2009
Tinuturuan Ako ng mga Propeta Kung Paano Patatagin ang Aking Pamilya
Setyembre 2009


Oras ng Pagbabahagi

Tinuturuan Ako ng mga Propeta Kung Paano Patatagin ang Aking Pamilya

“Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko … ; maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38).

Ang mga pamilya ay inorden ng Diyos. Bago tayo isinilang, nabuhay tayo bilang mga espiritung anak na lalaki at babae ng Ama sa Langit. Nang isisilang na tayo sa daigdig, ipinlano ng Ama sa Langit na mapunta tayo sa isang pamilya. Alam Niya na mga pamilya ang pinakamainam na paraan para tulungan tayong maghandang makabalik sa Kanyang piling.

Tumatawag ng mga propeta ang Ama sa Langit para magpatotoo kay Jesucristo at ituro ang Kanyang ebanghelyo. Ipinaaalam ng mga propeta sa mga pamilya kung ano ang kailangan nilang gawin para lumigaya at makabalik sa Kanyang piling.

Mababasa natin ang mga turo ng mga propeta sa mga banal na kasulatan. Mapapakinggan natin ang mga propeta sa pangkalahatang kumperensya. Kung makikinig tayong mabuti, malalaman natin ang nais ipagawa sa atin ng Ama sa Langit. Kung susundin natin ang payo ng propeta, lalago ang ating pananampalataya. Matutulungan nating tumatag ang ating pamilya.

Aktibidad

Pilasin ang pahina K8 mula sa magasin, at idikit ito sa mas makapal na papel. Kapag pinakinggan ninyo ang propeta sa pangkalahatang kumperensya sa susunod na buwan, pakinggan ang itinuturo niya na makakatulong upang mapatatag ang inyong pamilya. Sa mga kuwadro, magdrowing ng mga larawan ninyo at ng inyong pamilya na ginagawa ang itinuro ng propeta. Ilagay ang mga larawan ninyo sa isang lugar na magpapaalala sa inyo at sa inyong pamilya kung ano ang itinuro ng propeta.

Mga Ideya sa Oras ng Pagbabahagi

  1. Tinuturuan ako ng mga propeta sa Aklat ni Mormon kung paano patatagin ang aking pamilya. Ipaliwanag sa mga bata na nakita ng mga propeta sa Aklat ni Mormon ang ating panahon at ang mga panganib na kinakaharap ng ating mga pamilya. Tinuturuan tayo ng mga propeta sa Aklat ni Mormon kung paano protektahan at patatagin ang ating mga pamilya. Gamit ang mga name tag o simpleng costume, ipasadula sa mga bata ang mga salaysay tungkol sa mga propeta sa Aklat ni Mormon na nagtuturo ng mga alituntuning magpapatatag sa ating mga pamilya (tingnan sa “Mga Pagsasadula,” Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 219–20). Halimbawa: Ang kuwento ng paglisan ni Lehi sa Jerusalem kasama ang kanyang pamilya, na nagbibigay-diin sa pagsunod ni Lehi sa mga utos ng Panginoon (tingnan sa 1 Nephi 2:1–7). Ipabasa sa batang gumanap na Lehi ang 2 Nephi 1:4, at saka ipatalakay sa mga bata ang resulta ng pagsunod ni Lehi. Itanong: Kung pinrotektahan at pinagpala ng Panginoon ang pamilya ni Lehi sa pagiging masunurin, ano ang gagawin ng Panginoon kapag masunurin ang inyong pamilya? (Poprotektahan at pagpapalain Niya ang inyong pamilya.) Isadula ang kuwento nang ipagdasal ni Alma ang kanyang anak, si Nakababatang Alma (tingnan sa Mosias 27:8–37). Pag-usapan kung paano makakatulong ang pagdarasal para sa mga kapamilya upang mapatatag ang ating mga pamilya. Hikayatin ang mga bata na tingnan ang mga halimbawa ng iba pang mga propeta sa Aklat ni Mormon na maaari nilang sundan.

  2. Ang propeta ngayon ay tinuturuan ako kung paano patatagin ang aking pamilya. Tulungan ang mga bata na maisaulo ang “Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko … ; maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38; tingnan sa “Pagsasaulo,” Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 226–27). Sabihin sa mga bata na ilalarawan ninyo ang isa sa mga lingkod ng Panginoon. Ipataas ang kanilang kamay kapag nakilala nila kung sino iyon: nagtatrabaho siya sa limbagan; ang gitnang pangalan niya ay nagsisimula sa letrang S, na kumakatawan sa Spencer; siya ang ika-16 na Pangulo ng Simbahan; siya ang buhay na propeta sa daigdig ngayon. Magpakita ng larawan ni Pangulong Thomas S. Monson. Bigyang-diin na kapag nagsasalita siya, parang ang Panginoon ang nagsasalita. Isulat sa pisara at ipaulit sa mga bata ang “Tinuturuan ako ni Pangulong Monson kung paano patatagin ang aking pamilya.” Bigyan ang bawat klase ng ibang sipi ni Pangulong Monson na nagtuturo sa atin kung paano patatagin ang ating pamilya (tingnan sa mga isyu ng kumperensya ng Liahona). Ipatalakay sa mga bata sa kanilang guro ang mga bagay na magagawa nila para maipamuhay ang partikular na turong iyon. Ipabahagi sa isang bata sa bawat klase ang turong iyon. Kantahin ang “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta” (Mga Himno, blg. 15). Magpatotoo na kapag sinusunod natin ang buhay na propeta, sinusunod natin ang Panginoon.