2009
Pinakamahalaga
Setyembre 2009


Pinakamahalaga

Ray Taylor, Utah, USA

Nang piliin ko ang ipinintang larawan ng Tagapagligtas, humagikgik ang dalawa sa mga kapatid ko. Kasama pa rin sa mga gamit nina Inay at Itay ang mga bagay na inakala nilang mas mahalaga.

Nakatipon kami sa bahay na kinalakhan namin, kung saan nakatira si Inay nang mamatay siya ilang linggo lang ang nakaraan. Pumanaw si Itay limang taon bago iyon, noong 2001. Oras na para hati-hatiin ang mga gamit nila. Nagpalabunutan kami ng mga numero at ilang piling bagay, ang taong may pinakamababang numero ang unang pipili.

Unang nakuha ang bedroom set, sumunod ang refrigerator, mesang kainan at mga silya, at bagong modelong kotse. Pinili ko ang piyano, kahit hindi ako marunong tumugtog. Masaya kaming nakikinig ng musika sa aming tahanan habang lumalaki ako. Madalas ay si Itay ang ward music director, at pareho silang mahusay kumanta ni Inay. Ang tatay ko, na isang malaking lalaking maganda ang boses, ay hindi tumangging kumanta kahit kailan. Malaking bagay sa akin ang piyano, gayundin ang ipinintang larawan ng Tagapagligtas.

Nang piliin ko ang ipinintang larawan, na nakakuwadro kasama ang isang kopya ng “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,”1 nakasabit iyon sa dingding ng silid pampamilya, kung saan kami nakaupo.

Sa oras na iyon hindi ko mapigil na isipin ang Tagapagligtas, ang plano ng kaligtasan, at kung gaano kahalaga sa akin ang mga magulang ko. At hindi ko mapigilang pasalamatan ang ginawa nilang pagpapalaki sa amin, ang ebanghelyong itinuro nila, at halimbawang ipinakita nila sa amin, pati na ang kahandaan nilang maglingkod.

Nang matawag na bishop si Itay, ipinaalala niya sa stake president na 70 anyos na siya. “Palagay ko nagkamali kayo ng pinili,” wika niya.

“Gaano katanda ba sa palagay mo ang mga Kapatid na nasa Salt Lake City?” patanong na sagot ng stake president. “Hindi ikaw ang una naming pinili. Ni hindi nga ikaw ang pangalawa. Ikaw ang pinili ng Panginoon.”

Alam ni Itay na tinawag siya ng Diyos, at naging mabuting bishop siya. Hindi siya mapagyabang. Hindi siya eksperto sa mga banal na kasulatan. Siya ay mapagpakumbaba na nagpakita ng malaking pag-unawa sa mga miyembro ng ward.

Habang bishop si Itay, naglingkod ako bilang tagapayo sa isa pang bishopric sa stake namin. Sa sabay naming pagdalo sa mga miting sa pamumuno, natuon ang ugnayan namin kay Cristo, at nalaman ko ang espirituwal na bahagi ng kanyang pagkatao.

Nang matawag na bishop si Itay noong 1994, may mga problema na siya sa kalusugan. “Garantisado bang mabubuhay pa ako nang limang taon sa katungkulang ito?” pabiro niyang tanong sa stake president. Dalawang taon pagka-release kay Itay, pumanaw siya.

Naisip ko ang mga bagay na ito matapos naming paghati-hatian ang mga gamit ng mga magulang ko. Nang makauwi kami, humanap ako ng tamang pagsasabitan ng ipinintang larawan ng Tagapagligtas. Nang ibaligtad ko ito, nagulat akong makita na ibinigay pala iyon sa tatay ko: “Lagi naming maaalala si Bishop Taylor bilang isang malaking lalaking may malaking puso.” Nilagdaan iyon ng aming stake presidency: “President Cory, President Carter, President Stubbs.”

Biglang naging mas mahalaga sa akin ang larawan. Ngayon nakasabit ito sa dingding ng bahay ko sa may itaas ng piyano ng mga magulang ko. May ilang bagay pa akong pinili sa lumang bahay namin pero hindi ko pa nakukuha. Hindi na mahalaga iyon. Nasa akin na ang mga bagay na pinakamahalaga.

Tala

  1. “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Liahona, Abr. 2000, 2–3.

Nang ibaligtad ko ang ipinintang larawan, biglang naging mas mahalaga ito sa akin.