2011
Ang Tungkulin
Hulyo 2011


Ang Tungkulin

“Magtayo ng bahay sa aking pangalan, maging sa lugar na ito, upang inyong mapatunayan ang inyong sarili sa akin na kayo ay matapat sa lahat ng bagay sa anumang aking inuutos sa inyo” (D at T 124:55).

“Isaac, Isaac.” Tinig iyon ng kanyang ina. “Kailangan ka ng tatay mo sa kural.”

Nag-angat ng ulo si Isaac at tumanaw sa bintana. Tama nga, pasikat na ang araw, at ibig sabihin niyan oras na para magtrabaho. Bumalikwas si Isaac sa kama at inabot ang kanyang kamiseta. Naririnig na niya ang unga ng mga baka.

Paglabas niya sa pintuan ng kusina, nakita niyang akay ng Papa niya ang matandang si Taurus palabas ng tarangkahan.

“Saan po kayo pupunta nang ganito kaaga, Papa?” tanong ni Isaac.

“Diyan lang sa labas ng bakod. Hawakan mo ang timba ng butil para hindi gumalaw si Taurus.”

Umungol ang baka, na parang nagtatanong, “Ano ang nangyayari ngayong umaga?” Ngunit nang ipuwesto na ni Isaac ang timba sa ilalim ng ilong ni Taurus, tumahimik ito at sinimulang dilaan ng kanyang mahabang dila ang mga butil. Habang kumakain ang baka, itinaling mabuti ni Papa ang suga sa bakod.

Paglabas ni Mama sa pintuan sa harapan, sabi sa kanya ni Papa, “May espesyal akong gagawin, Emeline. Maaari mo bang dalhin sa akin ang malapad na lapis na nakapatong sa mesa?”

Nang iabot na ni Mama ang lapis, naglatag si Papa ng ilang karton sa lupa. Matapos tingnang mabuti si Taurus, nagsimula siyang magdrowing sa makinis na dilaw na kahoy.

“Ano po ang ginagawa ninyo, Papa?” tanong ni Isaac.

“Binigyan kami ni Brother Fordham ng mahalagang gawain para sa templo,” paliwanag ni Papa. “Tutulong kami sa paggawa ng 12 estatwang baka na papatungan ng bautismuhan. Idinodrowing ko ang padron, at si Taurus ang aking modelo.”

Nang marinig ang kanyang pangalan, nag-angat ng ulo si Taurus, at saka binalikan ang kanyang almusal.

Pinanood ni Isaac ang kanyang ama na nagguguhit ng mahahaba at malalapad na linya. “Nagiging kamukha na ni Taurus,” sabi ni Isaac. “Pero bakit po siya ang pinili ninyo?”

“Dahil siya ang pinakamalakas at pinakamagaling na bakang nakita ko. Nakita mo na ba ang tindig niya? Parang alam niya kung gaano siya kahalaga. Masunurin din si Taurus.”

“Napakaespesyal na tungkulin po ng proyektong ito, Papa. Hindi po ba?”

“Oo, Anak, tama ka. Nagpapasalamat ako dahil pinatulong ako.”

Hinimas ni Isaac ang leeg ni Taurus. Nararamdaman niya ang matitigas na kalamnan ng baka. “Isang karangalan iyan para sa iyo, Taurus,” bulong niya.

Mabilis na natapos ni Isaac ang kanyang gawain. Ginawa pa niya ang karaniwang dalawang dosenang sipit ng damit na yari sa kahoy nang mas mabilis kaysa rati. Alam niya na kapag natapos siya ay may panahon pa siyang gawin ang gusto niya.

Ngayon ay gustong magdrowing ni Isaac. Pinayagan siya ng kanyang mga magulang na magdrowing sa may dapugan, gamit ang uling na mula sa sunog na kahoy. Madaling mabura ang uling, at magagamit niya ito sa pagguhit ng malalapad o makikitid na linya.

Habang idinodrowing ni Isaac si Taurus, naisip niya ang kanyang ama at ang magandang templong itinatayo sa Nauvoo. Kung si Isaac ay malakas at masunuring tulad ni Taurus, siguro pipiliin din siya ng Panginoon na gumawa sa templo, gaya ng kanyang ama.

Paglalarawan ni Jim Madsen