Mga Kuwento sa Campfire at mga Patotoo
“Kaya nga, ipahayag ang mga bagay na inyong narinig, at tunay na pinaniwalaan, at alam na totoo” (D at T 80:4).
Ring! Iyon ang huling tunog ng bell ng paaralan sa Biyernes ng hapon. Tumayo ako mula sa mesa ko at humangos sa pintuan. Niyaya kami ng dalawa pang batang lalaki ng kaibigan kong si Kent na magkamping noong gabing iyon sa bahay niya. Dalawang linggo kong kinasabikan iyon.
Pagkauwi ko mula sa paaralan, tinipon ko ang aking tulugan, unan, flashlight, mga komiks, at isang supot ng meryenda. Pagdating ko sa bahay ni Kent, inilalatag pa lang nila ng tatay niya ang tolda. Naghalinhinan kami sa pagpukpok sa mga pantulos para mapatatag ang tolda sa lupa.
Pagkatapos ay nag-ihaw ng mga hamburger ang tatay ni Kent, at lahat kami ay naglaro ng tagu-taguan sa kakahuyan. Paglubog ng araw, sinindihan namin ang aming mga flashlight at naglibot.
Pagkaraan ng ilang sandali, pinabalik na kaming lahat ng nanay ni Kent mula sa kakahuyan at pinapatulog na kami. Nagtakbuhan kami sa tolda, naglatag ng mga tulugan, at nagpahinga. Di nagtagal nagsalu-salo kami sa meryenda at nakinig sa ilang kamangha-manghang mga kuwento ng pakikipagsapalaran ni Kent. Laging kami ang ginagawang mga bida ni Kent sa mga kuwento niya. Lagi kaming nakakalipad, at lagi kaming nagliligtas.
Nang maghatinggabi na, napagod na ang lahat at nakatulog. Dinig ko ang huni ng mga kuliglig sa gabi at ang pagdaan ng tren sa dako pa roon. Naisip ko ang mga kuwento ni Kent. Natanto ko na kahit maraming naikuwento si Kent sa akin na magaganda, may isang mahalagang kuwentong hindi niya alam. Ito ay ang tunay na kuwento ni Joseph Smith at ng Panunumbalik ng ebanghelyo. Kapag lalo kong iniisip ito, lalo kong nadarama na dapat kong ibahagi ang espesyal na kuwentong ito sa kaibigan ko.
“Kent, gising ka pa ba?”
“Oo. Bakit?”
Bumilis ang kabog ng dibdib ko at kinabahan ako, pero nagpatuloy ako.
“Naisip ko lang. Naniniwala ka ba sa Diyos?”
“Oo naman,” sabi niya.
“Naniniwala ka ba sa mga propeta sa Biblia?”
“Oo,” sabi ni Kent na naupo sa kanyang tulugan.
“Paano kaya kung sabihin ko sa iyo na may buhay na propeta sa daigdig ngayon, gaya ng nasa Biblia?”
“Ano’ng ibig mong sabihin—isang propetang gaya ni Moises?”
“Oo, iyan mismo ang ibig kong sabihin.”
“Aba, kakaiba iyan,” sabi niya. “Ikuwento mo nga sa akin iyan.”
Nagsimulang maglaho ang kaba ko, at napalitan iyon ng pananabik. Ikinuwento ko kay Kent si Propetang Joseph Smith at kung paano ipinanumbalik ang ebanghelyo sa lupa. Ikinuwento ko sa kanya ang tungkol sa buhay na propeta at mga apostol sa lupa ngayon.
Pagkatapos ko, tinanong ko si Kent kung ano ang palagay niya tungkol dito.
Ilang sandali siyang natahimik. “Palagay ko kamangha-manghang kuwento iyan kaya’t kailangan ko talagang pag-isipan. Talaga bang naniniwala ka roon?”
“Oo, talaga.” Sumigla ang puso ko, at alam kong nasabi ko ang gustong ipasabi ng Ama sa Langit. Nagdasal ako nang taimtim na malaman mismo ni Kent na ang sinabi ko ay totoo.
Kalaunan ay nalaman ko na nagdasal nga si Kent para masagot ang tanong niya. Ibinahagi rin niya ang natutuhan niya sa kanyang mga magulang. Di naglaon pinag-aaralan na ng pamilya ni Kent ang ebanghelyo at nakikipagkita na sa mga misyonero. Di nagtagal nabinyagan at nakumpirmang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang buong pamilya ni Kent.
Kahit maraming taon na ang nakalipas mula noon, matalik na magkaibigan pa rin kami ni Kent. Kapwa kami nagmisyon, at sabay na nag-aral sa Brigham Young University. Tuwang-tuwa ako na pinag-ukulan ko ng panahon ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa kaibigan ko.