2009
Apat na Mensahe, Apat na Buhay na Nagbago
Setyembre 2009


Apat na Mensahe, Apat na Buhay na Nagbago

Tuwing Abril at Oktubre, milyun-milyong Banal sa mga Huling Araw ang nakikinig sa mga lingkod ng Panginoon. Dito, ibinahagi ng apat na miyembro ng Simbahan kung paano naimpluwensyahan ng pangkalahatang kumperensya ang buhay nila sa paglipas ng mga taon.

Ang Mabubuting Bagay ay Talagang Dumarating

Pagkatanggap ng asawa ko ng kanyang master’s degree, inisip niyang mag-aral na muli para sa isang PhD. Natakot kami sa balak na ito dahil nahirapan siyang makamit ang kanyang master’s degree. May dalawa kaming maliliit na anak at inasam naming magkaroon ng magandang trabaho at marahil ay pati na isang bahay.

Sa kumperensya noong Oktubreng iyon, ikinuwento ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa kanyang mga karanasan tungkol sa paglipat ng kanyang sinisimulang pamilya sa Connecticut para pumasok sa graduate school. Lumipat din kami noon sa Connecticut para pumasok sa graduate school. Pagkatapos ay ikinuwento niya kung paano nila pinagkasya ng kanyang pamilya ang lahat ng ari-arian nila sa maliit nilang sasakyan—gayon din ang ginawa namin. Ipinaliwanag niya na nang magsimula ang paglalakbay, nag-init ang makina ng kanyang sasakyan at hindi lang minsan kundi dalawang beses itong nasiraan! Dalawang beses ding nasiraan ang sasakyan namin.

Sa huli, ikinuwento niya ang isang panibagong karanasan kailan lang habang nagmamaneho siya ng isang maayos na sasakyan malapit sa lugar kung saan nasiraan ang sasakyan niya 30 taon na ang nakararaan. Para daw niyang nakita sa isipan niya ang kanyang sarili na bata pang ama at sinabi ito: “Huwag kang susuko, bata. Huwag kang titigil. … May tulong at kaligayahan sa banda roon—napakarami. … Huwag kang masiraan ng loob. Magiging maayos ang lahat sa huli. Magtiwala ka sa Diyos at maniwala sa mabubuting bagay na darating.”1 Naipadama ng karanasan ni Elder Holland na ako ay nauunawaan at minamahal. Ang kanyang halimbawa ay nagbigay sa akin ng lakas ng loob na maghangad ng espirituwal na pagsaksi na ang dagdag na pag-aaral ng aking asawa ay kalooban ng Panginoon para sa aming pamilya. Makalipas ang limang taon at dalawang sanggol, natapos ng asawa ko ang kanyang thesis. Malaking hamon ang pag-aaral, pero masaya kami. Sinunod namin ang kalooban ng Panginoon, at pinagpala Niya kami sa pisikal, espirituwal, at sa pinansyal.

Simula nang kumperensyang iyon, madalas ko nang maisip ang mensahe ni Elder Holland. Natutuhan ko na habang sinisikap kong magtiwala sa Diyos sa pagsunod sa payo ng Kanyang mga propeta at apostol, ang mabubuting bagay ay talagang dumarating.

Melinda McLaughlin, Maryland, USA

Natutuhan Kong Pahalagahan si Lola

Noong bata pa ako, mahilig akong sumulat sa lola ko. Nakatira siya sa kabilang panig ng bansa, kaya bihira ko siyang makita nang mahigit isang beses sa isang taon. Pero noong tinedyer ako, unti-unti akong naging abala para sumulat, at dahan-dahang naglaho ang aming ugnayan. Kapag pumupunta si Lola para dumalaw nang ilang araw, may itinatanong ako o sinasabi sa kanya paminsan-minsan, pero ang pag-uusap namin ay hindi tapat o taos-puso. Nang mag-16 anyos ako, halos hindi ko na siya kilala, at hindi ko alam kung paano siya kausapin.

Sa huling araw ng isa niyang pagbisita, mag-isa akong naghahanda ng hapunan sa kusina nang pumasok siya at umupo. Binati ko siya, pero pagkatapos ay parang wala na akong masabi. Halatang gusto niya akong kausapin at malamang na naghanap siya ng pagkakataon, pero paano ko sisimulang makipag-usap sa isang 75-anyos na babae na sa palagay ko ay wala namang pagkakatulad sa akin?

Nagsalita ako tungkol sa niluluto ko, pero hindi nagtagal ang paksang iyon. Sa huli, tinanong ko si Lola kung ano ang buhay niya noong kaedad ko siya. Nagkuwento siya tungkol sa trabaho at mga pakikihalubilo sa iba, pagkatapos ay binanggit niya kung paano sila nagkakilala at nagkaibigan ng lolo ko. Natanto ko na ang buhay niya at mga pangarap noong tinedyer siya ay hindi kaiba sa akin.

Makalipas ang ilang buwan, nagsalita si Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, tungkol sa mga lolo’t lola sa pangkalahatang kumperensya. Sa kanyang mensahe, “Ang mga Ginintuang Taon,” binanggit niya ang karunungan at patnubay na mailalaan ng matatandang miyembro ng Simbahan. Dahil sa kanyang tema napag-isip-isip ko ang relasyon ko sa lola ko, at natanto ko na malaki ang pinalalampas ko sa mahalagang pagkakaibigang iyon.

Nagpasiya akong sulatang muli si Lola. Hindi ko pa rin sigurado kung ano ang sasabihin, kaya sumulat na lang ako tungkol sa trabaho, mga kaibigan, pamilya, at ginagawa ko. Sinagot niya ang bawat liham ko at ikinuwento sa akin ang iba pang mga kamag-anak, kanyang hardin, at ginagawa niya sa araw-araw. Nang magkasama kaming muli, madali ko na siyang nakausap.

Nagpapasalamat ako sa mensahe sa kumperensya na dumating sa panahong handa na akong makilalang muli ang aking lola. Sa pamamagitan ng mga salita ni Pangulong Packer, natanto ko na nakaligtaan ko ang “walang kapantay na karanasan, karunungan, at inspirasyon”2 na taglay ng aking lola. Ngayo’y natutuhan ko nang pahalagahan ang kahanga-hangang babaeng ito at napagpala ako ng kanyang halimbawa at pakikipagkaibigan.

Laura A. Austin, Utah, USA

Nalaman Ko sa Aking Sarili

Inaamin ko na noong magmisyon ako, ang patotoo ko ay limitado sa kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan at ng Aklat ni Mormon. Natanto ko na ang patotoo ko ay kulang sa lalim na gusto ko, at dahil dito, nakadama ako ng kakulangan bilang misyonero.

Tulad ng karamihan sa mga miyembrong Pranses ng Simbahan sa panahong iyon, hindi pa ako nakadalo sa brodkast ng pangkalahatang kumperensya. Lagi kaming nakakadalo sa mga muling pagbobrodkast, kung saan namin pinakinggan ang kumperensya sa Pranses sa pamamagitan ng interpreter. Ngayon, bilang misyonerong naglilingkod sa Wales at nagsasalita ng Ingles, maririnig ko ang tinig ng propeta, si Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), nang personal.

Nang magsimula ang sesyon, kumanta ang lokal na kongregasyon kasabay ng mga miyembrong nasa Tabernacle sa Salt Lake City. Kumanta rin ako at nagulat sa nadama kong nag-uumapaw na galak na mapabilang. Pinatotohanan ng damdaming ito na ako ay miyembro ng Simbahan ni Jesucristo.

Habang nakaupo, may ideyang pumasok sa aking isipan: “Paano kaya kung hilingin ko sa Panginoon na patunayan sa akin na si Pangulong Benson ay Kanyang propeta?”

Alam ko na maaari akong “magtanong sa Diyos” (Moroni 10:4), pero kahit paano ay takot akong baka masaktan ang Kanyang damdamin sa mga tanong ko. Matapos ang isang minutong pagmumuni, nagpasiya akong subukan na rin ito. Yumuko ako at hiniling sa Panginoon na patotohanan sa akin na ang taong magsasalita ay Kanyang propeta, tagakita, at tagapaghayag. Di nagtagal matinding kapayapaan at kaligayahan ang nadama ko. Nag-angat ako ng ulo, nagmulat, at pinakinggan ang patotoo ni Pangulong Benson tungkol sa Aklat ni Mormon.

Mula noon, nalaman ko sa aking sarili na pinamumunuan ng Panginoon ang Simbahan sa pamamagitan ng isang hinirang na propeta. Bunga ng patotoong iyon, nilisan ko ang kumperensya na may mga bagong mithiin, at alam kong nasa akin na ang pagkakamit ng mga ito. Binago ko ang tuon ng aking misyon at inasam ang pagdalo sa susunod na mga pangkalahatang kumperensya. Sabik ko ring hinintay ang pagdating ng mga magasin ng Simbahan para mabasa ko ang mga sagradong salita ng mga lingkod ng Panginoon.

Thierry Hotz, France

Sabihin Mong Mahal Mo Sila

Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2007, nagsalita si Elder Claudio R. M. Costa ng Panguluhan ng Pitumpu tungkol sa hindi pagpapabukas ng mga bagay na magagawa natin ngayon, lalo na patungkol sa ating mga pamilya.3 Sa katapusan ng kanyang mensahe, nagbahagi siya ng ilang linyang hango sa tula ni Norma Cornett Marek. Lubha akong naantig ng mensahe ni Elder Costa at ng mga salita sa tulang iyon at nahikayat akong magsimula na palagiang pakitaan ng pagmamahal ang aking mga magulang, kapatid, at kaibigan.

Mangyari pa mahal ko ang aking pamilya at mga kaibigan bago ko pa narinig ang mensaheng iyon sa kumperensya, pero hindi ko nakagawiang sabihin sa kanila na mahal ko sila, hindi araw-araw. Siguro talaga ngang kinailangan nilang marinig ang espesyal na mga katagang iyon mula sa akin nang mas regular. Hindi ko tiyak noong una kung paano nila ito tatanggapin, pero nang magustuhan nila ito, nagpasiya akong ipagpatuloy ito. Nang sumunod na ilang buwan, nakita kong tumatag ang mga relasyon ko dahil dininig ko ang sinabi ni Elder Costa.

Ngayon ay naglilingkod ako bilang full-time missionary na libu-libong milya ang layo mula sa aming tahanan sa Costa Rica. Nangungulila ako sa aking pamilya, pero OK lang. Alam kong mahal nila ako, at alam ko ring alam nila na mahal ko sila. Panatag ang loob ko dahil sinamantala ko (at sinasamantala pa rin) ang mga pagkakataong ipakita ang aking pagmamahal.

Nagpapasalamat ako na may pagkakataon tayong regular na makinig sa mga lider na tinawag ng Diyos. Alam ko na kapag sinunod natin sila, ang buhay natin at ng ating mga minamahal ay pagpapalain.

Elder Hugo Lino Rivera Mena, Idaho Boise Mission

Mga Tala

  1. Jeffrey R. Holland, “Dakilang Saserdote ng mga Mabubuting Bagay na Darating,” Liahona, Ene. 2000, 42.

  2. Boyd K. Packer, “Ang mga Ginintuang Taon,” Liahona, Mayo 2003, 82.

  3. Tingnan sa Claudio R. M. Costa, “Huwag Ipagpabukas pa ang Maaari Mong Gawin Ngayon,” Liahona, Nob. 2007, 73.

Ang karanasan ng aming pamilya ay katulad ng kay Elder Holland. Naipadama sa akin ng panghihikayat niyang “maniwala sa mabubuting bagay na darating” na ako ay nauunawaan at minamahal.

Paglalarawan ni Mike Malm

Hiniling ko sa Panginoon na patotohanan sa akin na ang lalaking magsasalita ay Kanyang propeta.

Detalye mula sa Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.