Sa Wakas ay Tinanggap Ko ang Hamon
Jennifer Garrett, California, USA
Kumusta na ang pagbabasa ninyo ng Aklat ni Mormon?” tanong ng bishop sa pamilya namin nang mag-tithing settlement kami noong 2005.
Katatapos lang naming mag-usap tungkol sa maraming responsibilidad sa simbahan at sa bahay kasama ang dalawang anak naming maliliit. Pautal kong sinabi kung gaano kahirap magbasa ng isang buong kabanata araw-araw, pero sa puso ko alam kong nagdadahilan lang ako. Ang simpleng katotohanan ay kahit marami akong nagawang mabubuting bagay sa nakaraang ilang buwan, hindi ko sinubukang basahin ang Aklat ni Mormon mula simula hanggang wakas tulad ng hamon ni Pangulong Gordon B. Hinckley.1
Sa pagsisimula ng bagong taon, kinonsensiya ng Espiritu ang kaluluwa ko. Pakiramdam ko’y ako si Naaman na ketongin, na tumanggi noong una na gawin ang simpleng gawaing hugasan ang sarili sa mga tubig ng Jordan, tulad ng hiling ng propetang si Eliseo (tingnan sa II Mga Hari 5:1–14). Simple ring gawin ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon.
Nang sumunod na Linggo ng ayuno, ilang miyembro ang nagpatotoo kung paano nagkatotoo ang mga pangako ng propeta sa buhay nila. Alam ko na hindi ko natanggap ang mga pagpapalang iyon dahil hindi ko siya pinakinggan. Ipinasiya kong basahin ang Aklat ni Mormon mula simula hanggang wakas noong 2006—at nang sumunod na dalawang taon—para mapamahal ito sa akin, tulad ni Pangulong Hinckley.
Nang patapos na ang taon, inisip kong mabuti ang aking mithiin, batid na matatapos ko ang aklat sa katapusan ng taon. Natanto ko na nagtamo ako ng mga ideyang hindi ko matatamo mula sa ibang babasahin. Napalapit ako sa aking Ama sa Langit at sa aking Tagapagligtas. Nakasumpong ako ng mas maraming pagkakataong maibahagi ang ebanghelyo sa buong taon dahil nabasa ko ang Aklat ni Mormon at mapapatotohanang ito ay totoo.
Sana tinanggap ko ang hamon ni Pangulong Hinckley noong 2005. Tulad ni Naaman, na sa huli ay hinugasan ang sarili sa mga tubig ng Jordan, natamasa ko sana ang mga pagpapala ng Aklat ni Mormon nang mas maaga.
Nagpapasalamat ako na nalaman ko ang kahalagahan ng pagtanggap kahit sa mga simpleng hamon mula sa propeta. Inaasam ko ang isang bagong taon na puno ng mga pagpapala mula sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon—nang minsan pa.