2011
Uminom nang Sagana sa Tubig na Buhay
Hulyo 2011


Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo

Uminom nang Sagana saTubig na Buhay

“Sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay hindi mauuhaw” (Juan 4:14).

Dahil sa trabaho ko nakakarating ako sa mga komunidad sa buong mundo kung saan walang makuhang malinis na tubig ang mga tao. Ang grupo namin ay nakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at residente upang makapaglaan ng mapagkukunan ng malinis at nagbibigay-buhay na tubig tulad ng mga balon at bukal o sinahod na ulan.

Ang mga proyektong patubig na ito ay nagbibigay ng mahalagang pag-unlad sa uri ng pamumuhay. Malaki ang iginaganda ng kalusugan dahil napipigilan ng malinis na tubig ang pagkalat ng sakit na tipus, kolera, at iba pang sakit na nakukuha sa maruming tubig. Umuunlad din ang ekonomiya dahil ang mga magulang at anak na dati ay nauubos ang oras sa pagsalok ng tubig ay makapagtatrabaho at makapag-aaral na. Maging sa mga komunidad na napakarami at napakalawak ng mga problema, laging sinasabi ng mga tao na malinis na tubig ang pinakagusto nila.

Ginugol ng Tagapagligtas ang Kanyang ministeryo sa lupa sa panahon at lugar kung saan umasa ang mga tao sa mga balon para sa tubig. Nang turuan Niya ang babae sa may balon sa pagsasabing “sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay hindi mauuhaw” (Juan 4:14), itinuturo din ba Niya sa atin na ang Kanyang ebanghelyo ang tumitighaw—nang palagian—sa ating pinakamahahalagang pangangailangan? Naniniwala ako.

Lagi kong pasasalamatan ang isang babae sa Kenya, Africa, na nagturo sa akin ng kahandaang kumilos para makakuha ng tubig. Nakilala ko siya sa isang pagdiriwang matapos mailagay ang isang balon sa kanyang komunidad. Nagpapasalamat niyang sinabi sa akin na dahil sa bagong balon isang milya (1.6 km) na lang ang lalakarin niya araw-araw sa halip na siyam na milya (14 km). Tuwang-tuwa siya sa mga pagkakataong napasakanya ngayon.

Hindi ko maiwasang isipin kung ano ang madarama ko kung ako ang maglakad ng isang milya para makakuha ng tubig. Humanga ako dahil isinantabi niyang lahat—mula sa gawaing-bahay hanggang sa paghahalaman—para maglakad at sumalok ng tubig. Alam niya na hindi niya matatapos ang iba pang mga gawain kung wala ang tubig na iyon. Naisip ko kung gaano kabigat ang kanyang pasan. Kailangan ng lakas at pagtitiis sa pagbuhat ng sinalok na tubig. Subalit, alang-alang sa kanyang pamilya, handa siyang maglakad ng siyam na milya araw-araw para mag-igib.

Iniisip ko kung tayo na kumukuha ng malinis na tubig sa gripo sa ating tahanan ay umaasa kung minsan na makalapit kay Cristo na kasingdali ng pagpihit sa gripo para makakuha ng isang basong tubig. O handa kaya tayong isantabi ang ibang mga gawain, pati na ang mahahalaga, upang hangaring makilala si Jesucristo at ang Kanyang Ama?

Alam ko na ang balon ng tubig na buhay na iniaalok sa atin ng Tagapagligtas ay hindi natutuyo kailanman at ito ay dalisay at nagbibigay-buhay. Kapag lumapit tayo sa Kanya na may dalang isang basong walang laman, pupunuin Niya ito, na kadalasan ay higit pa sa kaya nating tanggapin. Siya ay tunay na tubig na buhay, isang pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos.

Ano ang Tubig na Buhay?

  • Ang tubig na buhay ay ang ebanghelyo ni Jesucristo.

  • “[Ang] bukal ng mga buhay na tubig … [ay] sumasagisag sa pag-ibig ng Diyos” (1 Nephi 11:25).

  • Ang tubig na buhay ay makapagbibigay sa atin ng “kabuhayang walang hanggan” (Juan 4:14; D at T 63:23).

Itinuro ng Tagapagligtas, “Sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; nguni’t ang tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan” (Juan 4:14).

Ang Balon ng Buhay, ni Robert T. Barrett, hindi maaaring kopyahin