2011
Ang Panahon Ko bilang Pioneer sa Calgary
Hulyo 2011


Ang Panahon Ko bilang Pioneer sa Calgary

Lorraine Gilmour, Ontario, Canada

Ako ay isinilang sa isang munting bayan sa hilagang Inglatera noong 1947. Noong ako ay 15 taong gulang, ipinakilala ako ng mga kaibigan ko sa mga misyonero, at sumapi ako sa Simbahan. Gayunman, hindi sumapi ang pamilya ko.

Nang malaman ko ang tungkol sa mga naunang pioneer ng simbahan, tila baga nalamangan ako sa hindi pagkakaroon ng mga ninunong tumawid sa kapatagan. Ngunit nang umunlad ako sa ebanghelyo, nagbago ang damdamin ko.

Naunawaan ko na ang mga naunang pioneer ang nagbigay-daan para makasapi ang mga taong tulad ko sa Simbahan. Ang dalawang misyonerong nagpakilala sa akin sa ebanghelyo ay mga inapo ng mga pioneer na iyon, kaya malaki ang utang na loob ko sa mga pioneer. Nadama ko na nakaugnay ako sa kanila sa espesyal na paraan.

Natanto ko rin na ako ay may pamana ng mapagbigay at masipag na mga taong nagsakripisyo, nagtrabaho, at lumaban pa sa mga digmaan upang makamtan ko ang mga bagay na hindi nila nakamtan at ibigay sa akin ang kalayaang tinatamasa ko ngayon. Hindi sumapi sa Simbahan ang aking mga magulang, ngunit pinalaki nila ako sa mabubuting pagpapahalaga at alituntuning naghanda sa akin na tanggapin ang ebanghelyo.

Sa huli, nalaman ko na maraming uri ang mga pioneer. Ako ang unang miyembro ng Simbahan sa aming pamilya. Hindi masaya ang pamilya ko sa desisyon kong magpabinyag, kaya nahirapan akong dumalo sa mga pulong. Hirap ang maliit naming branch dahil kulang ang mga miyembro, lalo na sa priesthood. Kalaunan naging malinaw na isasara na ito ng mission.

Dahil dito, nagpasiya akong lumipat sa Canada, na isa sa pinakamahihirap na desisyong nagawa ko. Nag-iisang anak ako at mahal na mahal ko ang mga magulang ko, gaya ng pagmamahal nila sa akin, pero nanganib sana ang patotoo ko kung nanatili ako sa isang lugar kung saan hindi ako makakasimba. Naaalala ko pa noong gabing umalis ako—tumatakbo si Itay sa tabi ng tren na nagpapalipad-hangin ng mga halik sa akin habang nakatingin si Inay. Nadurog ang puso ko, pero alam kong kailangan kong umalis.

Dumating ako sa Calgary, Alberta, sa Araw ng mga Ina noong Mayo 1967. Nagsimba ako kasama ang mga miyembrong tinuluyan ko at umiyak sa buong pagpupulong. Naaalala ko na sinulatan ko ang mga magulang ko na tumutulo ang luha sa aking mga pisngi, at sinabi ko sa kanila na gustung-gusto ko ang Canada pero labis akong nangungulila sa Inglatera at sa aking pamilya.

Sinikap kong umakma sa bago kong buhay, na nangungulila sa pamilya, malungkot, at bigo, pero nanatili akong tapat sa ebanghelyo. Dinaluhan ko ang lahat ng pagpupulong at tumanggap ako ng mga tungkulin. Ito ang panahon ko bilang pioneer.

Kalaunan nakilala ko ang mapapangasawa ko. Nabuklod kami sa Cardston Alberta Temple at nagpalaki ng tatlong anak sa Simbahan.

Tuwing babalik ako sa Inglatera, naaalala ko ang aking pagbabalik-loob at hindi ko mapigilang pasalamatan ang mga pagpapala sa akin. Nasaan kaya ako ngayon kung hindi ako naglakas-loob na gumawa ng gayon kahirap na desisyon at sundin ang Espiritu?

Walang hanggan ang pasasalamat ko sa mga naunang pioneer kapwa sa loob at labas ng Simbahan na nagbigay-daan para marinig ko at ng iba pang katulad ko ang ebanghelyo. Ang mga nauna ay nagbigay sa akin ng pagkakataon at lakas ng loob na maging makabagong pioneer.

Naaalala ko pa noong gabing umalis ako—tumatakbo si Itay sa tabi ng tren na nagpapalipad-hangin ng mga halik sa akin habang nakatingin si Inay. Nadudurog ang puso ko, pero alam kong kailangan kong umalis.