Ang Simbahan Ba o Ang Kasintahan Ko?
Diego Ortiz Segura, Costa Rica
Sumapi sa Simbahan ang lola ko sa ina noong 1962. Nabinyagan din ang mga anak niya, pero makalipas ang ilang panahon hindi na sila gaanong aktibo. Makalipas ang ilang taon, mula sa Costa Rica ay lumipat sa Estados Unidos ang isa sa kanila, ang tita ko, at naging aktibo sa Simbahan doon.
Noong tinedyer ako binisita ko ang tita ko noong 1991. Habang naroon ako ipinakilala niya ako sa mga full-time missionary, at ilang beses ko silang nakausap sa bahay ng tita ko. Itinanong nila kung gusto kong matuto pa tungkol sa ebanghelyo, pero sabi ko hindi ako interesado.
Umuwi ako sa Costa Rica, gayunpaman binisita ako roon ng mga misyonero. (Ibinigay sa kanila ng tita ko ang address ko.) Hindi pa rin ako interesado sa mensahe nila, kaya pinaalis ko sila.
Apat na taon ang lumipas. Idinedeyt ko ang isang dalagang matagal ko nang kaibigan, at nauwi ang relasyon namin sa pagtatakda ng kasal. Habang iniisip ko ang kinabukasan namin, nabaling ang puso ko sa mga bagay na espirituwal, at sinabi ko sa nobya ko na gusto kong makilala ang Diyos. Nagpasiya kaming dalawa na magsisimba para makilala Siya. Samantala lihim kong hiniling sa Diyos na magkaroon ako ng mga pagkakataong makilala Siya.
Sa panahong ito ng pagsasaliksik, muling kumatok sa pintuan ko ang mga misyonero mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Inis sa pagbalik nila, pinaalis ko sila, at saka ko isinara ang pintuan. Pero sa sandaling iyon, may pumasok sa isip ko: “Ipinagdarasal mong makilala ang Diyos. Paano kung may sagot ang mga lalaking ito para sa iyo?”
Muli kong binuksan ang pintuan at tinawag ang mga elder. Inanyayahan ko silang pumasok at turuan ako.
Agad kong natuklasan ang bisa ng mga katotohanang itinuro nila, at tinanggap ko ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Makaraan ang tatlong linggo, noong Marso 12, 1995, nabinyagan ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Hindi natuwa ang kasintahan ko sa desisyon ko. Isang gabi pagkaraan ng mga tatlong buwan, sinabihan niya akong pumili sa pagitan niya at ng Simbahan. Napakasaklap na desisyon! Matapos ang matagal na pagninilay at pag-iisip, pinili ko ang Simbahan.
Nadama kong tama ang desisyon ko, pero ang mga buwang sumunod matapos kaming maghiwalay ay madilim na panahon sa buhay ko. Magkagayunman, nakakita ako ng pag-asa sa pamumuhay ng bago kong relihiyon, lalo na nang makilala ko ang Ama sa Langit, tulad ng ipinagdasal ko.
Isang taon matapos akong mabinyagan, umalis ako para mag-full-time mission sa Nicaragua. Ang paglilingkod ko roon ay nagdulot sa akin ng malaking kagalakan, at lumawak ang kaalaman at pagmamahal ko sa aking Ama sa Langit. Ilang buwan pagkauwi ko mula sa Nicaragua, nakilala ko si Lili, ang babaeng mapapangasawa ko kalaunan.
Hindi laging madaling unahin sa buhay natin ang ebanghelyo. Mahihirap ang mga desisyong ginawa ko. Pero natutuhan ko noon—at patuloy kong natutuhan mula noon—na tuwing nagsasakripisyo tayo para makilala ang ating Ama sa Langit, ihahayag Niya ang Kanyang kalooban para sa atin at sa ating buhay. Ang kaligayahang nagmumula sa pagsunod sa Kanyang plano at mga utos ay lagi nang karapat-dapat pagsikapan.