2009
Ang mga Kaibigan ay Malamang na Matulad sa Iyo
Setyembre 2009


Ang mga Kaibigan ay Malamang na Matulad sa Iyo

Maiimpluwensyahan tayo ng ating mga kaibigan. Ngunit kapag ipinamuhay natin ang ebanghelyo, maiimpluwensyahan din natin sila.

Noon pa ay hanga na ako sa mga pagbabagong dulot ng halimbawa ng kapatid kong lalaki sa ilang kaklase niya. Sa pakikipagkaibigan nila sa kanya, naging mas mabubuting tao sila. Dahil sa kanyang halimbawa, nalaman ko na ang kasabihang “Mag-ingat sa pagpili ng mga kaibigan dahil malamang na matulad ka sa kanila” ay maaari ding mangahulugan ng “Mag-ingat sa pagpili ng mga kaibigan dahil malamang na matulad sila sa iyo.”

Noong nag-aaral pa ako, isang grupo lang ng mga kaibigan ang nakabarkada ko. Ngunit isang taon, may bagong estudyanteng nag-aral sa aming paaralan, at di tulad ko, popular siya. Pero kahit paano naging magkaibigan pa rin kami. Nang sumunod na mga buwan, naging mas malapit kami sa isa’t isa hanggang sa maging matalik kaming magkaibigan.

Nakasanayan ko nang magpunta sa seminary paglabas ko ng paaralan. Isang araw itinanong niya kung saan ako nagpupunta araw-araw. Nagpasiya akong ipaliwanag ang lahat tungkol sa Simbahan, pero nakita ko sa kanyang mukha na hindi ito ang pinakamainam na paraan para kausapin siya. Kaya’t tumigil ako sa pagsasalita.

Pagkaraan ng ilang buwan nagkasabay ang pagpunta ng mga elder sa bahay at ang pagkikita-kita namin doon ng ilang kaibigan ko para gumawa ng homework. Isa sa kanila ang kaibigang ito, kaya’t hiniling ko sa mga elder na magsalita ng kaunti tungkol sa Simbahan. Interesado siya sa kanilang sinasabi. Natanto niya na may ilang bagay sa buhay ko na kaiba sa ginagawa niya at ng iba pa niyang mga kaibigan, at gusto niyang malaman kung bakit. Nagsimula siyang magsimba, dumalo sa Mutwal, at seminary, at nakita niya na lahat ng kaibigan ko sa Simbahan ay katulad ko, na iisa ang mga tuntunin. Di nagtagal nagpasiya siyang magpabinyag.

Sa kanyang binyag, hiniling ng bishop na magpatotoo siya. Tumayo siya at sinabing: “Narito ako ngayon at salamat sa isang kaibigan at sa kaibhan niya sa ibang tao. Sana makita rin ng lahat ang mga kaibhan ninyo.”

Sana sikapin nating kaibiganin ang iba, gusto man nila tayo o hindi. Malay natin kung sino ang malamang na maging miyembro ng totoong Simbahan ng Panginoon, na katulad natin.

Paglalarawan ni John Zamudio