Journal tungkol sa Pag-aayuno
Renee Harding, North Carolina, USA
Mahirap sa akin ang mag-ayuno noon—hanggang sa sumulat ako ng journal tungkol sa pag-aayuno. Ngayon, bago ko simulan ang bawat pag-aayuno, isinusulat ko ang partikular kong layunin sa pag-aayuno. Halimbawa, isusulat ko, “Dahil kinakabahan ako sa bago kong tungkulin bilang Beehive adviser, nag-aayuno at nagdarasal ako na basbasan ako ng Panginoon para ako mapanatag, magtiwala sa sarili, at hindi kabahan bukas sa pagtuturo ng una kong aralin.”
Sa buong pag-aayuno ko, isinusulat ko ang mahahalagang bagay na nangyayari; mga ideya, damdamin, at opinyon na sumasagi sa puso’t isipan ko; at mga talata sa banal na kasulatan na may kinalaman lalo na sa layunin ng pag-aayuno ko.
Kapag ibinahagi ko ang aking mga hangarin sa Ama sa Langit, madalas Niya akong pagpalain sa mga paraang hindi ko mawari. Ang tila di-magkakaugnay na mga pangyayari sa buhay ko ay malinaw na napag-uugnay kapag isinulat ko ang mga ito at nakita ko kung paano nakakatulong ang lahat ng ito sa aking paglago at pag-unlad. Mula noong 1996, nang simulan kong magsulat sa journal tungkol sa pag-aayuno, nakita ko kung paano pinagpala ng Ama sa Langit ang buhay ko. Pinatototohanan ko ang pambihirang espirituwal na kapangyarihan ng pag-aayuno at pagdarasal at itinuturing kong pagkakataon ang pag-aayuno para sa “kagalakan at panalangin” (D at T 59:14).