2009
Unawain at Ipamuhay ang Ebanghelyo ni Cristo
Setyembre 2009


Mensahe sa Visiting Teaching

Unawain at Ipamuhay ang Ebanghelyo ni Cristo

Ituro ang mga banal na kasulatan at siping-banggit na ito o, kung kailangan, magturo ng isa pang alituntunin na magpapala sa mga kapatid na babae na inyong binibisita. Patotohanan ang doktrina. Anyayahan ang mga tinuturuan ninyo na ibahagi ang kanilang nadama at natutuhan.

Paano Ko Higit na Mauunawaan at Maipamumuhay ang Ebanghelyo?

Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang matatapat na miyembro ng Simbahan ay dapat maging katulad ng mga puno ng roble [oak tree] at dapat mag-ugat nang malalim sa mayamang lupa ng mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Dapat nating unawain at ipamuhay ang simple at mahahalagang katotohanan at huwag nating pahirapin ang mga ito. Ang ating mga pundasyon ay dapat maging matatag at nakabaon nang malalim nang ating mapaglabanan ang bawat tukso, maling doktrina, kahirapan, at pagsalakay ng kalaban nang hindi natitinag o natatangay. …

“Ang espirituwal na pangangalaga ay singhalaga ng balanseng pagkain upang mapanatili tayong malakas at malusog. Pinangangalagaan natin ang ating sarili sa espirituwal sa pakikibahagi sa sacrament linggu-linggo, pagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw, pagdarasal nang sarilinan at kasama ang pamilya araw-araw, at regular na pagsasagawa ng gawain sa templo. Ang ating espirituwal na lakas ay tulad ng mga baterya; kailangan ninyo itong kargahan nang madalas” (“Deep Roots,” Ensign, Nob. 1994, 75).

Barbara Thompson, pangalawang tagapayo sa Relief Society general presidency: “Mga kapatid, ngayon, higit kailanman, kailangan natin ng kababaihang tatanggap ng responsibilidad at magpapakatatag. Kailangan natin ng kababaihang nagpapahayag ng katotohanan nang buong katatagan, pananampalataya, at tapang. Kailangan natin ng kababaihang magiging halimbawa ng kabutihan. Kailangan natin ng kababaihang ‘sabik sa paggawa ng mabuting bagay.’ Kailangan nating mabuhay sa paraang masasaksihan sa ating buhay na mahal natin ang ating Ama sa Langit at ang Tagapagligtas na si Jesucristo at gagawin natin ang ipinagagawa Nila sa atin” (“Tayo’y Magalak,” Liahona at Ensign, Nob. 2008, 116).

2 Nephi 31:12: “Sumunod sa akin, at gawin ang mga bagay na nakita ninyong ginawa ko.”

Paano Nagpapala ng Buhay ang Pag-unawa at Pamumuhay ng Ebanghelyo?

Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Sa pagsisikap nating unawain, isaloob, at ipamuhay ang mga wastong alituntunin ng ebanghelyo, lalo tayong espirituwal na aasa sa sarili. … Nagpapatotoo ako bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo na Siya ay buhay, na ang ebanghelyong ito ay totoo, at may sagot ito sa lahat ng personal at karaniwang hamon ngayon sa mga anak ng Diyos sa lupa” (“Mga Katangian ni Cristo—ang Hangin sa Ilalim ng Ating mga Pakpak,” Liahona at Ensign, Nob. 2005, 101).

Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang plano ng kaligayahan ay para sa lahat ng kanyang mga anak. Kung tatanggapin at ipamumuhay ito ng mundo, lalaganap ang kapayapaan, kagalakan, at kasaganaan sa mundo. Karamihan sa dinaranas nating kahirapan ngayon ay mawawala kung uunawain at ipamumuhay ng mga tao sa buong mundo ang ebanghelyo” (“Answers to Life’s Questions,” Ensign, Mayo 1995, 23).

Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kailangan nating ipamuhay ang ebanghelyo sa paraan na mapapasaatin lagi ang Espiritu. Kung mamumuhay tayo nang marapat, laging mapapasaatin ang Espiritu. Makapagtuturo na tayo sa pamamagitan ng Espiritu. … Ang dahilan kung bakit tayo nagdarasal, nag-aaral ng banal na kasulatan, may mabubuting kaibigan, at ipinamumuhay ang ebanghelyo sa pagsunod sa mga utos ay upang kapag—hindi kung, kundi kapag—dumating ang mga pagsubok, tayo’y handa na” (“Pagtuturo sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2003, 10, 14–15; Ensign, Set. 2003, 20, 24–25).

Detalye mula sa Siya ay Nagbangon, ni Del Parson; background: larawang kuha ni Jerry Garns