili ng iba pang pitumpu [at] mamumuno sa kanila”(D at T 107:95).

Ang Pitumpu Ngayon

Ang mahabang salaysay ng paghahayag sa organisasyon at mga tungkulin ng Pitumpu ay nagpapatuloy pa ngayon. Kamakailan lang pinagsama-sama ng Unang Panguluhan ang mga international area ng Simbahan at dinagdagan ang mga tungkuling administratibo ng mga Pitumpu na naglilingkod sa mga Area Presidency.15

Paano kaya naunawaan ni Joseph Smith nang iorden niya ang unang mga Pitumpu na ang katungkulang ito ay lalago at kabibilangan, sa ngayon, ng 315 Pitumpu sa walong korum sa buong mundo? Pinatototohanan ko na hindi na iyon kailangang malaman ni Joseph dahil alam iyon ng Panginoon at ang itinatag ni Joseph ay isang saligan sa mga huling araw batay sa mga doktrina sa mga banal na kasulatan at sa isang “pangitaing nagpapakita ng orden ng Pitumpu” (D at T 107:93).

Pinapatnubayan ng Panginoon ang paglalahad ng kasaysayan ng Pitumpu mula sa simula at sa bawat sumunod na pag-unlad nito kaya nasunod ng katungkulan ng Pitumpu ang nakasaad sa banal na kasulatan tungkol dito. Bakit dapat pag-aralan ang kasaysayang ito ng paglalahad? Tulad ng paliwanag ni Pangulong Packer, ito ay “isang huwaran ng paghahayag mismo.” Taludtod sa taludtod, inihayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban para sa Pitumpu, at alam kong patuloy Niya itong gagawin para sa Pitumpu—at para sa inyo at sa akin bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan.

Mga Tala

  1. Joseph Young, “History of the Organization of the Seventies” (1878), 1–2, na sinipi sa History of the Church, 2:181, paunawa.

  2. Sa James R. Clark, nagtipon, Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 na tomo (1965–75), 2:354; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  3. Boyd K. Packer, “The Seventy Is an Especial Witness of Jesus Christ” (mensaheng ibinigay noong Set. 29, 1987), 10.

  4. B. H. Roberts, The Seventy’s Course in Theology, First Year (1907), 6.

  5. B. H. Roberts, The Seventy’s Course in Theology, (8),–9.

  6. Tingnan sa Conference Report, Abr. 1953, 51.

  7. Tingnan sa liham ng Unang Panguluhan, Okt. 11, 1974.

  8. Tingnan sa “A New Plan for Missionary Work in the Stakes of Zion,” Improvement Era, Mayo 1936, 273.

  9. Tingnan sa Spencer W. Kimball, “The Time to Labor Is Now,” Ensign, Nob. 1975, 4.

  10. Spencer W. Kimball, “The Reconstitution of the First Quorum of the Seventy,” Ensign, Nob. 1976, 9.

  11. Tingnan sa Ezra Taft Benson, “Godly Characteristics of the Master,” Ensign, Nob. 1986, 48.

  12. Tingnan sa Thomas S. Monson, “The Sustaining of Church Officers,” Ensign, Mayo 1989, 17.

  13. Gordon B. Hinckley, “This Work Is Concerned with People,” Ensign, Mayo 1995, 52.

  14. Gordon B. Hinckley, “May We Be Faithful and True,” Ensign, Mayo 1997, 6.

  15. Tingnan sa liham ng Unang Panguluhan, Hunyo 19, 2008.

Itaas kaliwa: Inoorden ni Joseph Smith si Parley P. Pratt bilang Apostol, ni Walter Rane

Isinugo ang mga Pitumpu, ni Del Parson

Larawang kuha ni Craig Dimond

Itaas, mula kaliwa: Ang mga unang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol at ang mga unang Pitumpu ay inorden noong Pebrero 1835. Ang pitong pangulo ng Pang-30 Korum ng Pitumpu kasama ang kanilang kalihim, mga 1890. Mga miyembro ng Pang-88 Korum ng Pitumpu kasama ang kanilang mga pamilya, Marso 1897.

Ang Una at Pangalawang mga Korum ng Pitumpu, 2006.