2009
Umalis Ka Riyan!
Setyembre 2009


Umalis Ka Riyan!

Mark H. Soelberg, Utah, USA

Noong gabi ng Hulyo 23, 1991, pauwi kami ni Elder Charles Larsen mula sa Auckland International Airport matapos ihatid ang isang misyonerong nakatapos sa kanyang misyon. Taglamig noon sa New Zealand, at ilang araw nang umuulan.

Minamaneho ko ang kotse namin papunta sa malaking Harbour Bridge, na nag-uugnay sa Auckland sa Takapuna. Habang paliko kami sa ibaba ng tulay, nilampasan kami ng isang maliit na kotseng napakabilis ng takbo. Nang papaliko na ang humahagibis na kotse, nawalan ng kontrol ang drayber sa basang daan. Nagpagewang-gewang ang kotse sa kaliwa’t kanan, at sumalpok sa sementong harang, kaya hindi ito nahulog sa tulay papunta sa daungan.

Pagtalbog nang malakas mula sa pader, gumulong ang kotse at pasadsad na huminto. Yanig sa nakita namin, dali-dali kong itinabi ang sasakyan at pinailaw ang hazard. Udyok ng damdamin, lumabas kami ng sasakyan ni Elder Larsen para tingnan kung may maitutulong kami. Bago pa kami nakarating sa kotse, isang lalaki ang lumabas mula sa basag na bintana nito at nagpunta sa tulay pababa sa gilid ng tubig, at nawala sa dilim. Tinawag namin siya, pero hindi siya sumagot.

Pinuntahan ko ang maliit na kotseng wasak, na nakatagilid at nasa ibabaw ang pintuang pampasahero. Wala na ang bintana, kaya dumukwang ako para tingnan kung may tao pa sa loob. Bigla akong nakarinig ng malakas at malinaw na boses na nagsasabing, “Umalis ka riyan!” Gitla sa boses, agad akong umatras. Halos kaagad-agad, isa pang kotse ang humahagibis na lumiko at sumalpok sa wasak na kotseng tinitingnan ko.

Dahil sa palikong iyon sa kalsada at sa mataas na sementong harang, hindi makita ng paparating na mga drayber ang wasak na kotse sa unahan. Ilang kotse pa ang nadagdag sa nawasak. Mabilis kaming tumakbo ni Elder Larsen sa daang paliko, at pinahinto namin ang iba pang mga drayber. Di nagtagal ay dumating ang mga pulis, at nalaman namin na nakaw ang unang kotse.

Pag-uwi namin, naisip kong muntik na akong mamatay at pinasalamatan ko si Elder Larsen sa pagbibigay-babala sa akin sa parating na kotse. Gulat na tiningnan niya ako at sinabing, “Elder Soelberg, wala akong sinabi. Malayo ako sa iyo at ni hindi ko nakita ang paparating na kotse sa kanto.”

Naupo kami roon sandali, na nag-uumapaw ang pasasalamat. Noong gabing iyon lumuhod kami at nagpasalamat sa ating Ama sa Langit sa babalang talagang nagligtas sa buhay ko. Mula noon, maraming beses ko nang naibahagi ang aking patotoo na mahalagang maging handang makinig sa Espiritu ng Panginoon at sa Kanyang tinig.

Bigla akong nakarinig ng malakas at malinaw na boses na nagsasabing, “Umalis ka riyan!”