Halina’t Pakinggan ang Tinig ng Isang Propeta
Pagpapakita ng Pagmamahal na nasa Puso Mo
Mula sa “The Doorway of Love,” Liahona, Okt. 1996, 4, 5, 6.
Mahilig sa tula si Pangulong Monson. Madalas siyang bumanggit ng mga tula sa kanyang mga mensahe, kabilang na ang tula sa ibaba na, “Sino’ng Tunay na Nagmahal?” Nakalimbag ito sa isang lumang textbook na nakatulong sa pagtuturo ng pagbasa sa mga bata.
Ang pagmamahal ay nagpapabago. Ang pagmamahal ay nagpapagaling ng kaluluwa. Ngunit ang pagmamahal ay hindi lumalago na gaya ng mga ligaw na damo o bumabagsak na gaya ng ulan.
Itinuro ni Jesus, “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa” (Juan 13:34).
Matututuhan ng mga batang musmos ang aral tungkol sa pagmamahal. Madali silang tumugon sa isang paboritong talata:
“Mahal kita, Inay,” ang sabi ng munting si John;
Pagdaka’y nagsumbrero’t gawai’y kinalimutan,
Lumabas sa hardin doo’y nagduyan,
Ina’y iniwang panggatong ay pasan.
“Mahal kita, Inay,” si Nell naman ang nagsalita;
“Pagmamahal ko’y di masambit ng dila;”
At siya’y nanudyo’t sumimangot buong umaga,
Ina niya’y nagalak nang lumabas at maglaro siya.
“Mahal kita, Inay,” ang sabi ni Fan;
“Hangga’t kaya ko kita’y tutulungan;
Kaysaya ko’t nagpauwi na ang paaralan!”
At kanyang pinatulog ang sanggol sa duyan.
Walis ay kinuha nang dahan-dahan,
At saka nagwalis, alikabok ay pinunasan;
Siya ay maghapong abala at masaya,
Tulad ng gagawin ng isang matulunging bata.
“Mahal kita, Inay,” muli nilang sinabi—
Bago natulog ang tatlong batang munti;
Paano sa palagay ninyo nahulaan ng ina
Kung sino’ng tunay na nagmahal sa kanya?1
Ang hangaring magpasigla, kahandaang tumulong, at kabutihang-loob na magbigay ay nagmumula sa isang pusong puspos ng pagmamahal. Ang tunay na pagmamahal ay larawan ng pag-ibig ni Cristo.