Sino ang Handa?
Akala ko handa nang makinig ang kaibigan ko sa ebanghelyo, kung gayo’y bakit ko natanggap ang paramdam na ito?
Noong senior na ako sa hayskul, ipinagdasal kong akayin ako ng Espiritu sa isang taong handa nang makinig sa ebanghelyo. Naisip ko ang isang kaibigan habang nagdarasal ako. Ang kaibigan kong ito, si Ashley (binago ang pangalan), ay nagpakita ng kaunting interes sa relihiyon ko, at sinusunod na niya ang mga pamantayan ng mga kabataang Banal sa mga Huling Araw. Nakumbinsi ako na panahon na para marinig niya ang ebanghelyo.
Nasa Laurel class presidency ako noon, at sa isang bishopric youth committee meeting, matindi kong nadama na dapat kong imungkahi sa bishop na magkaroon kami ng missionary activity sa Mutwal. Nadama ko na dapat anyayahan ng mga kabataan ng ward namin ang mga kaibigan nilang hindi miyembro sa aktibidad na ito para magtalakayan kasama ang mga misyonerong naglilingkod sa ward namin. Masiglang itinakda ng bishop ko ang aktibidad kasama ang mga elder, at natiyak ko na ito na ang sagot sa matagal ko nang ipinagdarasal. Makakapunta na si Ashley at marami pa siyang malalaman tungkol sa ebanghelyo sa isang kapaligirang hindi niya madarama na pinipilit siya. Tiwala ako na matapos dumalo si Ashley sa talakayan, maaantig siya ng Espiritu, magpapaturo na sa mga misyonero, at sa loob ng isang buwan ay mabibinyagan at makukumpirmang miyembro ng Simbahan.
Nabaling ang pagdarasal ko sa kung paano aanyayahan si Ashley sa aktibidad. Nagdasal ako na sana’y maging kasangkapan ako sa mga kamay ng Panginoon upang maipaalam ang Kanyang plano at ebanghelyo sa isang taong handa nang tumanggap dito. Sa paaralan inanyayahan ko si Ashley sa aktibidad, at sinabi niyang magpapaalam muna siya sa mga magulang niya.
Kinahapunan, tinawagan ako ni Ashley. Sinabi niyang OK naman iyon sa mga magulang niya. Katunayan, ipinaliwanag niya na bago ikinasal ang kanyang mga magulang, may nakasamang dalawang LDS ang kanyang ama sa kuwartong inupahan niya at talagang humanga siya sa kanilang pamumuhay. Tuwang-tuwa ako dahil ang tanging hadlang na nakikita ko ay kung OK ba sa kanyang mga magulang na magbago ng relihiyon si Ashley.
Habang patuloy kong ipinagdarasal ang paparating na missionary activity, nakadama ako ng panatag na katiyakan na talagang kinasangkapan ako ng Panginoon at nalulugod Siya sa akin dahil kumilos ako ayon sa paramdam sa akin sa bishopric youth committee meeting. Sabik kong inasam ang aktibidad. Matagal na kaming magkaibigan ni Ashley, at nasasabik akong magkaroon ng papel sa pagkaalam niya sa ebanghelyo at, mangyari pa, sa pagmimiyembro niya sa bandang huli.
Sa umaga ng aktibidad, nakatanggap ako ng tawag mula kay Ashley. Nagbago ang isip niya at wala nang planong dumalo sa aktibidad. Nanlumo ako at nalito. Noon ko pa ipinagdarasal si Ashley, tiyak kong handa na siya, at siya ang talagang dahilan kaya ako nasabik sa gawaing misyonero. Napahiya rin ako. Habang ipinaplano ang aktibidad, nilinaw ko sa lahat na handa na ang kaibigan kong si Ashley na pag-aralan at tanggapin ang ebanghelyo.
Habang umiiyak ako sa kuwarto ko sa inis, nagsimula akong mag-alinlangan. Kung nagkamali ako kay Ashley, siguro nagkamali rin ako sa paniniwala na ang talakayan kasama ang mga misyonero ay isang espirituwal na paramdam. Sa nadama kong kawalan ng katiyakan, galit, awa sa sarili, at kabiguan, nagpasiya akong huwag na ring dumalo sa aktibidad.
Pagkaraan ng ilang linggo, habang naglalakad ako sa aklatan ng paaralan, tinanong ako ng kaibigan kong si Brian kung gusto kong dumalo sa kanyang binyag. Hindi kami magkaklase ni Brian noong taong iyon, kaya’t medyo matagal na rin mula nang huli kaming magkita o magkausap. Noong nakaraang taon magkatabi kami sa history class at naging magpartner kami sa isang proyekto sa klase. Ang paksa ng aming proyekto, na basta ibinigay lang ng aming guro, ay “Si Joseph Smith at ang mga Mormon.” Naalala ko na medyo interesado noon si Brian sa paksa habang nagsasaliksik kami. Gayunman, mahilig din siyang magbiro, na sinasabing, “Ipaalala mo sa akin kung pang-ilang asawa ang nanay mo” at “May masayang party sa Linggong ito, pero, teka—Mormon ka, kaya hindi ka masayang kasama.” Dahil doon, itinuring kong biro lang din noong una ang pag-imbita niya sa kanyang binyag dahil sa relihiyon ko. Hindi siya ang tipo ng taong sasapi sa isang simbahan na “mahigpit ang mga pamantayan.”
Pero nagulat ako sa mga sumunod na sinabi niya nang ilarawan niya ang mabilis na pangyayari sa buhay niya nitong nakaraang ilang linggo. Narinig daw niya ang isang kaklase namin at miyembro ng aking ward na inanyayahan ang isang tao sa talakayan sa simbahan ng Mormon. Nang tanggihan ng taong inimbita, tinanong ni Brian sa kaklase namin kung puwedeng siya na lang ang pumunta. Kasunod ng aktibidad, agad siyang nagpaturo sa mga misyonero. Binasa niya ang Aklat ni Mormon. Ipinagdasal niya ito. Nalaman niyang totoo ito. Talagang bibinyagan na siya, at kung gusto ko, puwede akong dumalo. Tutal, sabi niya, ako naman ang unang nagbanggit sa kanya tungkol kay Joseph Smith at sa mga Mormon.
Nagulat ako at natalos kong dininig ng Panginoon ang mga dalangin ko. Ginamit Niya akong kasangkapan noon para mahanap ang isang taong inihanda Niyang makinig at tumanggap sa ebanghelyo. Hindi ko kailanman naisip na anyayahan si Brian na makipagkita sa mga misyonero dahil, sa tingin ko, parang hindi pa siya handa. Hindi tulad ni Ashley.
Sa nakapapakumbabang sandaling iyon natalos ko kung gaano kahalaga na kumilos ako ayon sa lahat ng paramdam na natatanggap ko mula sa Espiritu. Kahit patuloy kong ipinagdarasal na maging handa si Ashley para sa ebanghelyo, may natutuhan akong mahalagang aral mula sa di-inaasahang bunga ng pagtatangka kong ibahagi ang ebanghelyo sa kanya. Ang Panginoon ay laging may layunin sa mga paramdam Niya sa atin, at hindi ko kailangang malaman o hulaan kung ano ito. Sa halip, responsibilidad kong isakatuparan ang paramdam nang buong pagtitiwala at katapatan. Sa pagdarasal kong magkaroon ng mga pagkakataong maging misyonero, sa pagkilos sa mga paramdam, at pagtanggap sa kalooban ng Panginoon, sa halip na sikaping ipilit ang akin, higit akong magsisilbing kasangkapan sa mga kamay ng Diyos at makakatulong sa pagtatayo ng Kanyang kaharian.