Kaibigan sa Kaibigan
Paano Makitungo sa Iba
Mula sa isang interbyu kay Elder Francisco J. Viñas ng Pitumpu, na kasalukuyang naglilingkod bilang Pangulo ng Caribbean Area Presidency; ni Sarah Cutler
“Sa pamamagitan ng pagibig ay mangaglingkuran kayo” (Mga Taga Galacia 5:13).
Paano kayo bumubuo ng walang hanggang pamilya? Ang unang hakbang ay matuto mula sa inyong mga magulang. Nabinyagan ang mga magulang ko noong 1951, noong apat na taong gulang ako. Kabilang kami sa mga unang miyembro ng Simbahan sa Uruguay.
Mula sa mga magulang ko natuto akong makitungo sa ibang tao. Tinuruan nila akong tumulong sa lahat, kahit sa mga hindi namin kababayan o kakultura. Minsan isang Norwegian na kapitan ng barko ang dumating sa Uruguay. Nag-iisa siya, malayo sa kanyang pamilya. Inanyayahan siya ng pamilya ko na sa amin na tumira. Marami nang nakatira noon sa maliit na bahay namin, pero nagdagdag pa kami ng isa.
Ang nakita kong pangangalaga ng mga magulang ko sa iba ay nagturo sa akin ng simpleng alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo: kaibiganin ang iba, pakitunguhan sila nang maayos, at huwag silang husgahan. Maging mabait, tulungan ang mga tao kapag may kailangan sila.
Nakita ko rin kung paano naglingkod sa Simbahan ang mga magulang ko at paano nila tinulungan ang mga misyonero. Bago ako natawag na lider ng priesthood, nasanay na ako nang husto ng mga magulang ko sa bahay namin.
Kapag mas maaga ninyong ipinamuhay ang ebanghelyo, mas gaganda ang buhay ninyo. Balang-araw maipapasa ninyo ang mensahe at pamanang ito ng ebanghelyo sa inyong mga anak at sa kanilang mga anak. Masisimulan ninyo ang bagong henerasyon ng isang walang hanggang pamilya kung matututuhan ninyo ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo.
Ang halimbawa ng aking mga magulang ay isang dakilang pamana sa akin at sa aking pamilya. Sana magpatuloy ito sa lahat ng darating na henerasyon. Maganda ang relasyon naming mag-asawa sa aming mga anak. Sinikap naming ipaunawa sa kanila kung ano ang itinuro sa akin ng aking mga magulang, na kung mamahalin at tutulungan ninyo ang iba, pagpapalain kayo. Maraming hamon ang aming mga anak, pero lahat sila ay nabuklod sa templo. Aktibo sila sa Simbahan, at sana ipasa nila ang pamanang ito sa susunod na henerasyon.
Ang aking mga apo ang ikaapat na henerasyon ng aming pamilya sa Simbahan. Sana maibahagi namin sa kanila ang kakayahang iyon na tanggapin, tulungan, at pasiglahin ang iba. Sinisikap naming bumuo ng isang pamilyang nakasalig sa pananampalataya kay Jesucristo at sa matibay na patotoo sa Kanyang ebanghelyo.