Pamana ng Paglilingkod ng Isang Pamilya
Ang katatagan sa bagong tuklas na pananampalataya ng isang babaing taga-Paraguay ang nagpasimula ng tradisyon ng paglilingkod sa ebanghelyo na nag-uugnay ngayon sa limang henerasyon ng kanyang pamilya.
Ito ang naaalala ng mga anak nina Eulogia Diaz at Delio Cosme Sanchez tungkol sa paglilingkod ng kanilang ina bilang Primary president ng branch: Noong idinaraos pa ang Primary tuwing hapon sa mga simpleng araw, inaakay ni Eulogia ang isang malaking grupo ng mga bata sa kanilang lugar—“ang aming maliit na grupo,” paggunita ng isa sa kanyang mga anak na babae—sa mahabang paglalakad papunta sa simbahan bawat linggo. Hindi mahalaga kung miyembro man sila o hindi; kung gusto nilang dumalo at payag ang mga magulang nila, isasama sila ni Eulogia. Hangga’t maaari gusto niyang matamasa ng maraming bata ang mga pagpapala ng Primary.
Ito ang naaalala ng mga anak nina Eulogia at Delio tungkol sa paglilingkod ng kanilang ama bilang branch president: Laging siya ang unang dumarating sa meetinghouse tuwing Linggo ng umaga at huling umuuwi sa araw na iyon, matapos matiyak na maayos na ang lahat. Nagpatuloy siya sa gayong katapatan bilang unang pangulo ng Paraguay District, noong bahagi pa ito ng Uruguay-Paraguay Mission.
Naaalala rin ito ng mga batang Sanchez, ngayong nasa hustong gulang na sila, at ang ilan ay may sarili nang mga apo: Para sa kanilang mga magulang, palaging walang magandang dahilan para hindi dumalo sa mga miting ng Simbahan. Nilakad ng pamilya ang malayong meetinghouse umulan man o umaraw. At noong mga panahong iyon na kakaunti pa lang ang mga miyembro sa branch, maraming papel na ginampanan ang mga miyembro ng pamilya mula sa pagtuturo o pagkumpas sa musika hanggang sa pagtulong sa paglilinis ng gusali.
Mula noon ay malaki na ang iniunlad ng Simbahan sa Paraguay. Ngayon mayroon nang 10 stake at 11 district, na may mga 66,000 miyembro. May dalawang misyon sa bansa. Nasa Paraguay ang isa sa aapat na planta ng Beehive Clothing, na gumagawa ng mga kasuotan at garment sa templo, sa labas ng Estados Unidos.
Ang makasaysayang meetinghouse na minahal ng lahat, ang unang itinayong meetinghouse ng Simbahan sa bansa—yaong tinawag ng lahat na “kapilya ni Moroni” dahil iyon ang pangalan ng isang ward na gumamit doon—ay wala na. Isang templo na ang nakatayo roon ngayon. Ang Asunción Paraguay Temple ang sentro ng “la Manzana Mormona”—na kung isasalin ay ang Temple Square ng Paraguay.
Dama ng mga miyembro sa Paraguay na napakapalad nila dahil sa pag-unlad. Ngunit hindi nalilimutan ng matatagal nang miyembro ang mga sakripisyong kinailangan sa pagtatayo ng mga pundasyon ng Simbahan ngayon sa kanilang bansa.
Pagpapasimula ng Isang Pamana
Si Eulogia Diaz de Sanchez ay bininyagan noong Oktubre 1960. Sinubukan siyang hikayatin ng isang kura paroko na itatwa ang Simbahan at magbalik sa parokya, ngunit tiyak na tiyak niya ang patotoong napasakanya para mahikayat pa.
Ang kanyang inang si Castorina ay nabinyagan nang sumunod na buwan, pati na ang anak nitong si Liduvina. Isa pang anak, si Lina, ang nagnais magpabinyag, ngunit tinutulan ito ng kanyang asawa.
Ang asawa ni Eulogia na si Delio ay sumapi sa Simbahan noong Enero 1961. Isang mekaniko, sinabi ni Delio sa kasosyo niya sa negosyo na hindi na siya makapagtatrabaho sa araw ng Linggo. Madali iyong tinanggap ng kanyang kasosyo dahil pinahalagahan nito ang sipag ni Delio at ang naitulong niya sa negosyo. Hindi kailanman pinagsisihan ng kasosyo ang kanyang desisyon.
Binibigyang-diin ng kuwento tungkol kina Delio at Eulogia Sanchez at sa kanilang mga inapo ang tumatagal na bisa ng halimbawa.
“Naniniwala ako na pagmamahal at tiyaga ng mga magulang ko ang tumulong sa amin upang makapamuhay kami na nagbabahagi ng ebanghelyo,” sabi ni Lina. Kahit hindi siya nabinyagan noong una, tapat din siyang naglingkod sa Simbahan tulad ng ibang hindi miyembro. Sa huli, noong 1986, nang lumambot ang puso ng kanyang asawa dahil sa halimbawa ng asawa’t mga anak nito, masayang lumusong si Lina sa mga tubig ng binyag.
Naaalala ng kapatid niyang si Liduvina na palaging kasama ang mga magulang nila sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Sa maikling panahon noong 1970s, ang tahanan ng pamilya, kung saan nakatira pa rin ang matanda nang si Eulogia, ay nagsilbi ring meetinghouse tuwing Linggo. Bukod pa sa mahigit 60 inapo nina Delio at Eulogia sa Simbahan, mahigit dalawang dosena pa ang sumapi dahil sa halimbawa ng kanilang pamumuhay na tulad ni Cristo. Sabi ni Liduvina ang kanyang mga magulang ay mga halimbawa rin ng katapatan, na nagturo sa kanilang mga anak na huwag gumawa kailanman ng anumang bagay na ikahihiya nila kalaunan.
Kilala sina Delio at Eulogia sa kanilang kabaitan. Naaalala ni Liduvina na kapag handa nang kumain noon ang pamilya, maaaring sabihin ng kanilang ama, habang iniisip ang isang tao sa di-kalayuan, “May pagkain kaya ngayon si ganito at ganyan?” Inuutusan niya ang isang kapamilya na dalhan ng isang plato ng pagkain ang taong iyon bago kumain ang pamilya.
Naging kapitbahay ng pamilya ni Lina ang kanyang mga magulang sa loob ng maraming taon. Sabi ng anak ni Lina na si Enrique Ojeda tungkol kay Delio, “Ang lolo ko noon ay lagi nang isang halimbawa ng priesthood—yaong mga katangiang binanggit sa Doktrina at mga Tipan bahagi 121 [mga talata 41–45].” Sabi ni Enrique ang lola niyang si Eulogia “ay isang magiting na babae—magiting sa kanyang pananampalataya at magiting sa kanyang patotoo.” Maraming nakitirang hindi miyembro ng Simbahan sa bahay ng kanyang lolo’t lola sa maikling panahon (nang bukas-palad na mag-alok ng kailangang tulong sina Delio at Eulogia) at lumisan silang mga miyembro na ng Simbahan dahil sa halimbawa nila.
Sinundan ng mga anak nina Delio at Eulogia ang halimbawa ng kanilang mga magulang nang lumaki sila at magsimula ng sarili nilang mga pamilya. Sila man ay nakapaglingkod sa maraming katungkulan sa Simbahan. Si Liduvina ay nagmisyon at nagtrabaho para sa Simbahan sa loob ng maraming taon sa Uruguay bago bumalik sa Paraguay na kanyang bayang sinilangan. Medyo matagal din bago natulungan ng halimbawa nina Delio at Eulogia ang anak nilang lalaki na sumapi sa Simbahan, ngunit sinundan din niya ang huwaran ng paglilingkod ng kanyang mga magulang. Kalaunan ay tumulong siya sa pagtatatag ng isang branch sa Argentina, kung saan siya tumira sa maikling panahon.
Mga Bagong Henerasyon
Si Enrique ay isinilang noong taon na mabinyagan sa Simbahan ang lolo niyang si Delio. Habang lumalaki, madalas niyang kasama ang kanyang lolo’t lola o mga tiya na kapitbahay lang nila, na lahat ay aktibo sa Simbahan. (Pangalawang ina raw niya si Liduvina.) Kahit hindi miyembro ang kanyang ama’t ina noong bata pa siya, “lumaki kaming magkakapatid sa Simbahan.”
Naaalala niya na ayaw ng kanyang amang si Vicente na magkaroon ng anumang kaugnayan sa Simbahan—ni ayaw nga niyang pag-usapan ito. Nang subukan ng mga anak ni Vicente na bigyan siya ng Aklat ni Mormon, talagang inihagis niya ito pabalik sa kanila. Ngunit, sabi ni Enrique, “binago ng halimbawa ng kanyang mga anak ang aking ama kalaunan.” Ipinangako sa patriarchal blessing ni Enrique na sasapi ang kanyang ama sa Simbahan dahil sa halimbawa ng kanyang mga anak. Pinanghawakan ni Enrique at ng buong pamilya ang pangakong iyon.
Noong 1986, habang nasa misyon ang nakababatang kapatid ni Enrique, lumambot ang puso ng kanilang ama sa Simbahan nang sapat para payagan niyang magpabinyag ang kanyang asawa. Makalipas ang 25 taon ng pagsisimba at paglilingkod hangga’t kaya niya, sa wakas ay naging miyembro si Lina. Gayunman, hindi pa talaga handa ang kanyang asawa na gawin iyon. Ilang taon pa ang lumipas sa buhay ng pamilya na lahat ay miyembro na ng Simbahan maliban kay Vicente. At isang Linggo ng umaga noong 2002, bumangon si Vicente at isinuot ang kanyang amerikana, handa nang magsimba—handa nang maturuan. Di nagtagal siya ay nabinyagan, at nabuklod silang mag-asawa sa templo noong 2003.
Ngayon ang henerasyon ni Enrique ay may mga batang lumalaki sa Simbahan, na sinusundan ang yapak ng kanilang mga magulang. Ang mga inapo nina Eulogia at Delio sa Simbahan ay kinabibilangan ng 6 na anak, 18 apo (apat sa kanila ay nakapagmisyon na), at 23 apo-sa-tuhod—sa ngayon. Ang mga desisyong ginagawa ng mga apo-sa-tuhod na ito ay hinuhubog ng mga turong natatanggap nila sa kanilang mga tahanan.
Sinabi ng 19-anyos na anak ni Enrique, si Adriana, na talagang laging may mga tuksong makakaharap sa buhay. Kapag nahaharap daw sila ng kanyang mga kapatid at pinsan sa mga ito, “Ang mga desisyon namin ay naaayon sa aming mga patotoo.” Dagdag pa ng kanyang 18-anyos na kapatid, si Vivian, kapag nagtataka ang mga kaibigan at kakilala kung bakit hindi sila naninigarilyo o umiinom o sumasali sa ilang gawi ng kanilang mga kaibigan, ang pagkakataong ipaliwanag ang kanilang mga pamantayan ay pagkakataong maging misyonero.
Si William Da Silva, 19, ay isa pa sa mga apo-sa-tuhod ni Eulogia; siya ay anak ng anak ni Lina na si Mercedes Ojeda de Da Silva. Tulad ng kanyang ina, si William ay bininyagan sa edad na walo at lumaki sa Simbahan. Ang kanyang ate at kuya ay nakapagmisyon, at ngayon ay naglilingkod siya sa Montevideo Uruguay West Mission. Sabi ni William dahil sa mga turong natanggap nila sa kanilang tahanan, nabubuhay sila ng kanyang mga kapatid at pinsan na aktibo sa Simbahan sa kakaiba at mas malakas na espirituwal na pundasyon kaysa marami sa kanilang mga kaibigan. “Nakakatuwa ang laki ng tiwala ng aming mga kaibigan at ng mga magulang nila sa amin,” wika niya. Ipinaliwanag niya na madalas sabihin ng mga magulang ng kanyang mga kaibigan sa kanilang mga anak na kung dadalo si William o ang isang katulad nina Adriana o Vivian sa isang pagtitipon, “puwede rin kayong pumunta, dahil alam kong walang masamang mangyayari.”
Pagsunod sa Kanilang mga Pamantayan
Suot ni Adriana ang mahabang paldang tinahian ng ibang tela ang tagiliran para takpan ang dati’y isang mataas na slit. Sabi ng kanyang inang si Lydia (asawa ni Enrique) at ng tita niyang si Mercedes madalas ay mahirap makahanap ng disenteng kasuotan sa mga bilihan ang kababaihan sa Paraguay, kaya ginawa ng mga inapong Sanchez ang madalas ay napipilitang gawin ng iba—binabago nila mismo ang nabili nila o nagtatahi sila ng sarili nilang damit. Si Lina, ina ni Mercedes at biyenan ni Lydia, ang siyang mananahi ng pamilya, ngunit ngayon ay nag-aaral na ring manahi ang mga nakababatang babae.
Sabi ni Mercedes de Da Silva hindi naman siya nahirapan sa buhay noong lumalaki siya bilang isa sa iilang Banal sa mga Huling Araw sa kanilang lugar. “Alam ng lahat ng kaibigan ko na miyembro ako ng Simbahan,” paliwanag niya. “Iginalang nila ang mga paniniwala ko.” Mapalad din daw siyang makapasok sa isang paaralan ng mga Banal sa mga Huling Araw na nasa Paraguay sa maikling panahon. “Para sa mga anak ko, mas mahirap ang estadong ito ng buhay ngayon kaysa noong panahon ko.” Mas liberal na ngayon ang mga pamantayan ng lipunan. Sabi ni Mercedes nagpanatili sila ng asawa niyang si Ernesto Da Silva ng matataas na pamantayan sa kanilang tahanan, pati na curfew kahit sa mas matatanda nilang anak. “Lagi namin silang kinakausap tungkol sa ebanghelyo, at may mga family home evening kami,” wika niya. “Lubhang nagpapalakas ito sa aming mga anak, at alam nila iyan.” Si President Ernesto Da Silva ay na-release bilang Area Seventy noong Abril ng taong ito at ngayon ay naglilingkod bilang pangulo ng Montevideo Uruguay Mission.
Katunaya’y sumulat sa kanila ang anak na lalaki at anak na babae ng mga Da Silva na nagmisyon, sina Christian at Karen, para pasalamatan ang mga magulang nila sa matataas na pamantayang itinuro sa kanila at sa magagandang halimbawa ng kanilang mga magulang. Paliwanag ni Karen Da Silva, na nakauwi na mula sa Argentina Córdoba Mission noong 2008: “Bata pa ako, tinuruan na ako ng mga lolo’t lola at mga magulang ko hindi lamang sa kanilang mga salita kundi sa kanila ring mga gawa. Talagang ipinamuhay nila ang kanilang itinuro.” Ang natutuhan daw niya sa kanyang tahanan ang tumulong sa kanya bilang misyonera na maituro ang mga pagpapalang dulot ng pagsunod.
Iyon din ang sabi ni Christian, na kauuwi lang mula sa California San Bernardino Mission, tungkol sa kahalagahan ng halimbawa ng kanyang mga magulang sa buhay niya at dagdag pa niya, “Lumago ang sarili kong patotoo sa ebanghelyo nang ipamuhay ko ang mga turo ng mga magulang at lolo’t lola ko.” Nangyari ito ayon sa pagkalarawan ni Alma. Ipinaliwanag ni Christian na binigyan niya ng puwang sa kanyang puso na maitanim ang binhi, itinuro sa kanya ng kanyang mga magulang ang katotohanan, at nakita niya sa buhay nila na mabuti ang bunga ng binhi (tingnan sa Alma 32:27–43). “Sana patuloy kong mapangalagaan nang may pananampalataya ang puno—ang aking patotoo—para magkaugat ito, lumaki, at patuloy na magbunga.”
Naaalala ni Mercedes de Da Silva na noong bata pa siya, nang makita niya sa kanyang mga magulang at mga lolo’t lola ang epekto ng pamumuhay ng ebanghelyo, “Naisip ko noon pa na, ‘Paglaki ko, gayon din ang gagawin ko.’”
Sabi ng kapatid niyang si Enrique ang pamumuhay ng ebanghelyo ay naghahandog ng ilang payo sa pagpapalaki ng mga anak sa pananampalataya. “Tatlong bagay: ituro sa kanila ang salita, turuan sila sa pamamagitan ng halimbawa, at tulungan sila na matutong ipamuhay ang ebanghelyo.”
Sa pamamagitan daw ng ebanghelyo, ang mga anak niya at ng kanyang asawa, kasama ang iba pa na lumaki sa mga tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Paraguay, ay magkakaroon ng espirituwal na katatagan na wala sa maraming iba pang kabataan. “May direksyon ang buhay nila—may layunin,” sabi ni Enrique. Ang mga mithiin nila ay pangwalang-hanggan, at sa tulong ng tapat at masunuring mga magulang, natututuhan nilang kamtin ang mga ito.