Mensahe ng Unang Panguluhan
Ang Impluwensya ng Matwid na Kababaihan
Ang mga banal na kasulatan ay nagbibigay sa atin ng mga pangalan ng ilang kababaihang nagpala sa mga indibiduwal at henerasyon dahil sa kanilang mga espirituwal na kaloob. Si Eva, ang ina ng lahat ng nabubuhay; sina Sara; Rebeca; Raquel; Marta; Elisabet; at si Maria, na ina ng ating Tagapagligtas, ay laging igagalang at aalalahanin. Binabanggit din sa mga banal na kasulatan ang kababaihang hindi natin alam ang mga pangalan ngunit nagpala sa ating buhay sa pamamagitan ng kanilang mga halimbawa at turo, tulad ng babaing taga Samaria na nakilala ni Jesus sa may balon ng Sicar (tingnan sa Juan 4), ang ulirang asawa at inang inilarawan sa Mga Kawikaan 31, at ang tapat na babaing gumaling sa paghipo sa damit ng Tagapagligtas (tingnan sa Marcos 5:25–34).
Kung titingnan natin ang kasaysayan ng mundong ito at ang kasaysayan ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, malinaw na may espesyal na bahagi ang kababaihan sa plano ng ating Ama para sa walang hanggang kaligayahan at kapakanan ng Kanyang mga anak.
Sana’y hindi maliitin ng mahal kong mga miyembrong babae sa buong mundo—mga lola, ina, tita, at kaibigan—ang kapangyarihan ng kanilang mabuting impluwensya, lalo na sa buhay ng mahal nating mga anak at kabataan!
Sinabi ni Pangulong Heber J. Grant (1856–1945), “Kung wala ang katapatan at ganap na patotoo sa Diyos na buhay sa puso ng ating mga ina, ang Simbahang ito ay mamamatay.”1 At sinabi ng manunulat ng Mga Kawikaan, “Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran: at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan” (Mga Kawikaan 22:6).
Pinayuhan ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang kababaihan ng Simbahan:
“Tunay na napakahalaga na manatiling matatag at di natitinag ang kababaihan ng Simbahan sa bagay na wasto at angkop sa ilalim ng plano ng Panginoon. …
“Nananawagan kami sa kababaihan ng Simbahan na sama-samang manindigan para sa kabutihan. Kailangan nilang magsimula sa sarili nilang tahanan. Maituturo nila ito sa kanilang klase. Maipapahayag nila ito sa kanilang komunidad.”2
May kasabihan na ang malalaking tarangkahan ay pinagagalaw ng maliliit na bisagra. Mga kapatid, ang inyong halimbawa sa tila maliliit na bagay ay gagawa ng malaking kaibhan sa buhay ng ating mga kabataan. Ang inyong pananamit at pag-aayos sa sarili, pagsasalita, pagdarasal, pagpapatotoo, ang araw-araw ninyong pamumuhay ang gagawa ng kaibhan. Kabilang dito ang inyong pinanonood na mga palabas sa TV, pinakikinggang musika, at paggamit ng Internet. Kung mahilig kayong magpunta sa templo, ang mga kabataang nagpapahalaga sa inyong halimbawa ay mahihilig ding pumunta roon. Kung iaakma ninyo ang inyong kasuotan sa temple garment at hindi ang kabaligtaran, malalaman nila kung ano ang itinuturing ninyong mahalaga, at matututo sila sa inyo.
Kayo ay kahanga-hangang kababaihan at magagandang halimbawa. Pinagpapala ang ating mga kabataan dahil sa inyo, at mahal kayo ng Panginoon dahil dito.
Isang Halimbawa ng Pananampalataya
Ibabahagi ko sa inyo ang ilang ideya tungkol kay Sister Carmen Reich, ang aking biyenan, na talagang isang hinirang na babae. Buong puso niyang tinanggap at ipinamuhay ang ebanghelyo sa pinakamahirap at madilim na panahon ng kanyang buhay, at pinalaya ang sarili mula sa kapighatian at kalungkutan.
Bilang isang kabataan—isang balo at may dalawang anak na batang babae—pinalaya niya ang sarili mula sa mundo ng mga lumang tradisyon at naging napakaespirituwal. Mabilis niyang tinanggap at ipinamuhay ang mga turo ng ebanghelyo, pati na ang intelektuwal at espirituwal na kapangyarihan nito. Nang ibigay sa kanya ng mga misyonero ang Aklat ni Mormon at anyayahan siyang basahin ang mga talatang minarkahan nila, binasa niya ang buong aklat sa loob lamang ng ilang araw. Natutuhan niya ang mga bagay na hindi naunawaan ng kanyang mga kaibigan dahil natutuhan niya ang mga ito sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Siya ang pinakamapakumbaba at pinakamatalino sa lahat, dahil siya ay handa at sapat ang kadalisayan para maniwala nang magsalita ang Diyos.
Nabinyagan siya noong Nobyembre 7, 1954. Ilang linggo lang matapos siyang mabinyagan, ipinasulat sa kanya ng mga misyonerong nagbinyag sa kanya ang kanyang patotoo. Gustong gamitin ng misyonero ang kanyang patotoo sa pagtuturo nito upang ipadama sa iba ang tunay na diwa ng pagbabalik-loob. Mabuti na lang, iningatan ng misyonero ang orihinal na sulat-kamay niya nang mahigit 40 taon, at ibinalik ito sa kanya bilang napakaespesyal na regalo ng pagmamahal.
Isang Patotoong Sinaksihan ng Espiritu
Ibabahagi ko sa inyo ang ilang bahagi ng nakasulat niyang patotoo. Tandaan na isinulat niya ang mga salitang ito ilang linggo lamang matapos niyang marinig ang ebanghelyo. Bago dumating ang mga misyonero, wala siyang anumang narinig tungkol sa Aklat ni Mormon, kay Joseph Smith, o sa mga Mormon sa pangkalahatan. Noong 1954 wala pang mga templo sa labas ng kontinente ng Estados Unidos, maliban sa Canada at Hawaii.
Narito ang sulat-kamay na patotoo ni Sister Reich na isinalin sa Ingles:
“Ang mga espesyal na katangian ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na wala sa ibang relihiyon ay kinabibilangan, higit sa lahat, ng makabagong paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.
“Sumunod dito ang Aklat ni Mormon sa malinaw at dalisay na wika nito, pati na ang lahat ng tagubilin at pangako para sa Simbahan ni Jesucristo; ito ay tunay na pangalawang tipan, kasama ng Biblia, na si Jesucristo ay buhay.
“Binigkis ng pananampalataya sa isang personal na Diyos, ibig sabihi’y ang Diyos Ama, Diyos Anak, at Espiritu Santo, na nagpapadali sa panalangin at personal na nag-iimpluwensya.
“Gayundin, ang pananampalataya sa buhay bago tayo isinilang, sa layunin ng ating buhay sa daigdig, at sa kabilang buhay ay napakahalaga para sa atin at lalo nang nakakapukaw at nagbibigay ng kabatiran. Malinaw itong nakalahad, at nagkakaroon ng bagong kahulugan at direksyon ang ating buhay.
“Ibinigay sa atin ng Simbahan ang Word of Wisdom bilang gabay upang mapanatiling malusog ang ating katawan at espiritu hangga’t maaari para makamit ang ating hangarin at mithiin. Kaya’t pinananatili nating malusog ang ating katawan at pinalalakas pa ito. Lahat ng ito dahil sa kaalaman na ibabangon nating muli ang mga ito sa ganito ring anyo pagkamatay natin.
“Mangyari pa, talagang bago sa akin ang gawain sa templo pati na ang maraming sagradong ordenansa nito, na pinagsasama ang mga pamilya magpakailanman. Lahat ng ito ay ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag kay Propetang Joseph Smith.”
Si Carmen Reich, ang mahal kong biyenan, ay pumanaw noong 2000 sa edad na 83.
Isang Kakaibang Katangian ng Babae
Ang buhay ng kababaihan sa Simbahan ay isang mabisang saksi na ang mga espirituwal na kaloob, pangako, at pagpapala ng Panginoon ay ibinibigay sa lahat ng karapat-dapat, “upang ang lahat ay makinabang” (D at T 46:9; tingnan sa mga talata 9–26). Ang mga doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay lumilikha ng napakaganda at “kakaibang katangian ng babae na humihikayat sa kababaihan na paunlarin ang kanilang mga kakayahan” bilang tunay at literal na mga anak ng Diyos.3 Sa paglilingkod sa mga organisasyon ng Relief Society, Young Women, at Primary—at maging ang pagpapakita nila ng pagmamahal at paglilingkod—lagi nang gumaganap at gaganap ng mahalagang papel ang kababaihan sa pagtulong na “ihayag at itatag ang kapakanan ng Sion” (D at T 6:6). Sila ay nangangalaga sa mga maralita at maysakit; naglilingkod sa pagtuturo ng ebanghelyo, sa pagkakawanggawa, pagtulong sa tao, at iba pang misyon; nagtuturo sa mga bata, kabataan at matatanda; at tumutulong sa temporal at espirituwal na kapakanan ng mga Banal sa maraming paraan.
Dahil napakalaki ng potensyal nila sa kabutihan at iba-iba ang kanilang mga kaloob, nagbabago ang papel na ginagampanan ng kababaihan ayon sa mga sitwasyon nila sa buhay. Katunayan, sabay-sabay ang mga papel na dapat gampanan ng ilang kababaihan. Dahil dito, hinihikayat ang kababaihang Banal sa mga Huling Araw na magkamit ng edukasyon at kasanayan na magpapagindapat sa kanila kapwa sa paggawa sa tahanan at pagtataguyod sa isang mabuting pamilya at sa paghahanapbuhay sa labas ng tahanan kung kailangan.
Nabubuhay tayo sa isang dakilang panahon para sa lahat ng kababaihan sa Simbahan. Mga kapatid, mahalaga ang inyong bahagi sa plano ng ating Ama sa Langit para sa walang hanggang kaligayahan; kayo ay pinagkalooban ng banal na pagkapanganay. Kayo ay tunay na tagapagtatag ng mga bansa saanman kayo nakatira, dahil ang matatag na mga tahanan ng pag-ibig at kapayapaan ay magdudulot ng kapanatagan sa alinmang bansa. Sana nauunawaan ninyo iyan, at umaasa ako na nauunawaan din ito ng kalalakihan ng Simbahan.
Ang ginagawa ninyong kababaihan ngayon ang magpapasiya kung paano iimpluwensyahan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang mga bansa ng mundo sa hinaharap. Ito ang magpapasiya kung paano matatanglawan ng makalangit na sinag ng ebanghelyo ang bawat bayan sa hinaharap.4
Kahit palagi nating pinag-uusapan ang impluwensya ng kababaihan sa darating na mga henerasyon, huwag naman ninyong maliitin ang impluwensya ninyo ngayon. Sinabi ni Pangulong David O. McKay (1873–1970) na ang pangunahing dahilan kaya inorganisa ang Simbahan ay “pasarapin ang buhay ngayon, panatagin ang puso ngayon, maghatid ng kaligtasan ngayon. …
“Inaasam ng ilan sa atin ang isang panahon sa hinaharap—ang kaligtasan at kadakilaan sa mundong darating—ngunit ang ngayon ay bahagi ng kawalang-hanggan.”5
Mga Pagpapalang Hindi Mawawari
Kapag naging karapat-dapat kayo sa misyong ito, anuman ang sitwasyon ninyo sa buhay—bilang asawa, ina, inang mag-isang nagtataguyod sa mga anak, diborsyada, balo o dalaga—bibigyan kayo ng ating Panginoong Diyos ng mga responsibilidad at pagpapalang higit pa sa kaya ninyong wariin.
Inaanyayahan ko kayong gamitin ang dakilang potensyal ninyo. Ngunit huwag kayong gumawa ng higit pa sa kaya ninyo. Huwag magtakda ng mga mithiing hindi ninyo kayang marating. Huwag mabagabag o huwag isiping mabibigo kayo. Huwag ihambing ang inyong sarili sa iba. Gawin ang abot-kaya ninyo, at bahala na ang Panginoon sa iba pa. Sumampalataya at magtiwala sa Kanya, at makikita ninyo ang mga himala sa inyong buhay at sa buhay ng inyong mga minamahal. Ang kabanalan ng sarili ninyong buhay ay tatanglaw sa mga nakaupo sa kadiliman, dahil kayo ay buhay na saksi ng kabuuan ng ebanghelyo (tingnan sa D at T 45:28). Saanman kayo nakatira sa maganda ngunit magulong daigdig na ito, maaari ninyong “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina” (D at T 81:5).
Mahal kong mga kapatid, sa araw-araw ninyong buhay taglay ang lahat ng pagpapala at hamon nito, tinitiyak ko sa inyo na mahal kayo ng Panginoon. Kilala Niya kayo. Pinakikinggan Niya ang inyong mga dalangin, at sinasagot Niya ang mga dalanging iyon, saanmang panig ng mundong ito kayo naroroon. Gusto Niya kayong magtagumpay sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.
Mga kapatid, dalangin ko na nawa bilang mga maytaglay ng priesthood—bilang mga asawa, ama, anak, kapatid, at kaibigan ng mga piling babaing ito—atin silang tingnan tulad ng tingin sa kanila ng Panginoon, bilang mga anak ng Diyos na walang hanggan ang potensyal na maging magandang impluwensya sa mundo.
Noong mga unang araw ng Panunumbalik, nangusap ang Panginoon kay Emma Smith sa pamamagitan ng kanyang asawa, si Propetang Joseph Smith, at pinagbilinan siya at binasbasan: “[Maging] matapat at lumalakad sa landas ng kabanalan sa harapan ko. … Ikaw ay hindi dapat matakot. … Iyong isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti. … Pasiglahin ang iyong puso at magalak. … At isang putong ng kabutihan ang iyong matatanggap” (D at T 25:2, 9, 10, 13, 15).
Tungkol sa paghahayag na ito, sinabi ng Panginoon, “Ito ang aking tinig sa lahat” (talata 16).
Kalaunan, sinabi ni Propetang Joseph Smith sa kababaihan, “Kung magiging karapat-dapat kayo sa inyong mga pribilehiyo, hindi mapipigilan ang mga anghel na makisalamuha sa inyo.”6
Pinatototohanan ko ang mga katotohanang ito, at ipinaaabot ko sa inyo ang aking pagmamahal at basbas bilang Apostol ng ating Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo.