2009
Mga Ideya para sa Family Home Evening
Setyembre 2009


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang mga mungkahing ito sa pagtuturo ay inilaan para bigyan kayo ng ilang ideya. Maaari ninyong iangkop ang mga ito sa inyong pamilya.

“Pamana ng Paglilingkod ng Isang Pamilya,” p. 8: Ibuod ang kuwento, na binibigyang-diin kung paano nagka-inspirasyon ang iba sa mabubuting halimbawa ng mga miyembro ng pamilya. Lumikha ng genealogy chart ng hinaharap: sa isang papel, ilista ang pangalan ng mga bata sa inyong pamilya, at papiliin ang bawat isa ng ilang pangalan ng magiging mga anak nila. Magtapos sa pagtalakay kung paano makakaimpluwensya ang halimbawa at patotoo ng mga bata sa kanilang mga inapo at maikokonekta sila sa kanilang mga ninuno.

“Ang mga Kaibigan ay Malamang na Matulad sa Iyo,” p. 31: Magpakita ng ilang magkakaparehong bagay at isang naiiba sa lahat. Ituro na ang kakaibang bagay ay madaling matukoy. Basahin ang kuwento. Talakayin ang kahulugan ng pahayag na: “Sana makita ng lahat ang mga kaibhan ninyo.” Mithiing maging mas mabuting halimbawa ni Jesucristo para gustuhin ng iba na matuto pa tungkol sa ebanghelyo.

“Ito ang Ating Relihiyon, ang Magligtas ng mga Kaluluwa,” p. 40: Basahin ang bahaging “Pananatiling Nakamulat,” at ipaalam na isang linggo kayong maghahanap ng paglilingkuran. Maglabas ng isang lalagyan at ilang beans o maliliit na bato para masubaybayan ang mga paglilingkod. Talakayin kung paano tayo matutulungan ng “pananatiling nakamulat” para makapaglingkod sa iba. Mithiing humanap ng mga paraan para makapaglingkod sa iba sa darating na linggo sa bahay, paaralan, trabaho, at simbahan. Tuwing makakakumpleto ng paglilingkod ang isang tao, maaari siyang maglagay ng isang bean sa lalagyan. Sa isang linggo, bilangin kung ilang beans na ang nakolekta.

“Mga Kuwento sa Campfire at mga Patotoo,” p. K4: Gamit ang isang kumot, ulitin ang karanasan sa pag-upo sa loob ng tolda. Magpalibot ng meryenda habang nagtuturo. Basahin ang kuwento, at ipadula sa dalawang kapamilya ang pag-uusap nina Kent at Brett. Magpatotoo na maipaparamdam sa atin ng Espiritu Santo kung kailan tayo magpapatotoo at ano ang sasabihin. Hikayatin ang mga kapamilya na maging karapat-dapat na tumanggap ng mga paramdam ng Espiritu Santo at sundin ang mga ito.

“Pag-alo Kay Lucy,” p. K10: Matapos basahin ang kuwentong ito, muling basahin ang pahayag ng ina: “Ipinaalam sa iyo ng Espiritu Santo ang gagawin para gumanda ang pakiramdam mo.” Magpadrowing sa nakababatang mga anak ng larawan ng isang sitwasyon kung saan makakatulong ang pagdarasal at patnubay ng Espiritu Santo. Magtapos sa sabay-sabay na pagkanta ng isang paboritong awitin sa Primary, at patotohanan ang nakapapanatag na bisa ng pagdarasal at sagradong musika.