Mga Mensahe mula sa Doktrina at mga Tipan
Ito ang Ating Relihiyon, ang Magligtas ng mga Kaluluwa
Ang isang paboritong himnong madalas nating kantahin sa priesthood meeting ay “Mga Elder ng Israel,” na ang mga titik ay isinulat ni Cyrus H. Wheelock. Mababasa sa ikatlong talata:
Mga kapus-palad, ating tutulungan,
Halimbawa ni Cristo ang susundan;
Puso’y pasiglahin sa ebanghelyo
Landas tungong Sion, ating ituro.1
Noong Sabado bago ang pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1856, dumating si Elder Franklin D. Richards at ilang papauwi nang mga misyonero sa Salt Lake Valley. Iniulat nila kay Pangulong Brigham Young na daan-daang kalalakihan, kababaihan, at batang pioneer ang nakakalat sa mahabang landas patungo sa lambak, na nanganganib sa maagang pagdating ng taglamig. Gutom na ang mga tao, at maraming kariton at bagon ang nasisira. Nagkakamatay ang mga tao at hayop. Lahat sila ay mamamatay kung hindi sila sasagipin.
Linggo ng umaga inatasan ni Pangulong Young ang lahat ng magsasalita sa araw na iyon at sa sumunod na kumperensya na tulungan ang mga pioneer. Sabi niya sa kanyang mensahe:
“Iyan ang aking relihiyon; iyan ang dikta ng Espiritu Santo na sumasaakin. Ang iligtas ang mga tao. …
“Sasabihin ko sa lahat na ang inyong pananampalataya, relihiyon, at pananalig sa relihiyon, ay di makapagliligtas ni isang kaluluwa sa inyo sa Kahariang Selestiyal ng ating Diyos, maliban kung ipamuhay ninyo ang mga tuntuning itinuturo ko sa inyo ngayon. Humayo at dalhin dito ang mga taong nasa kapatagan.”2
Nasa mga miting na iyon si Cyrus H. Wheelock. Naging miyembro siya ng unang grupo ng mga sumagip na umalis sa Salt Lake City noong Oktubre 7 para hanapin ang mga Banal na nagkalat sa kapatagan.
Kalaunan, nag-ulat si George D. Grant, na namuno sa grupo ng mga sumagip, kay Pangulong Young: “Walang saysay na tangkain ko pang ilarawan ang sitwasyon ng mga taong ito, dahil malalaman ninyo ito sa [iba] … ; ngunit makikinita ninyo ang lima hanggang anim na raang kalalakihan, kababaihan at mga bata, na pagod na pagod sa paghila ng mga kariton sa gitna ng niyebe at putik; hinihimatay habang daan; tumutumba, dahil sa ginaw; mga batang nag-iiyakan, naninigas ang mga braso at paa dahil sa lamig, duguan ang mga paa at ilan sa kanila ay lantad sa niyebe at yelo. Halos di matagalang tingnan ng pinakamatapang sa amin ang tanawin; ngunit ginagawa namin ang lahat, nang walang pag-aalinlangan ni pagkasiphayo.”3
Ang teksto ng “Mga Elder ng Israel” ay maaaring nasa isipan na ni Brother Wheelock noong mahihirap na araw na iyon ng 1856. Ang mga sumagip ay talagang tumulong sa mga pagod, gutom, at giniginaw. Pinasigla nila sila at ipinakita sa kanila ang landas papunta sa Sion sa Salt Lake Valley.
Pagliligtas ng mga Tao
Sa ating panahon ng mga jet plane, na wala pang isang araw ang paglalakbay mula Europa hanggang Salt Lake Valley, napakalaki ng ipinagbago ng mga sitwasyon at kalagayan. Ngunit hindi pa rin nagbabago ang pahayag ni Pangulong Young—ang ating relihiyon ay magligtas ng mga tao. Bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon, lagi tayong may obligasyong sagipin ang mga taong may espirituwal at pisikal na pangangailangan. Tulad ng sabi ng Panginoon sa mga elder ng ipinanumbalik na Simbahan noong una: “Alalahanin sa lahat ng bagay ang mga maralita at ang mga nangangailangan, ang maysakit at ang naghihirap, sapagkat siya na hindi gumagawa ng mga bagay na ito, siya rin ay hindi ko disipulo” (D at T 52:40).
Gusto nating maging mga tunay na disipulo ng ating Panginoong Jesucristo. Sinasabi nating mahal natin ang Diyos at gusto nating sundin ang Kanyang mga utos. Tuwing Linggo pinaninibago natin ang ating mga tipan sa binyag, sinasamba ang Diyos sa ating mga miting, at pinupuri Siya sa maraming pagpapalang ipinagkakaloob Niya sa atin. Totoo pa rin ang paalala ni Haring Benjamin: “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).
Kapag gusto ng Panginoon na pagpalain ang buhay ng isang tao o tulungan ang isang nangangailangan, kadalasan ay nagpapadala siya ng kapitbahay, kaibigan, o kapamilya. Ito ang isang paraan ng pagsuporta at pagliligtas Niya sa iba. Sa paggawa nito, tinutulungan Niya tayong maunawaan ang dakilang utos na, “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:39).
Kataka-taka ba na kadalasan ay tayo ang higit na nakikinabang sa pagtulong natin sa iba? Nangako ang Panginoon, “Siya na humahawak sa kanyang panggapas nang buo niyang lakas, siya rin ay nag-iimbak nang hindi siya masawi, kundi nagdadala ng kaligtasan sa kanyang kaluluwa” (D at T 4:4). Ang pagliligtas sa iba ay pagliligtas sa sarili nating kaluluwa.
Pananatiling Nakamulat
Maraming paraan para matulungan natin ang iba at ang mga may pisikal at espirituwal na pangangailangan. Kung mamumuhay tayo nang nakadilat ang mga mata, ipapakita sa atin ng Panginoon ang mga pagkakataong magpapala sa iba at sa ating sarili.
Kailan lang ay dumalo ako sa isang kumperensya ng mga humanitarian missionary ng Simbahan sa Jordan. Habang nag-uusap kami, nakita kong nagni-knitting ang dalawang babae. Sabi nila nagni-knitting daw sila ng maliliit na bonete para sa mga bagong silang na sanggol. Sa gawing hilaga ng kabiserang lungsod ng Amman ay may isang ospital na nagpapaluwal ng 50 sanggol araw-araw. Napakahirap ng mga tao doon. Matapos manganak, pinauuwi na ang mga ina at sanggol sa bahay nila, kung saan walang painitan. Marami sa mga sanggol ang nagkakasakit at namamatay dahil sa pagkawala ng init ng katawan. Humingi ako ng dalawang sampol ng kanilang knitting.
Nang makauwi ako, dinala ng asawa ko ang mga sampol sa Relief Society. Bunga nito, nagsimula ang isang himala—tulad ng napakadalas itong magsimula sa marami sa mga miting natin sa Relief Society sa buong mundo. Sa Kapaskuhan maraming kababaihan mula sa karatig na mga ward ang nagsimulang mag-knitting at manahi ng mga bonete ng mga sanggol. Ginawa nila ito nang mag-isa, kasama ang mga kaibigan, sa bahay, o sa mga aktibidad ng Simbahan.
Isang araw kinumusta ko ang isang kaibigan. May kislap sa matang sumagot siya, “‘Biktima’ ako ng mga bonete ng sanggol. Gabi’t araw naming pinag-uusapan ang mga bonete ng sanggol. Napapalibutan kami ng mga ito.” Tinawag ako ng isang babae at tinanong, “Mainit sa Gitnang Silangan, di ba?” Nang tiyakin ko sa kanya na kailangan ang mga bonete, kumilos na siya at nagtrabaho.
Pagbalik ko sa Jordan, mahigit 800 mga bonete ng sanggol ang dala ko sa aking mga maleta. Nang ibigay namin ito sa senior consultant ng baby station ng ospital, inisip niya na padala ng Diyos ang mga ito. Kararanas lang sa Jordan ng pinakamatinding taglamig sa loob ng 16 na taon, na talagang mababa pa sa sero ang temperatura.
Pagtulong sa Iba
Ang pagtulong ay hindi namimili ng edad, kalusugan, panahon, mga kasanayan, o kabuhayan. Lahat ng may gusto ay makakatulong sa ibang nangangailangan. Maaari tayong sumali sa organisadong mga proyektong pangkawanggawa. Makakapagbigay tayo ng malaking halaga sa handog-ayuno. Mabibisita at maaalo natin ang isang kaibigang maysakit. Maiimbita natin sa bahay ang isang taong maraming problema. Lagi nating mabibisita ang mga pamilyang iniatas sa atin sa home teaching at ang kababaihang iniatas sa atin sa visiting teaching. Maiimbita natin sa mga miting sa araw ng Linggo ang isang kaibigang may pagsubok. Masasamahan natin ang mga full-time missionary. Makakagawa tayo ng gawain sa family history at makapaglilingkod sa templo nang madalas. Maaari nating pakinggan, turuan, at hikayatin ang ating mga anak at apo na lumakad sa liwanag.
Kung minsan ang pagtulong ay kasingdali ng pagdarasal nang taimtim, pagtawag sa telepono, o pagsulat ng maikling liham. Kung masyado tayong abala para tulungan ang isang taong nangangailangan, ibig sabihin ay masyado tayong abala talaga. Kapag mabuti ang ating ginagawa, pinauunlakan natin ang paanyaya ng Tagapagligtas:
“Ibinibigay ko sa inyo na maging ilaw ng mga taong ito. Isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol na hindi maitatago.
“Masdan, ang mga tao ba ay magsisindi ng kandila upang ilagay sa ilalim ng takalan? Hindi, kundi sa isang kandelero, at ito ay nagbibigay-liwanag sa lahat ng nasa bahay;
“Samakatwid hayaan na ang inyong ilaw ay magliwanag sa harapan ng mga taong ito, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit” (3 Nephi 12:14–16).
Pagturo sa Iba ng Landas Patungong Sion at sa Buhay na Walang Hanggan
Ang pagtulong sa iba ay simpleng pagmamalasakit sa mga tao. Hindi mahalaga sa atin ang bilang o estadistika kundi ang kapakanan ng mga taong nakapaligid sa atin. Kung tayo ay gumagawa ng mabuti, espirituwal at pisikal na tumutulong ayon sa ating lakas at kakayahan, itinuturo natin sa iba ang landas patungong Sion. Maaakit sila sa kung ano tayo at ano ang ating kinakatawan. Pagpapalain sila sa nakikita at nadarama nila. Tatatag o lalakas ang kanilang mga patotoo. At ang pagtiyak ng Panginoon ay muling aalingawngaw sa ating mga kaluluwa:
“Maging matapat; tumayo sa katungkulang aking itinalaga sa iyo; tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina.
“At kung ikaw ay matapat hanggang sa huli ikaw ay magkakaroon ng putong ng kawalang-kamatayan, at buhay na walang hanggan sa mga mansiyong aking inihanda sa bahay ng aking Ama” (D at T 81:5–6).
Tunay na ang ating relihiyon ay sumagip at magligtas ng mga kaluluwa.