Bakit Tayo Gumagawa ng Gawaing Misyonero?
Mula sa isang mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission president noong Hunyo 23, 1992.
Ang layunin ng ating gawaing misyonero ay tulungan ang mga anak ng Diyos na marating ang kundisyong itinakda ng ating Tagapagligtas at Manunubos.
Ang batayang doktrina ng gawaing misyonero ay nasa pahayag ng Tagapagligtas kay Nicodemo: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios” (Juan 3:5).
Ang “kaharian ng Diyos” na binanggit dito ay ang kahariang selestiyal.
Hindi tayo nangangaral at nagtuturo para “dalhin ang mga tao sa Simbahan” o dagdagan ang mga miyembro ng Simbahan. Hindi tayo nangangaral at nagtuturo para lamang hikayatin ang mga tao na pag-igihin ang kanilang buhay. Iginagalang at pinasasalamatan natin ang maraming ministro at ang iba pang sangkot sa uri ng ministeryo na pinabubuti ang masasamang tao at pinabubuti pa ang mabubuting tao. Mahalaga iyan, ngunit higit pa riyan ang iniaalok natin. Ang isang tao ay maaaring maging karapat-dapat sa kahariang terestriyal sa halip na sa kahariang telestiyal nang walang tulong ng Simbahang ito. Iniisip natin ang mas mataas pang patutunguhan.
Ang layunin ng ating gawaing misyonero ay tulungan ang mga anak ng Diyos na marating ang kundisyong itinakda ng ating Tagapagligtas at Manunubos. Tayo ay nangangaral at nagtuturo upang binyagan ang mga anak ng Diyos para mapunta sila sa kahariang selestiyal sa halip na sa mas mababang kaharian. Gumagawa tayo ng gawaing misyonero upang magbinyag at magkumpirma. Iyan ang batayang doktrina ng gawaing misyonero.
Binibigyan tayo ng ipinanumbalik na ebanghelyo ng dagdag na kaalaman tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina. Ngunit ang kakaibang katangian ng ating mensahe ay hindi lamang dagdag na kaalaman. Ang pangangailangan sa binyag ay nagpapaalala sa atin na ang mga katotohanang itinuturo natin ay makabuluhan. Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay binubuo ng mga doktrina at mga ordenansa. Ipinapangaral natin na kailangan ang binyag upang matubos tayo sa mga kasalanan batay sa mga kundisyong itinakda ng Manunubos at na mga elder lamang ng Simbahang ito ang may awtoridad mula sa Diyos kaya nagiging ordenansa ng walang hanggang ebanghelyo ang paglulubog sa tubig. Ang ating pangangaral at pagtuturo ay dapat humantong sa binyag.
Kailangan ang binyag, ngunit bakit? Bakit kailangang mabinyagan sa ganitong paraan at sa pamamagitan ng isang taong maytaglay ng gayong awtoridad? Hindi ko alam. Ngunit ang alam ko ang pagpapatawad sa mga kasalanan ay posible lamang dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at itinakda Niya ang kundisyong iyon, nang paulit-ulit. Tinubos ng Kanyang sakripisyo ang aking mga kasalanan, at itinakda Niya ang mga kundisyon para mailigtas ako ng Kanyang ginawang pagbabayad. Sapat nang dahilan iyon para sa akin.
Tulad ng sabi sa atin ng mga propeta ng dispensasyong ito, ang layunin ng mga misyonero sa pagpunta sa misyon ay magligtas ng mga kaluluwa, magbinyag ng mga nagbalik-loob, nang mabuksan ang mga pintuan ng kahariang selestiyal sa mga anak ng Diyos.
Walang ibang makakagawa nito.
Hindi ito magagawa ng ibang mga simbahan.
Hindi ito magagawa ng mabuting pamumuhay ng isang Kristiyano.
Hindi ito magagawa ng mabuting pananampalataya, mga hangarin, at pangangatwiran.
Tanging priesthood ng Diyos lamang ang makapagsasagawa ng binyag na tutupad sa banal na utos na “maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios” (Juan 3:5).
Ang batayang doktrina ng gawaing misyonero ay ang salita ng Diyos, na inihayag sa bawat panahon, na ang tao ay hindi maliligtas sa kahariang selestiyal kung wala ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo at ang tanging paraan upang makinabang sa Pagbabayad-salang iyon ay sundin ang utos ng may-akda nito: “Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo” (Mga Gawa 2:38). Pinatutulong tayo sa dakilang gawaing ito.