2009
Alam Kong Ito ay Totoo
Setyembre 2009


Maiikling Mensahe

Alam Kong Ito ay Totoo

Bata pa ako ay narinig ko nang magpatotoo ang mga miyembro ng Simbahan tungkol sa Aklat ni Mormon. Akala ko ang mga salitang “Alam kong ito ay totoo” ay nakagawian na lang sambitin ng bawat miyembro. Nalaman ko lang ang katotohanan ng mga salitang ito nang magmisyon ako sa Nigeria.

Isang gabi pauwi na kami ng kompanyon ko. Nagbisikleta kami sa madilim at baku-bakong daan na nagkasira-sira na dahil sa ulan. Dahil sa tubig at sa kundisyon ng daan, sumadsad ang kompanyon ko at nalaglag mula sa kanyang bisikleta. Ang kanyang damit, scripture bag—lahat ng dala niya—ay naputikan at nabasa.

Pagdating namin sa aming apartment, maingat naming nilinis at pinatuyo ang lahat ng nasira sa aksidente—maliban sa dalawang kopya ng Aklat ni Mormon na nasa bag pa rin niya matapos kaming magturo sa maghapon. Akala ko hindi na namin kailangang alalahanin pa ang mga kopyang iyon dahil marami pa kami nito sa apartment.

Ilang buwan makalipas ang insidente, naghahanap ako noon ng paraan para maayos ang napunit na pabalat ng aking himnaryo. Nakita ko ang narumihang mga kopya ng Aklat ni Mormon na pinabayaan namin sa isang istante at nakita kong magandang ipambalat sa himnaryo ko ang magkabilang takip nito. Ngunit nang gugupitin ko na ang mga pabalat ng aklat, nakonsiyensya ako: “Hindi ba ito ang aklat na ipinapangaral ninyo? Ganito ba ang pagtrato rito? Ano ang iisipin ng mga investigator mo?” Naupo ako at matagal na nagbulay-bulay. Pagkatapos, sa halip na gupitin ang mga pabalat, nilinis ko ito ng tubig na may sabon, pinatuyo, at maingat na ibinalik sa aming istante.

Mula sa karanasang ito nalaman ko na matagal akong sumandig sa hiram na patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon, kahit nakapag-aral ako sa seminary at institute. Simula noon mas napalapit ako sa aklat na ito, at lalo ko itong pinahalagahan. Natanto ko na ang pananalig natin sa kasagraduhan ng Aklat ni Mormon ay dumarating kapag nalaman natin ito sa mga karanasan ng ating puso. Sa pagbabasa, pagbubulay-bulay, at pagsunod sa mga turo ng Aklat ni Mormon, nalaman ko na ito ay totoo.

Paglalarawan ni Gregg Thorkelson