2011
Ang Misyon sa Buhay ng Isang Mapagmahal na Ina
Hulyo 2011


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Ang Misyon sa Buhay ng Isang Mapagmahal na Ina

Habang lumalaki ako sa Tonga, tumutulong paminsan-minsan ang aking ina sa pagtuturo ng seminary. Mula noong 5 taon hanggang 10 taong gulang ako, madalas niya akong gisingin bago mag-seminary at isama sa bahay kung saan nagkaklase. Bagama’t wala pang sangkapat ng isang milya (0.4 km) ang lalakarin papasok sa daanan sa mga puno ng bayabas, tinatanong niya ako, “Natatakot ka ba?” Matapang akong sumasagot ng, “Hindi po.”

Sasabihin niya pagkatapos, “Balang araw kailangan mong maging matapang at maglingkod sa iyong Ama sa Langit. Naglaan Siya sa atin ng lahat ng bagay, maging ng isang plano para makabalik tayo sa piling Niya. Balang araw magmimisyon ka at paglilingkuran mo Siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Dapat ka nang maghanda ngayon na maging isang mabuting misyonero.”

Kalaunan ay inilipat ng mga magulang ko ang pamilya namin sa Ontario, California, USA. Natagpuan ni Inay ang kanyang sarili sa isang di-pamilyar na bansa, hindi makapagsalita ng wika at naninibago sa kultura. Tulad ng isang inahin na tinitipon ang kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, titipunin niya kaming mga anak niya at luluhod siya, sumasamo sa Ama sa Langit na wala ni isa sa mga anak niya na ibinigay Niya ang mawala sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ginamit ng mga magulang ko ang panalangin ng pamilya, pagbabasa ng banal na kasulatan araw-araw, regular na pag-aayuno ng pamilya at family home evening, at pagdalo sa mga pulong ng Simbahan upang hangarin ang tulong ng Ama sa Langit na mapatatag ang aming pamilya.

Bata pa lang ay hinikayat na kami ng mga magulang ko na kumilos na tulad ng mga misyonero. Lagi kaming nakaputing polo sa simbahan at gupit-misyonero. Bilang priest ako ang nagbabasbas sa sakramento, at ang nakababata kong mga kapatid ang naghahanda at nagpapasa ng sakramento bilang mga teacher at deacon. Nakikita ko na minamasdan kami nina Inay at Itay, tinitiyak na lubos naming nagampanan ang aming mga tungkulin.

Bago ako umalis papunta sa misyon, sinabi ni Inay, “Gawin mo ang tungkulin mo, at gagawin ko ang akin. Mag-aayuno at magdarasal ako para sa iyo na makahanap ka ng mga taong tuturuan.” Nagpatuloy siya sa pag-aayuno at pagdarasal para sa lahat ng apat niyang anak na lalaki noong sila ay nasa misyon. Lahat kami ay tapat na naglingkod at nakauwing marangal.

Sa huling pag-uusap namin bago siya pumanaw, sinabi ni Inay, “Peiholani, naituro ko na sa iyo ang lahat ng alam kong pinakamahalaga sa buhay na ito at sa kabilang buhay. Iyan ay, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo. Ang nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo ay kaligtasan sa iyong kaluluwa. Sundin ang mga tipang ginawa mo sa Panginoon sa templo. Gawin mo ito, at ang ating pamilya ay magkakasama-samang muli. Alam ko ito nang walang pag-aalinlangan dahil ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay buhay.”

Ang aking patotoo ay nakasalig sa ebanghelyo, sa pamamagitan ng bawat salitang sinabi nina Inay at Itay. Alam ko na ang aming pamilya ay magkakasamang muli balang araw dahil ginampanan ng aking mga magulang ang kanilang misyon na ituro sa amin ang ebanghelyo at akayin kami sa Tagapagligtas.

Ang ama ng may-akda na si Moises, ina na si Lavinia, at pamangkin sa bakuran ng Los Angeles California Temple noong 1999.

Larawan sa kagandahang-loob ni Peiholani Kauvaka